The Untamed Hearts

Never underestimate the true power of love. Even free-spirited hearts do fall in love with someone as free and untamed. But what if they do not recognize the feelings?

Will there be a future for people that are free-spirited and unbelievers when they finally fall in love?

Si Teresa ay isang dalagang walang malinaw na direksiyon ang buhay. Si Jerome naman ay isang lalaking abala sa pagpapaunlad sa kabuhayan.

Naglaro lang ang kapalaran nang magkurus ang kanilang mga landas. Pero tila nakatakda naman silang igapos ng atraksiyon na walang kontrol.

Ano ba ang dapat gawin sa sitwasyong mapanganib sa mga payapang mundo nila?

***

Magkahiwalay ang mga paa ni Jerome Monteverde habang nakatayo sa makapal na damuhan.

Kasalukuyan siyang nakatanaw sa malayo. Pinapanood ang kanyang mga tauhan na pawang mga nangakatungo sa pagtatanim ng palay sa malawak na putikan.

Siya man ay ganon din ang ginagawa kani-kanina lang. Sa katunayan, puro putik na rin ang kabuuan niya. At kaya siya nakapameywang ngayon ay para mabawasan ng kaunti ang pamimitig ng kanyang likod at tagiliran.

“Sir Jerome, may tawag daw po kayo sa bahay,” anang isa sa mga tauhan niya sa malaking bahay na nasa di-kalayuan.

Nilinga muna niya si Entoy bago tumango. “Susunod na ako,” wika niya. “Uuwi na talaga ako, hinihintay ko lang na lumapit si Ka Duroy dito para mapaghabilinan ko.”

Dinampot ni Entoy ang malaking basket na nasa ilalim ng punong akasya. “Iuuwi ko na po ito, ser,” paalam nito.

“Sige. Mauna ka na para hindi maghintay si Mama.”

Pagkaalis ng inutusan, humarap uli siya sa malawak na pataniman ng palay. Hinanap ng tingin ang katiwala. Kapagkuwa’y kumaway siya at sumigaw ng malakas.

“Ka Duroy! Ka Duroy, sandali lang. Parine muna kayo dito!”

Agad namang lumapit ang tinawag. Isang maliit at may katabaang lalaki na nasa katanghalian na ang edad.

“Ano ‘yon, Ka Jerome?” ang magalang na tanong ng may idad na lalaki.

“May gagawin pa ako sa bahay kaya uuwi ako ng maaga ngayon,” paliwanag niya. “Ikaw na ang bahala sa pa-trabaho natin dito. Bukas na lang uli tayo magkikita kapag nagpunta ako dito.”

“Oo, Ka Jerome. ‘Wag mo ng alalahanin ang mga tao natin. Ako na ang bahala,” tugon naman ng katiwala.

“Siyanga pala, patataniman na ba ang dasian?”

“Huwag muna. Baka doon na rin natin ipatanim ang binhi para sa duluhan.”

“Okey.” Sumaludo pa ang nakangiting lalaki.

“Aalis na ako.” Habang nagpapaalam, dinudukot na ni Jerome ang susi ng dyip sa bulsa ng pantalong pantrabaho.

Ilang sandali pa, nakalapit na siya sa kinapaparadahan ng kanyang landrover jeep.

Binagtas ng kanyang sasakyan ang daan patungo sa kanyang tahanan. At ilang minuto lang, huminto na ang minamaneho niyang sasakyan sa harapan ng malaki at marangyang bahay.

Lumang bahay na iyon kung tutuusin ngunit dahil sa kapapagawa at kapapaayos ng mga nagdaang henerasyon, sumusunod sa paglipas ng panahon ang desinyo at panlabas na kaanyuan.

Ang dating simple at mababang homestead ay naging isang mala-mansiyon na istruktura na.

At ang dating kaingin na nakapaligid ay isang malawak na hardin na ngayon.

Ang malaking pagbabago sa Monteverde Farm ay galing sa sipag at talino ng huling tagapagmana na si Jerome Monteverde. Tatlumpu’t tatlong taong gulang na pero wala pa ring asawa.

Pihikan ang binata. Mayroon siyang ideal woman pero wala naman siyang panahong maghanap. Masyado siyang abala sa pag-aasikaso sa kanilang mga lupain.

Bukod sa malawak na palayan, mayroon na ding malalaki at mga modernong babuyan at manukan, at isang pabrika ng food processing and cannery.

Ang brand na taglay ay pawang Monteverde, gawa ng Monteverde Quality Foods, Incorporated.

Unti-unti, nagkakapangalan na ang mga bagong tayong negosyo ni Jerome. Gayundin siya. Mas lalo pa siyang nagiging eligible bachelor kaya naman palagi siyang pinagkakaguluhan ng mga kababaihan sa kanilang bayan.

Pero pihikan talaga siya.

Papasok na siya sa maluwang na front door nang salubungin siya ni Aling Azon. Ang kanyang mayordoma sa malaking bahay.

“Magandang hapon, ser,” ang magalang na bati nito.

“Magandang hapon din, Aling Azon,” tugon niya habang naghuhubad ng suot na bota na kulapol ng makapal na putik. “Pasensiya na dito, nagmamadali ako, e,” dugtong niya, sabay senyas sa maruruming pamaa.

“Naku, si ser naman. Walang anuman po ‘yan,” ang nakangiting wika ng katiwala.

“Este, ser, may bisita daw po kayo ngayon. Ipinatatanong po sa akin ni Senyora Juanita kung anong ulam ang gusto n’yong ipaluto para sa hapunan?”

Napamaang siya. “Bisita?” ulit niya. “Wala akong nalalaman na magkakabisita tayo ngayon, Aling Azon.”

Nagkamot ng ulo ang mayordoma/ kusinera. “E, ‘yan ang sinabi sa akin ng iyong Mama, ser,” sambit nito. Nabahiran ng pagkalito ang tono. “Er, ako pa nga po ang nakatanggap ng tawag,” dagdag pa.

Napailing na lamang si Jerome. “Baka naman isa sa mga kamag-anak namin. O, siya, bahala na lang kayo kung ano ang gusto n’yong lutuin para mamaya.”

“E, sige, ser.” Nagdumaling bumalik sa kusina ang kausap. “Ipapaligpit ko agad ang kalat d’yan, ser,” dagdag pa bago tuluyang nawala sa paningin niya.

Hindi na siya sumagot. Nagtuloy na lang siya sa kanyang opisina. May kailangan pa siyang tawagan bago makipagkita sa ina.

Idinayal niya ang numero ng celfone ni Noel, ang matalik niyang kaibigan. Nag-iwan ito ng message sa answering machine kagabi na importanteng magkausap sila.

Tumawag naman siya kaya lang ay walang sumasagot. Kanina naman ay madaling-araw pa nung umalis siya para magpunta sa bukid kaya hindi siya nakatawag.

“Hello? Noel? Si Jerome ‘to, pare,” pahayag niya matapos tugunin ang tawag niya sa ikatlong kuriring.

“Jerome? Pare, bakit ngayon ka lang tumawag? Kahapon pa kita gustong makausap!” Pabulalas agad ang pagsasalita ng nasa kabilang kawad.

“Wala ka diyan kagabi. Wala naman ako dito kaninang umaga. Ngayon lang ako umuwi,” tugon niya bilang paliwanag. “So, what’s up, brod?”

“Well, nakakita na ako ng ipinahahanap mo sa akin, brod!”

Kumunot ang noo ni Jerome na patuloy na nagsasalin ng alak sa tumbler habang nakakipit sa teynga at balikat ang receiver ng cordless telephone.

“Anong ipinahahanap?” tanong niya matapos lagyan ng isang tipak ng yelo ang hawak na kopita. “Wala akong natatandaan, pare,” dugtong niya pagkatapos maupo sa swivel chair na kanyang pinaikot paharap sa malapad na bintana.

“Hay, naku ‘tong si Jerome talaga, oo! Di ba’t sinabihan mo ako na ihanap kita ng mapapangasawa?”

Muntik na niyang maibuga ang sinisimsim na alak, sabay napa-diretso ng upo. “Pare naman, pareho tayong lasing n’on. Ba’t naman sineryoso mo?” pambubuska niya, pero may halong pang-uusig.

“Lasing pala, ha? E, ba’t pareho nating natandaan?” salo naman ni Noel. “Kita mo nga’t kahit na isang buwang mahigit na ang nakakaraan, naaalala ko pa?”

“Pare, nagbibiruan lang tayo n’on,” bawi niya.

“Pare, nasa hustong edad ka na para magparami ng lahi.”

Bumuka ang bibig ni Jerome pero parang bulang nawala ang gusto niyang sabihin. Paano’y nahagip ng paningin niya ang nakalatag na ekta-ektaryang lupain ng Monteverde Farm sa paanan ng bahay na kinaroroonan niya.

Treinta y singko na siya. Wala pa rin siyang heredero. Kailangan na nga pala talaga niyang mag-asawa…

“Buweno,” aniya, matapos lunukin ang pagtutol na sasabihin sana. “Nasaan naman ang babaeng napili ng aking matalik na kaibigan, aber?” Kunwa’y pinagaan niya ang tono. “Gusto ko munang kaliskisan, siyempre.”

“Naturalmente, mahal kong ‘igan,” ang maagap na tugon ni Noel sabay halakhak. “Sa katunayan, papariyan na nga siya magmula pa kahapon. Hindi ko lang siya maihatid dahil may mga inaasikaso pa ako dito. Alam mo na, marami-rami pa naman ang naloloko sa aking mga chicks, kahit na medyo nagkakaedad na rin ako.”

Hindi naniwala si Jerome sa pagbibiro ng kaibigan. “Kumusta ang Mama mo, Noel?” ang seryosong tanong niya. “You only have to ask, friend. Pupuntahan kita agad d’yan.”

Katahimikan muna bago narinig ni Jerome ang isang maikling buntonghininga mula sa kabilang dulo ng linya. “I know, pare, and I’m very grateful,” sambit ni Noel. Seryoso na rin.

Dinampot ni Jerome ang basong kristal.

“Kaya nga, I did my very best to find you a wife. Bilang pagtanaw ng utang na loob at marubdob na pasasalamat sa lahat ng mga kabutihan at tulong mo sa amin — ”

“Stop it there, friend,” awat ni Jerome, sabay tungga ng natitirang laman sa baso.

“Hindi ako humihingi ng kapalit sa anumang naibibigay ko sa ‘yo. Para ano pa ang pagkakaibigan natin? Siyanga pala, sinabi mo bang darating dito ang babaeng inirereto mo?” Iniba na niya ang usapan para gumaan na uli ang tema.

“Oo. Kahapon pa nga siya umalis dito. Inihatid ko pa nga siya sa sakayan ng bus.”

“Alam ba niya ang pagpunta dito?” tanong niya nang may mabakas na bahid ng pag-aalala sa tono ng malalim na tinig.

“Alam naman. May ibinigay akong sketch. At malinaw naman ang mga instructions na inilista ko.”

“Kaanu-ano mo ba ang babaeng ‘yon, Noel? P’ano mo nakumbinsing pumunta dito gayong hindi pa nga niya ako kilala?”

“Kilala ka na niya. Malimit kitang ikuwento sa kanya.”

“I see. So, ako na lang pala ang hindi nakakakilala. Sino ba siya? Ano’ng pangalan niya?”

Sumagot si Noel pero bahagya na lang niya narinig. Biglang nagkaroon ng static ang connection ng mga linya nila.

“Hello? Noel, hindi kita marinig — ” Tuluyan nang naputol kaya huminto na lang siya. Muli niyang idinayal ang mga numero pero wala na. Ugong na lamang ang naririnig niya sa linya.

Ganoon ang nangyayari kapag lumalakas ang ihip ng hangin sa labas. Naaapektuhan ang makabagong teknolohiya ng komunikasyon.

Matapos ang ilang ulit pang pagtatangka, nagsawa si Jerome. Saka na lang uli niya kokontakin ang kaibigan.

Minabuti niyang lumabas na muna doon upang magtungo sa kuwarto ng ina.

Ang pagkakaroon ng isang magulang na mayroon pang karamdaman ang isa sa maraming katangian na ipinagkapareho nila ni Noel.

Ang kanyang ina ay hindi na makapagsalita ng maayos matapos ang isang matinding stroke, na pumaralisa sa kalahati ng katawan nito. May tatlong taon na ang nakakaraan pero mabagal pa rin ang panunumbalik ng kalusugan ng matandang babae.

Hindi niya mapigil ang sarili na dumanas ng sobra-sobrang frustration dahil walang magawa ang salapi nila para maibalik ang dating sigla at kalusugan ng kaisa-isang magulang.

Iyon marahil ang dahilan kung bakit nawalan siya ng ganang maghanap ng babaeng mapapangasawa. Palagi siyang nasa farm para palaging nasa malapit sa tuwing kakailanganin ng kanyang Mama ang atensiyon at pagmamahal niya.

Bahagya nang napapangiti si Jerome habang naiisip ang tungkol sa babaeng hinanap ni Noel para mapangasawa niya. Tiyak na matutuwa ang Mama niya!

Patalon na umibis si Teresa mula sa sinasakyang dyip. Umaapaw naman kasi sa dami ng pasahero at mga bagahe ang kawawang sasakyan.

Halos hindi siya makahulagpos mula sa mga naglalakihang kaing ng saging.

Gayunpaman, nakangiti ang dalaga habang nagpapalinga-linga sa paligid. Iba ang pakiramdam niya sa lugar na napuntahan ngayon. Pihong magtatagal siya rito.

Hindi muna lumakad si Teresa. Hinugot muna niya ang bimpo sa likurang bulsa ng pantalong maong at pinunasan ang leeg at mukha.

Pakiramdam niya ay nanikit na sa balat niya ang sari-saring amoy ng mga kapwa-pasahero, magmula pa sa masikip na traysikel at siksikang dyip na sinakyan niya.

Ang kumportable lamang ay ang aircon bus na sinakyan niya kahapon ng hapon.

‘Haharap ba siya kay Jerome Monteverde sa ganitong ayos?’ tanong niya sa sarili.

Siyempre, hindi.

Muli siyang nagpalinga-linga. At gayon na lang ang labis na pagkatuwa niya nang mamataan ang isang malapad na irrigation canal. Animo batis iyon dahil sa linaw ng umaagos na tubig.

Patakbo siyang lumapit doon. Inilublob niya ang dalang bimpo at kinusut-kusot bago piniga. Paulit-ulit niyang ipinunas iyon sa kanyang mukha at leeg. Pati sa mga braso at itaas na bahagi ng dibdib. Inisa-isa niya ang mga daliri at mga kuko.

Pagkatapos, naupo siya sa isang malaking bato upang ilabas mula sa malaki at namumutok na knapsack ang toiletry bag. Nagsuklay siya ng maikling buhok. Nagpahid ng kaunting pulbo sa nangingintab na ilong at naglagay ng mapusyaw na lipstick para matakpan ang panunuyo ng mga labi.

Masusing pinagmasdan ni Teresa ang mukha sa malinaw na tubig na nagsilbing kanyang salamin.

Marami sa mga lalaking kakilala niya ang nagsabing may hitsura naman daw siya. Kaya lang kilos lalaki daw siya.

Napailing siya, hinipo ng mga daliri ang makintab at itim na buhok. Napaikli yata ang gupit sa buhok niya nung baklang beautician.

“Tsk! Sinasabi ko na nga ba’t di marunong ang gagang bading na ‘yon, e!” palatak niya sa sarili habang iiling-iling pa rin.

Pero wala naman siyang magagawa na kundi ang hintayin na lang na muling tumubo ang buhok.

“Kung ayaw sa akin ni Jerome Monteverde, ayos lang,” bulong uli niya habang nagliligpit ng mga inilabas na gamit. “Tutal, pinagbigyan lang naman kita, Loida.” wika pa niya na animo may kausap.

Kaibigan niya si Loida Sanchez. Medyo mapurol ang utak nito at madaling magdesisyon kaya malimit na mapasok sa gusot.

At siya ang paborito nitong hingian ng saklolo kaya nandito siya ngayon.

“Hah! Huwag ka ngang ipokrito, Teresa Dimaculangan!” pambubuska niya sa sarili habang isinusukbit sa dalawang balikat ang mabigat na knapsack. “Umaasa ka rin kasi na baka matagpuan mo na sa lugar na ito ang lifelong security na hinahanap mo.”

Beinte singko anyos na siyang naghahanap ng seguridad sa buhay. Hindi naman siya naghahangad ng sobra. Maliit na bahay lang na nakatirik sa isang munting bakuran ay puwedeng-puwede na sa kanya.

Kung paano niya matutupad ang simpleng pangarap ay hindi pa niya alam. Parang imposible nga dahil sadyang may pagkalagalag siya. Kungsaan-saan siya nakakarating. Parang may sariling isip ang kanyang mga paa.

Kaya naman nang malaman niya ang tungkol sa problema ni Loida, sinunggaban na niya. Isang ginintuang oportunidad ang pinawawalan ng kanyang kaibigan!

Naalala niya ang naging pag-uusap nilang dalawa…

“Ano?” bulalas niya sa telepono kahapon. “Pumayag kang maging mail-order bride, at pagkatapos ay umaatras ka?”

“Pinigilan ako ni Jeff, e. Nataranta ang loko nung malamang mawawala na ako sa listahan niya. Ayun, siya na lang daw ang magpapakasal sa akin,” katwiran ng kausap.

“Hay, Loida! Ang tanga mo talaga!” panenermon niya pa. “Hindi mo ba kilala si Jerome Monteverde? Milyunaryo ‘yon!”

“Hmp! Mayaman nga, e, kung hukluban naman?” salo ni Loida, paangil. “O, ano ba? Tutulungan mo ba ako, o pagagalitan lang? Tatawag na lang ako ng ibang kaibigan,” pananakot pa nito.

“Sorry,” agap ni Teresa. “Nasaan ka ba?”

“Nasa terminal ako ng bus patungong Bicol.”

“Okey. Pupunta na ako d’yan.’ Palibhasa, isa nga siyang lagalag, palaging naka-impake ang kanyang bag.

Ang mountaineering bag na ang itinuturing na niyang aparador, na kahit na nasa kuwartong inuupahan na ay palagi pa ring nasa bag lahat ng kanyang gamit. Dinampot niya iyon matapos i-off ang celfone.

Wala siyang nakasalubong sa makitid na koridor ng bahay-paupahan kaya wala siyang napagpaalaman. Nagkibit-balikat lang siya nung maalalang malapit nang maubos ang deposito niya sa kasera. Sanay naman siyang walang matirahan.

Nakaabang na sa kanya si Loida sa may bukana ng terminal ng bus. Nasa di-kalayuan nila ang boyfriend nitong si Jeff habang pahapyaw na ipinapaliwanag sa kanya ang mga pangyayari at sitwasyon.

“Ang ibig mong sabihin — hindi pa siguradong papayag na magpakasal sa ‘yo si Jerome Monteverde?” tanong niya nang matapos ang pabugsu-bugsong kuwento ng kaibigan.

Umilap ang mga mata ni Loida. “D’on din naman daw pupunta ang lahat, sabi ni Mr. Rivera.”

“Sino naman si Mr. Rivera?”

“‘Yon ‘yung kaibigan ni Jerome Monteverde na naghanap ng babaeng mapapangasawa.”

“I see. Ahente, in other word?”

“Parang.”

“P’ano naman nakasiguro ang Mr. Rivera na ‘yon?”

Hinipo ni Loida ang mahabang buhok na alun-alon. Nakamata ito sa maikling buhok niya. Tila nadidismaya.

“Ang weakness daw ng magiging groom ay buhok,” wika nito. “Bakit ba nagpagupit ka ng ganyan?” pang-uusig pa.

Hinipo rin tuloy ni Teresa ang buhok niya. “Puwede kong sabihing natipos ako,” pamimilosopo niya.

“O, ano? Uuwi na lang ba ako? Hindi yata ako puwede, e.” Nakita niyang naiinip na si Jeff sa di-kalayuan kaya maaari na siyang magmalaki kunwari.

“Hindi. Huwag,” pigil agad ni Loida. “Hindi naman niya alam kung ano ang hitsura ko. Sosorpresahin lang daw ni Mr. Rivera si Jerome M. Kaya lang, inilarawan na nga niya ang mahabang buhok ko…”

Inignora ni Teresa ang huling sinabi ng kaharap. Alam niyang nagsisimula nang magsalawahan ito kaya pasimple niyang kinambatan si Jeff.

Agad namang lumapit ang lalaki. Inakbayan nito si Loida. “Okey na ba, Loi?” Pumayag na si Terry?”

“Makakatanggi ba naman ako?” tugon ni Teresa, nakangiti. “Once-in-a-lifetime adventure ‘ata ito.”

“E, p’ano kung isang matandang hukluban na nga si Jerome M.?” pakli ni Loida.

“Pagtitiyagaan ko na basta’t may house-and-lot ako,” ang maagap na salo ni Teresa, sabay kindat kay Jeff. “As’an ang pamasahe ko?” tanong niya habang inilalahad ang isang palad.

Saglit na sumimangot si Loida, bago dumukot sa bulsa ng bestida. “Wala ka bang dalang pera?” tanong nito, halos paangil.

Tumaas ang mga kilay ni Teresa. “Hatian mo naman ako sa budget na ibinigay ni Mr. Rivera, Loi. Para makarating ako ng matiwasay sa paroroonan ko.” Seryoso na ang ekspresyon niya. May bahid na ng tigas.

Kabisado na ng kaibigan ang banayad na tono ni Teresa. Walang imik na nagbilang ito ng perang papel.

“Tama na ba ‘yan?” tanong nito matapos niyang itikom ang palad na tumanggap sa pera.

Tumango si Teresa. Nakangiti na uli. “Pagkakasyahin ko na ‘to. Salamat. Good luck sa inyo ni Jeff.” Tinapik niya ang lalaki sa balikat bago tumalikod.

“Sundin mo lang ang mga instructions na nakalista, Terry!” pahabol-habilin ni Loida bago siya tuluyang nakalayo.

Napangiti sa sarili si Teresa matapos maalala ang naging nag-uusap nila ni Loida…

Talagang ginawa niya lahat ng bilin nito.

Sumakay siya ng bus, bumaba sa tamang destinasyon, at tumawag sa numero ng telepono upang ipaalam ang kanyang pagdating sa pupuntahan. Sumakay uli siya, sa dyip naman. At ngayon nga ay nandito na siya sa bukana ng Monteverde Farm.

Huminga muna siya ng malalim bago pumasok sa maluwag na rough road. Tila walang katapusang kalsadang mabato ang kanyang tinutugpa dahil wala siyang natatanaw na tarangkahan o kahit na bubungan man lang ng bahay.

Gayunman, dumiretso pa rin siya. Wala na siyang opsyon dahil nagugutom at nauuhaw na siya. At papagabi na naman.

Latang-lata na ang pakiramdam ni Teresa. Hindi siya nakatulog nang maayos kagabi dahil nakaupo lamang sa bus. Kailangang-kailangan na ng katawan niya ang pahinga at nutrisyon.

Hindi rin kasi siya gaanong kumakain magmula pa kagabi. Tinitipid niya ang perang bigay ni Loida para pandagdag sa sariling pera kung sakaling bigo ang misyon niya.

Kapag tinanggihan siya ni Jerome Monteverde, puwede siyang magpunta sa Mayon Volcano para maghanap ng magiging trabaho. Magaling siyang umakyat ng bundok kaya maaari siyang maging mountain guide.

Click here to READ MORE

Comments are closed.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age