Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THE WATER NYMPH

Nadja fell under the spell of an evil goblin and was turned into a mysterious lake. She had no hope of getting free until Gomer came.

He was brave and adventurous. Would he risk his life for a water nymph like her?

Isang mahiwagang lawa ang bigla na lang lumitaw sa gitna ng matinding tagtuyot. Nakinabang ang lahat. Naging masagana ang mga ani at naging masagana ang buhay.

Ngunit mayroong hinihinging buwis ang nimpa sa tubig…

* * *

Nangangagat sa laman ang ginintuang sinag ng araw. Sumisigid hanggang sa buto ang init.

Pero wala na yatang gigiting pawis sa yayat na katawan ng matandang magsasaka. Tuyung-tuyo pa rin ang kayumangging balat. Katulad ng lupang kanina pa binubungkal.

“Oy, pakiabutan mo nga ako ng tubig. Uhaw na uhaw na ako,” daing ni Mang Sixto sa matandang babae na mukhang tuyut na tuyot na rin.

“Naku, lumapit ka na lang, Sixto. Dine ka na uminom. Baka maitapon ko pa, e, sayang.”

Sinunod ni Mang Sixto ang payo ng asawa. Gamit ang garabato bilang tungkod, marahan niyang tinawid ang maikling distansiya ng natigang na bukirin.

Kailangang mag-ingat sa paghakbang dahil malalaki na ang mga bitak sa lupang dating taniman ng mga gulay. Kasya na halos ang isang buong hita.

Kaya kapag nahulog ay mahirap nang makaahon at makatayo agad.

“O, ba’t kalahati lang?” reklamo nito nang makita ang laman ng maliit na basong yari sa puting lata.

“‘Yan lang ang puwede mong inumin ngayon. Para mamayang tanghalian at hapunan ay meron pa.”

“Pambihirang buhay ito, oo!” Iiling-iling si Mang Sixto habang inilalapit ng nanginginig na kamay ang baso sa putuk-putok na labi.

Napadaing ito nang humapdi ang mga gatla na nagsugat na dahil sa panunuyo, matapos mabasa sa pag-inom.

“O, o, dahan-dahan. Baka matapon pa ‘yang tubig. Sayang,” paalala ni Aling Josefa, sa tonong alalang-alala. “Bawat patak ng tubig ay mahalaga.”

“Oo, oo, alam ko ‘yan,” pakli ni Mang Sixto. Nayayamot ang tono. Uminom uli ito. Buong ingat. Matagal na itiningala ang baso sa tapat ng nakabukang bibig para masimot ang kahuli-hulihang patak.

“Hay, hanggang kailan kaya ang tagtuyot na ito?” sambit ng garalgal na boses ni Aling Josefa. “Kakaunti na lamang ang laman ng balon natin. Pati sa mga kapitbahay. Bukas-makalawa, wala na tayong makukuha, kahit na panluto man lang.”

Hindi na naliligo ang mga tagaroon. Hindi na rin naglalaba. Ang mga gamit sa pagkain at sa pagluluto ay binabanlawan na lang sa pinaghugasan ng bigas at gulay na iuulam.

Bukas-makalawa, wala na rin sigurong mailuluto. Papaubos na rin ang mga inani sa nagdaang taniman.

“Ang mabuti pa siguro ay lisanin na natin ang lugar na ito. Isinumpa na yata ang Baryo Mabuhangin, e.” Bagsak na ang mga payat na balikat ni Mang Sixto. “Mamamatay lang tayo ng dilat dito, kung magpapatuloy tayo sa paghihintay ng pagdating ng ulan.”

Tinapik ni Aling Josefa ang kulubot na kamay ng asawa. Wala itong maisip sabihin kundi ang, “Huwag tayong mawalan ng pag-asa, Sixto. May awa ang Diyos. Darating din ang tag-ulan.”

Samantala, isang maitim at malaking nilalang ang bumubunghalit ng tawa.

Malutong ang tunog na puno ng pang-uuyam. Umaalingawngaw sa kulong na palibot. Nakakabingi.

Yumuko si Nadja. Lalo pang isiniksik ang nakabaluktot na katawan sa sulok ng kulungang hawla. Tinakpan ng mga kamay niya ang magkabilang teynga. Ipinikit nang mariin ang mga mata.

Ngunit tumatagos pa rin sa loob ng isipan ang mapait na epekto ng malisyosong kasiyahan ni Prinsipe Bulik.

Napapanood at napapakinggan nito ang pag-uusap ng mag-asawang Sixto at Josefa. Maging ang tagpo sa iba’t ibang panig ng Baryo Mabuhangin ay nakikita at naririnig din nito.

Posible ang ganoon kahit na nasa loob sila ng isang kuweba na nasa ilalim ng lupa, dahil sa taglay na malakas na kapangyarihan.

Isang dugong-bughaw na heneral si Prinsipe Bulik. Isa ito sa mga anak at mga tagapagmana ng trono ni Haring Danubis, ang pinuno sa daigdig ng mga engkanto.

“Tingnan mo ang ibinubunga ng pagmamatigas mo, Nadja,” panunuya nito sa kanya. “Kung tinatanggap mo na ba ang pag-ibig ko — disinsana’y hindi nahihirapan ang mga taong inosente!”

Gumapang ang balat ni Nadja sa sobrang pandidiri. “Huwag mo akong pilitin na gustuhin ka, Bulik. Nasusuklam ako sa ‘yo,” aniya, sa matigas na tono. “Ikaw ang pinakamasamang nilalang!”

Sumingasing nang malakas si Bulik. “Huwag mo akong insultuhin, Nadja! Kayang-kaya kong pisilin ang leeg mo!”

“Mabuti pa ngang patayin mo na ako!” sigaw niya. “Para hindi ko na nakikita ang pangit na mukha mo!”

Dumagundong ang sahig ng madilim na kuweba nang kumilos ang mabibigat na yabag. Ang hawla na yari sa bakal na itim ay nayanig habang papalapit ang mala-higanteng lalaki.

Nag-apoy sa galit ang mga mata nito. At may lumabas na usok sa mga butas ng ilong.

Pagalit na hinawakan ng matatabang daliri ang mga rehas. Dinampot nang buung-buo ang hawlang kuwadrado. Inalug iyon nang inalog. Malakas. Walang pakundangan.

Kinagat ni Nadja ang ibabang labi upang huwag siyang mapatili sa sobrang pagkaliyo. O kahit na mapaungol kapag nauumpog ang ulo at nabubugbog ang iba’t ibang parte ng katawan.

Ang pagtitiis niya ng sakit ay lalo lang ikinagalit ni Bulik. Pabagsak nitong binitawan ang hawla.

Saka lang nakalas sa pagkakabaluktot ang katawan ni Nadja. Hinayaan niyang lumungayngay ang mga braso na yumakap nang mahigpit sa mga hita at binti.

Hindi siya makapaniwalang buhay pa siya!

A, kailan ba siya mamamatay…?

“Papatayin ko ang lahat ng mga tao diyan sa Baryo Mabuhangin, Nadja!” pagbabanta nito. “Ubos na ang pasensiya ko! Ipapakita ko sa ‘yo na masamang magalit si Bulik!”

Pinigil ng mala-kulog na boses ang pagpanaw ng ulirat niya.

“Tumingin ka sa gagawin ko, Nadja!” utos nito. “Panoorin mo kung paano ko sunugin nang buhay ang mga taong kauri mo!”

Napilitang dumilat uli si Nadja.

Inilahad ng engkanto ang mga palad at itinapat sa bahagi ng kuweba na mistulang isang higanteng screen sa sinehan.

“H-huwag–” Pinilit niyang magsalita, kahit na hinang-hina ang pakiramdam.

“Magmakaawa ka, Nadja!” Patuloy sa pag-iipon ng mahiwagang lakas si Bulik.

“H-huwag sila ang pahirapan mo, Bulik,” pakiusap niya. Unti-unti niyang naikilos ang sarili. Tulak ng desperasyon at matinding awa. “H-hindi sila. Ako na lang…!”

“Hindi ‘yan ang gusto kong marinig, Nadja!” pakli ng malaking boses. “Gusto kong sabihin mo na iniibig mo na ako. At handa ka nang magpakasal sa akin!”

“H-hindi ko kayang magsinungaling!”

“Haaarrrr! Galit na galit na ako! Payag ako kahit na magsinungaling ka!” hiyaw ng engkanto.

Sunud-sunod ang pag-iling ng dalaga.

“I-ipagawa mo na sa akin ang kahit na ano, Bulik!” bulalas niya. “Kahit na ano ay gagawin ko, huwag mo nang saktan ang mga taong walang kinalaman!”

Nagkaroon ng sandaling katahimikan.

“Tama ba ang narinig ko? Kahit na ano ay gagawin mo?”

“O-oo, Bulik. Maawa ka sa kanila. Huwag mo na silang idamay,” pagmamakaawa niya.

“Puwes, papayag ka bang maging kahit na ano? Para matapos ang tagtuyo sa Baryo Mabuhangin?”

Hindi na nag-isip si Nadja. “Oo! Oo, payag ako. Mabigyan lang sila ng tubig. Payag ako!”

Kumuyom ang mga daliri ni Bulik habang nag-iisip. Pamaya-maya’y pumitik ito sa hangin.

“Buweno, gagawa ako ng kabutihan, alang-alang sa ‘yo, Nadja. Sana naman ay matutuhan mo na akong mahalin,” wika nito. “Mamayang gabi, matutupad ang kahilingan mo. He! he! he!” Puno ng katusuhan ang pagtawa nito.

Kinagabihan nga, habang natutulog ang lahat, unti-unting nagbago ang paligid–at ang anyo–ni Nadja.

Namalayan na lang niya na napapalibutan na siya ng malinaw na tubig. Humihinga na siya ng tubig.

Kaipala, naging tubig na siya! Isang lawa na siya!

Ibig niyang tutupin ng isang kamay ang dibdib sa sobrang panggigilalas. Ngunit wala na siya sa pormang tao. Bahagi na siya ng tubig. Siya na ang tubig.

Nagpalinga-linga siya. Wala pa siyang nakikita sa itaas at sa paligid dahil madilim. Wala ang buwan sa langit.

Sumisid siya sa ilalim upang tingnan kung ano ang nasa karimlan sa ibaba. Isang guwang ang kanyang natagpuan.

Hindi siya makalusot kahit na walang nakaharang. Ilang ulit siyang nagpumilit. Nasa anyong likido siya, dapat ay humugos na siya papasok doon.

Maya-maya, nagliwanag sa kabilang panig ng munting lagusan. Nakita niya ang interyor ng kuweba ni Bulik. Doon siya nanggaling.

“Ano pa ang kailangan mo, Nadja? Natupad na ang nais mo para sa mga taong kauri mo,” anang mapang-uyam na tinig ng prinsipe bago pa ito lumitaw sa harapan niya. “Ang tubig sa ‘yong lawa ay magmimistulang milagrosa. Kapag nabasa mo ang lupa, tutubo agad ang mga halaman.”

Hindi makapaniwala si Nadja. “Talaga?”

“Patutunayan ko sa ‘yo.”

Kumumpas ang isang maitim na kamay. Biglang lumitaw ang mga alagad nitong mga maliliit na nilalang na hugis-tao at sing-itim rin ng panginoon. Hindi mabilang sa dami. Ang bawat isa ay may dalang timba.

“Mag-igib kayo ng tubig sa lawa ni Nadja,” utos ng prinsipe. “At idilig n’yo sa tigang na lupa sa buong baryo!”

Parang iisa lang ang inutusan nang sabay-sabay na magsitalima ang mga kampon.

Walang isang oras ang lumipas, ngunit narating na agad ni Nadja ang iba’t ibang panig ng Baryo Mabuhangin. Hanggang sa kasuluk-sulukan ay naabot niya.

At isang pantastikong himala nga ang naganap.

Sa unang pagdampi pa lamang ng tubig sa tuyo at buhaghag na lupa, sumibol na agad ang isa, dalawa, tatlong dahon. Mabilis na sinundan ng iba pa. Hanggang sa maging isang kumpol. Hanggang sa yumabong at kumapal. Hanggang sa maging isang ganap na halaman. Hanggang sa nagkabunga na.

Sa isang iglap lang, naging luntian na naman ang paligid ng Baryo Mabuhangin. Maaari nang pitasin ang mga prutas at gulay sa loob ng mga bakuran. Maaari nang anihin ang mga ginintuang palay at mais sa mga bukirin.

Tiyak na magugulat ang mga taong naninirahan doon bukas.

Sana lang ay tanggapin ng mga ito ang mga biyayang madaratnan…

“O, ano? Wala ka bang masasabi man lang diyan? Sobra-sobrang kabutihan na ang ipinapakita ko, Nadja.”

“G-gusto kong magpasalamat, Bulik,” pahayag niya. “Kaya lang ay nangangamba ako sa kapalit na hihingin mo.”

Humalakhak ang kausap.

“Matalas talaga ang isip mo, Nadja. Kaya nga nagustuhan kita.” Ang papuri ng engkanto ay isa nang pag-amin.

Lalong kinabahan si Nadja. “Ano ang kabayaran na kukunin mo sa kanila?”

Pigil-hininga siyang naghintay sa kasagutan.

Ngunit hindi tumugon nang diretso si Bulik. “Malalaman mo sa takdang sandali ng aking paniningil. He! he! he!”

“Sagutin mo na ngayon ang tanong ko,” pamimilit niya.

“Ayaw kong mawalan ka ng sorpresa, Nadja.”

“Ipangako mo na lang na wala ka nang idadamay na ibang tao.”

“Hindi ko magagawa ‘yan, Nadja. Labag sa kapangitang-asal ko ‘yan. Alalahanin mo na hindi ako likas na mabuti.”

Nagtimpi ng poot na nadarama si Nadja. Susubukan niyang daanin sa diplomasya ang engkanto.

“Paano kita mapapag-aralang mahalin kung magpapakita ka na naman ng kasamaan?”

Malulutong na halakhak muna ang itinugon ng makapangyarihang nilalang. “Ho! ho! ho! Nakakatawa ka, Nadja! Naniniwala ka pala sa mga kalokohan na sinabi ko?” pang-uuyam nito. “Hindi na kita gusto ngayon–ngayon na isa ka nang isinumpa! Ha! ha! ha!” Naglalaho ito habang nagtatawa.

“Bulik! Magbalik ka! Ano’ng ibig mong sabihin?” habol niya.

Tinig na lang ng tusong engkanto ang narinig niya. “Mananatili ka na lang tubig sa habang panahon, Nadja! Iyan na ang kaparusahan mo sa pagiging matigas ng puso mo! Kusang mawawala ang sumpa kapag natuto kang umibig nang di tinuturuan. Har! har! harrr!”

Maliksing lumipas ang panahon. Ang alamat ng mapagpalang lawa ay nagpasalin-salin sa maraming dila.

Marami ang natuwa at nagalak, sa biglang pagtatapos ng tagtuyot noon.

Nagpasalamat ang mga taga-baryo. Nag-alay ng kung anu-anong pagkain sa paligid ng lawa.

Walang kamalay-malay na hindi ang mga iyon ang hihinging kabayaran para sa lahat ng mga biyayang tinatamasa ng lahat.

Ang lawa ay mabuti at sagrado, sa paniniwala ng lahat.

Kaya ni isa ay walang naghinala sa kuneksiyon ng lawa sa mahiwagang pagkawala ng mga lalaki…

Sa pamamagitan mo, Nadja, mapapanatili ko ang mataas na antas ng aking kapangyarihan! Mapapanatili ko ang aking kabataan!

Ang mga salitang iyon ay paulit-ulit na narinig ni Nadja sa loob ng kanyang utak.

Habang tumatagal, unti-unti na niyang napagtanto ang mapait na katotohanan. Na nilansi at nilaro ni Bulik ang kanyang damdamin at isipan.

Nagkunwari lang ito na siya ang talagang gusto. Pero ang tutoo ay may ibang plano ito sa kanya.

Ang angkin niyang ekstra-ordinaryong kagandahan ay gagawin lamang palang pain at pang-akit sa mga lalaki.

Kaipala, sa mga lalaking bata at matipuno pa kumukuha ng kabataan at lakas si Bulik.

Ganito ang konklusyon na nabubuo niya habang lumilipas ang mga araw.

At habang dumadami ang mga lalaking nabibihag ng masamang prinsipe, sa pamamagitan niya.

Inililitaw ni Bulik ang tunay na anyo niya sa gabi. Kunwa’y isang dalaga siya na naglalakad pauwi. O di kaya’y isang taga-ibang baryo na dumalaw sa isang kaibigan at ginabi na sa pag-uwi.

Nasa ilalim siya ng buktot na kapangyarihan ni Bulik kaya wala siyang magawa kundi ang sumunod sa bawat gustuhin nitong ipagawa sa kanya.

Laban sa loob niya ang akitin ang mga walang muwang na binata. Hindi niya gusto ang pukawin ang pagnanasa ng sinuman sa mga lalaking nabibighani sa kanya.

Ngunit siya ay isa nang ganap na alipin ni Bulik. Wala siyang sapat na lakas para sumalungat.

Hindi niya mapigil ang sarili sa pang-aakit at panunukso.

Ang tanging nagagawa niya ay ang manangis sa tuwing magtatagumpay ang kabuktutan ni Bulik.

Umiiyak siya dahil sa matinding pagsisisi, kahit na hindi naman siya ang gumagawa ng kasalanan. Para sa kanya kasi, isang pagkakasala na nung isilang siyang halos perpekto na ang angking kariktan.

Hindi niya alam na ang kanyang pananangis ay naririnig ng mga taga-Baryo Mabuhangin–katulad rin niya. Nauulinigan niya ang mga pag-uusap sa iba’t ibang panig ng Baryo Mabuhangin. Sapagkat ang tubig na sumisibol sa mga balon ay nagmumula din sa kanyang lawa.

“Nakakakilabot naman ang ingay na ‘yon! Ano ba ‘yon?”

“Boses ng babae. Nananangis.”

“Parang nanghihilakbot at nagluluksa nang husto, ano?”

“Saan kaya nanggagaling?”

“Parang sa lawa.”

“Hindi kaya may kinalaman ang lawa sa pagkawala ng ating mga kalalakihan?”

“Bakit naman pag-iisipan natin ng masama ang lawa? Kita mong milagrosa ang tubig na nagmumula doon. Utang natin doon ang mga kasaganaan na tinatamasa natin ngayon.”

“Iyon na nga — utang natin. Natural lang na may maniningil, hindi ba?”

“Ang ibig bang sabihin — kumukuha na ng bayad sa kabutihan ang lawa?”

“Maaari.”

Mabilis na sumalin-salin sa maraming bibig ang mga haka-hakang iyon.

Hanggang sa maniwala na ang marami.

Hanggang sa mapagtanto na ng mga taga-Baryo Mabuhangin ang lihim ng lawa.

Naging bihira na ang paglabas ng mga tao kapag wala ng liwanag. Wala na ring lumalapit sa lawa kapag gabi na.

Bagay na ikinagalit nang husto ni Bulik. Tinangka nitong bawiin ang sumpa kay Nadja para magbalik ang tagtuyot.

“Ibabalik kita sa dati, Nadja. Bibigyan ko ng leksiyon ang mga ‘yan!”

Ngunit hindi natupad ang pagbawi. Kaipala’y may sikretong kahinaan ang kapangyarihan ni Bulik.

Katulad nung unang pumayag siya na maging isang lawa, kailangan na naman ng lubos na pagpayag ni Nadja na bawiin ang sumpa.

Na kailanman ay hindi niya gagawin — alang-alang sa pagpapanatili ng masaganang luntian sa lupa ng baryo.

“Pumayag kang ibalik kita sa anyong-tao mo,” utos nito.

“Hindi ako papayag, Bulik,” ang mariing tanggi niya.

“Isa kang suwail!” Sinampal siya nito, pero lumusot lang sa pisngi niya ang kamay na mabalahibo. Nasa anyong-tubig kasi siya.

Nakahanda siyang magsakripisyo. Tinanggap na niya nang maluwag sa dibdib ang maging isang lawa habampanahon, para sa kapakanan ng mas nakararami.

Ngayon pa na nadiskubre na ng mga tao ang lihim ng kanyang lawa. Nakapag-iingat na ang mga taga-baryo. Hindi na mangyayari ang mga trahedya. Hindi na makakakuha ng masamang buwis si Bulik.

“Okey, babe, one more shot. Gimme one more, c’mon, baby… That’s it!”

Maluwang ngiti ni Gomer habang nilalapitan ang modelong artista. Dala niya ang isang towelling robe na kulay puti sa isang kamay at isang buko ng pulang rosas sa isa pa.

Una niyang ibinigay ang bulaklak sa babae.

“For the most beautiful and the most photogenic face of them all,” papuri niya. Medyo flirtatious ang tono. “My lovely Cielo,” dagdag pa niya habang isinusuot dito ang roba.

“Hus, nambola ka na naman, Gomer Silva. Kundi ko pa alam, ganyan rin ang sinasabi mo sa iba pa!” pambabara ni Cielo, pero nakangiti.

“Ha! ha! Bistado mo na pala ako,” wika niya. “But kidding aside, napakaganda ng mga kuha ko sa ‘yo. Siguradong pagkakaguluhan ka ng mga producers kapag nailabas na sa publiko ang mga letrato mo.”

“Talaga?” Inihaplos ng babae ang malambot na talulot sa isang pisngi, patungo sa bibig.

Sinundan ng isang hintuturo ni Gomer ang landas ng rosas.

“Well? Don’t I get any ‘thank you’ kiss?” tanong niya, pabulong.

“Kiss lang, ha?”

“Yeah, of course,” tugon niya, paanas pa rin. Ang kanyang intensiyon ay tuksuhin ang babae ng isang halik.

Eksperto kasi siya sa sining ng paghalik. Hindi pa pumaltos ang bertud ng kanyang mga labi.

Ilang sandali nga lang, dumausdos na sa sahig na alpombra ang puting roba. At ang katawan na maysuot ay nakalatag na sa ibabaw ng loveseat.

Naglagablab ang mga minutong nagdaan. Napuno ng mga kaluskos ang bahaging iyon ng studio.

“M-masyado ka palang mabilis, Gomer,” wika ni Cielo nang muling makapagsalita.

Tumawa si Gomer. “Hindi mo pa ba alam ‘yan?” panunudyo niya, pa-kaswal. Bumangon siya at tuluy-tuloy na tumayo.

“Saan ka pupunta?” habol ni Cielo.

“Dito.” Nagtungo siya sa sleeping area na ikinukubli ng isang collapsible divider/screen. Nandoon ang isang single bed mattress at ang mga kabinet na lalagyan ng mga damit niya. “At maya-maya ay aalis ako para maipa-develop ang mga film na ginamit natin,” dagdag niya, sa mas malakas na boses para marinig siya.

“Iiwan mo ako dito?”

Nakikita niya sa mga siwang ng divider ang babae. Nagkukumahog itong bumangon mula sa pagkakahiga sa loveseat. Nakalimutan na ang poise na pinag-aralan ng sandaling panahon.

“You know your way out, babe,” wika niya. Bitbit na niya ang mga damit, patungo naman siya sa banyo. “Gusto mo bang gumamit muna ng bathroom?”

Halatang naiibahan si Cielo. “Ganito ka ba talaga pagkatapos?”

Kunwa’y hindi naintindihan ni Gomer ang ibig sabihin nito. “Ano’ng pagkatapos?”

“You’re so — so casual about what just happened between us! Porke ba madali mo akong nakuha?”

“C’mon, Cielo. Alam naman nating dalawa kung ano ang score sa mga larong ganito, hindi ba? Pareho tayong walang gusto sa commitment. Kaya binibigyan kita ng partida.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.