Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THE WITCH’S DAUGHTER

Selena was imprisoned inside a mirror by a witch. After hundreds of years, Geron bought the antique mirror.

She fell in love with him instantly. Could he love her if she showed herself to him?

May puwang ba ang pag-ibig sa hiwaga ng itim na mahika?

O talagang makapangyarihan ang pagmamahalan ng dalawang puso?

* * *

Taong 1500. Sa isang liblib na bahagi ng mundo, kungsaan may namumugad na isang angkan na sumasamba sa kapangyarihang itim…

Pinunit ng sunud-sunod at matinis na uha ng sanggol ang katahimikan ng gabi.

“Babae ang anak mo, Grizelda!” Litaw ang sungki-sungki at madilaw na ngipin, nang magsalita ang manghihilot. Kumikibut-kibot pati ang malaki at patulis na ilong.

“Oh, salamat! Natupad ang hiling ko!” bulalas ng bagong panganak na babae. “Nasaan? Gusto ko siyang makita.” Sabik itong nagpumilit na bumangon.

“Teka’t lilinisin ko pa. Magpahinga ka muna d’yan.”

Pumikit si Grizelda upang maibsan ang panghahapdi ng mga mata. Hindi man niya aminin, masyado siyang pinahirapan ng sanggol na isinilang. Magmula pa nung naglilihi pa lang siya. Lalo na ang pobreng asawa niya.

“Oy, dalhin mo nga ako sa bayan. Gusto kong manood sa mga tao.” Ganito ang palagi niyang hiling sa kabiyak.

“Mahal, delikado doon. Manganganib tayo kapag nakita ng mga tao,” ang palagi namang paalala ng lalaki.

Ngunit ni minsan ay hindi siya nakinig. Lubhang napakalakas ng loob niyang makipaglaro sa panganib nung magdalangtao siya sa ika-limang anak.

“Gusto ko d’on, Oswaldo. Pagbigyan mo na ako. Baka malaglag pa ‘tong ipinagbubuntis ko,” pamimilit niya. “Hmp! Babae pa naman ‘to, sige ka!” pananakot pa niya.

Dahil pulos mga lalaki na ang nagiging supling nila, kapwa na sila sabik na sabik na magkaroon ng anak na babae. Mas higit ang kay Grizelda dahil kailangan niya ng mapapagsalinan ng kapangyarihang ipinamana ng sariling mga ninuno sa kanya.

Kaya walang nagawa si Oswaldo kundi ang pagbigyan siya palagi. Sakay sila ng lumilipad ng walis tingting halos araw-araw upang pagbigyan ang di-mapigil na pagkagusto niyang makakita ng normal na mga tao sa bayan. Tinitiis ang panibughong nadarama sa tuwing magpapakita siya ng paghanga sa mga guwapong lalaki.

Kaya gayon na rin lang pati ang pasasalamat nito nang sumapit na ang araw ng kanyang panganganak. Mapilit pa rin kasi siya kahit kagampan na.

“Matatapos na ang paghihirap natin, Grizelda!” bulalas pa nito.

Wala silang kamalay-malay na iyon pa lamang ang simula ng pagdurusa nila bilang mga magulang.

Sabay pa silang nadismaya nang makita ang hitsura ng bunsong anak.

“B-bakit naging ganyan siya?” bulalas ni Oswaldo.

“E-ewan ko,” tugon ni Grizelda. Lalong lumuwa ang mga mata nang mandilat sa pagkabigla.

“Hindi natin siya kauri, Grizelda!”

“H-hindi nga,” sang-ayon niya. “Kawangki siya ng–ng mga tao sa bayan!” Nakuha ng anak ang anyo ng mga taong malimit niyang pagmasdan nung naglilihi siya!

“Itatapon n’yo ba ang bata?” sabad naman ng manghihilot. Nag-alok agad ng solusyon.

Halos sabay silang tumanggi sa suhestiyon ng matanda. “A-anak namin siya!”

“Gan’un naman pala. E, di, alagaan n’yo!” ang pasinghal na wika nito. “Sayang kung itatapon n’yo lang. Mapapakinabangan n’yo ang magandang mukha niya. Hi! hi! hi!” dagdag nito bago humagikhik nang matinis.

“P-p’ano?”

“Gawin n’yo siyang bruha na may pinakamagandang mukha! Hi! hi! hi!”

Nagkatinginan ang mag-asawa. Nagustuhan ang ideyang narinig, ngunit meron pa ding agam-agam.

“H-hindi siya magugustuhan ng iba pa,” umpisa ni Oswaldo.

Tumango si Grizelda. “Tiyak na kamumuhian ng lahat ang angkin niyang ganda!”

“Sigurado! Hi! hi! hi!”

Parang gustong matulig ni Grizelda sa paghagikhik ng matandang bruha, kahit na gayundin naman siya kapag natutuwa.

“Papatayin siya ng mga tagarito!” pahayag ni Oswaldo.

“Hindi mangyayari kung itatago n’yo ang bata! Hi! hi! hi!”

“I-itatago–?”

“Oo,” patuloy ng boses na tila nilalagaring bakal. “Ako ang magpapalaki sa kanya–sa aking kuweba.”

Muling nagkatinginan sina Grizelda at Oswaldo.

Maya-maya’y nagsalita ang huli. “Maaari bang bigyan mo muna kami ng panahon na makapag-isip?”

Humagalpak uli ng tawa ang hilot. “Nagugutom na ang sanggol n’yo. Mag-usap kayo habang dumidede siya! Hi! hi! hi!” Lumayo ito upang magligpit ng mga kasangkapang ginamit.

Walang imik si Oswaldo habang iniaayos sa tabi ni Grizelda ang batang nakabalot ng malaking lampin. Itinutok na muna nila ang buong atensiyon sa anak kaya naghari ang katahimikan.

Minasdan nila ang perpektong hubog ng mukha, ang makinis at mamula-mulang kutis, ang munti ngunit matangos na ilong, ang umbok ng noo at mga pisngi, at ang malalantik na buhok at pilikmata. Napuna nila pati na ang guhit na humati sa gitna ng baba.

Nang magtitigan silang mag-asawa, kapwa na sila nakapag-isip ng gagawin. Alam na ng bawat isa ang naging desisyon.

“Maiiwan dito sa amin ang bata,” ang matatag na pahayag ni Oswaldo.

Naglaho ang tuwa ng matandang bruha. “Magiging tampulan ng inis at inggit ang bata!” babala nito.

“Itatago rin namin siya,” salo ni Grizelda, ang nakababatang bruha. “Pero dito na sa bahay namin. Ako mismo ang magpapalaki sa kanya!”

“Hah! Bahala kayo!” Umingos ang hilot dahil sa pagkadisgusto. “Tiyak na mahihirapan kayong pare-pareho!” dugtong pa. Para bang isinusumpa na silang mag-anak.

Hindi nila inintindi ang hilot. Papisil silang naghawak-kamay.

“S-salamat, Oswaldo,” bulong niya.

“Walang anuman, Grizelda,” ganting-bulong ng asawa. “Alam kong masasaktan ka nang husto kapag nawalay sa ‘yo ang anak natin.”

“Oh, lalo kang napamahal sa akin!” May sumungaw na luha sa mga matang malalaki. Gumulong sa magaspang na balat ng butuhang pisngi.

Masuyong hinaplos ng mga daliring bukul-bukol sa dami ng kulugo ang kulot at makambong na buhok.

“Huwag ka nang umiyak, Grizelda. Baka mabinat ka–kapapanganak mo pa lang.”

Tumango ang babae habang pilit na kinakalma ang sarili. Muling ibinaling ang pansin sa sanggol na mahimbing nang natutulog.

“Busog na siya,” sambit niya.

“Ano’ng ipapangalan natin sa kanya?”

“Selena.”

“Kailan natin siya pabibinyagan?”

“Bakit hindi pa ngayon?” sabad ng matanda. Tila naiinis pa rin.

Saglit na nag-usap ang kanilang mga paningin, bago sabay na tumango bilang pagsang-ayon. Iyon ang paraan nila upang aluin ang nagtatampong hilot.

Maliksi itong lumapit sa kanila. Nakangiti na uli. “Buweno, ako ang ninang, ha?”

Napamaang ang mag-asawa dahil sa nakitang tunay na pagkagiliw nito sa kanilang anak na may naiibang anyo.

“H-hindi ka nasusuklam sa bata?!” maang ni Grizelda.

“Kagiliw-giliw naman ang kanyang hitsura, hindi ba? Napakaganda…” sambit nito habang nakatitig sa maamong mukha ng sanggol. “Hay, tumatanda na nga siguro ako!” ang nakatawang bulalas nito.

Lihim na sumang-ayon ang mag-asawa. Pihong mahigit isandaang taon na ang edad ng hilot.

“Parang anghel ang anyo niya,” patuloy nito.

Nanghilakbot naman si Oswaldo. Pilit lang ang kay Grizelda. Paano’y iwinaksi pa niya ang pagsang-ayon sa isipan.

“Maghunos-dili kayo sa inyong sinasabi. Baka magalit ang ating panginoon!” paalala ni Oswaldo.

Sa halip na matakot, humagikhik lang ang matanda. “Hi! hi! hi! Hindi mo ba alam na ganyan din ang hitsura niya? Dati siyang anghel, bago naging hari ng kadiliman!”

Nagkatinginan ang mag-asawa.

“May pag-asa siyang matanggap ng iba pa!” Sabay silang napabulalas.

“‘Yan ang napag-isip-isip ko kanina,” pagtatapat ng hilot. “Maaaring mabuhay ng normal ang batang ito sa piling natin–bilang kawangki ng ating panginoon! Hi! hi! hi!”

Walang pagsidlan ng pasasalamat ang mag-asawa.

“Simulan na natin ang seremonya ng binyag!” ang tuwang-tuwang wika ni Oswaldo.

“Kumuha ka muna ng alak, oy. Atsaka ang botelyang pamana sa akin ni Ina,” bawi ni Grizelda.

“Oo nga pala. Sandali lang ako.”

Saglit nga lang nawala ang lalaki. Dalawang bote ang dala nito nang magbalik. Halos kandarapa.

Upang hindi magulat ang natutulog na sanggol, ang magaspang na palad lamang ang binuhusan ng alak bago marahang inihaplos sa noo at medyo kulot na buhok.

“Panginoon, tanggapin n’yo ang bagong silang na kampon ng inyong kapangyarihan–si Selena!”

“Ako si Oswaldo. Iniaalay ko sa inyo, panginoon, ang bunsong anak namin.”

“Ako naman si Grizelda. Kupkupin nawa ng inyong kapangyarihan, panginoon, ang aming anak!” Kapagkuwa’y binuksan ng mga daliring nanginginig ang lumang-lumang botelya. Ibinuhos sa tapat ng dibdib ang di-nakikitang laman. “Narito ang regalo ng iyong lolo’t lola, Selena, anak. Ang mahika ng aking buong pamilya!”

Sa maliit na kamay na lamang nakahawak si Oswaldo habang iginagawad ang handog bilang ama.

“Wala akong maibibigay na kapangyarihan sa anak na babae–pero ang lubos na pagmamahal ko ay palaging nasa iyo, Selena, aking anak!” ang taimtim na sambit nito.

“Buweno, tapos na ang binyag! Ako na ang ninang ni Selena!” ang nakatawang pahayag ng hilot.

“Oo nga, Inda Curing.”

“Napakasuwerte ng anak ko. Mabait at matalino ang kanyang ninang,” papuri ni Oswaldo.

“Ay, bolero kang masyado! Hi! hi! hi!”

Napuno ng masayang tawanan ang paligid. Napalis ang pangambang pinukaw ng bagong silang na sanggol.

Ngunit ang kasiyahan ay pansamantala lamang. Sa paglipas ng mga araw, linggo, buwan, at taon ay pulos kalbaryo ang naging kapalit ng pagpapakatatag ng mag-asawang Oswaldo at Grizelda.

Kinasuklaman sila ng mga tao dahil kay Selena. Palaging tinutuya ang kanyang asawa at nilalait naman siya.

Tiniis nila ang lahat, alang-alang sa anak.

Ngunit lalo pang kinainggitan ang kariktan ni Selena nang magdalaga na ito.

Hanggang sa magrebelde na ang kanilang mga anak na lalaki. Pinagplanuhan ng mga ito ang kamatayan ng bunsong kapatid.

“Hindi na kami makakatiis, Inay! Itay! Wala kaming mapangasawa dahil kay Selena! Kailangang mawala na siya!”

Nakiusap ang ina. “H-huwag n’yo siyang papatayin, mga anak. Kapatid n’yo siya!” Umaagos na ang luha niya. “A-ako na ang bahala sa kanya,” dagdag pa habang humihikbi.

Saka lang nagsalita si Oswaldo. Kaipala, sang-ayon na rin ito sa kagustuhan ng mga anak na lalaki.

“Kailangang mawala na rito si Selena, Grizelda,” ang malungkot na pahayag nito. Bakas na ang pagod at panghihinawa sa pagtitiis.

Tuluyan nang napahagulgol ng iyak ang ina. Tinanaw niya sa hardin ang dalagang masayang namimitas ng mga bulaklak.

Binigyan ni Selena ng kulay ang palibot ng kanilang makulimlim na tahanan. Ngunit hindi pa rin nakapagdulot ng saya ang ayos at gandang idinulot nito sa kanilang paligid.

Maasikaso ito sa mga magulang. Magiliw sa mga kapatid na nakatatanda. Ngunit hindi pa rin lubos na napamahal.

Maging si Grizelda ay malimit makaramdam ng inggit sa perpektong kariktan ng bunsong anak. May bahid ng panibugho ang pagtingin niya rito, lalo’t malimit niyang mahuli si Oswaldo na nakatitig dito. Gayundin ang kanilang mga anak na lalaki at ang iba pang kalalakihan.

A, nanganganib na sa mundong ito si Selena! Bilang na ang araw ng kaligtasan…

Pinilit niyang kalmahin ang sarili. “A-ako na ang bahala sa kanya,” pangako niya sa mag-aama. “M-mamayang gabi!”

“Ano’ng gagawin mo?” Kuryoso ang asawa niya.

“Ililigaw ko siya hanggang sa makarating sa bayan,” ang hesitanteng wika niya. Magulo pa rin ang utak nang magsalita.

“Ano?” ang pagalit na bulalas ni Oswaldo. “May posibilidad na makabalik pa siya dito, Grizelda! Hihilahin siya pabalik ng ating mahika!”

Sumubsob si Grizelda sa mga palad. “A-ano ba ang magaling na paraan?”

“Patayin na natin siya, Inay!” ang sabay-sabay na wika ng apat na binata.

“Hindi! Kapag ginawa n’yo ‘yan, parang pinatay n’yo na rin ako!”

Natahimik ang mag-aama. Maya-maya’y nagsalita ang pinakamatanda pero pinakamatikas pa rin.

Kahit maputi na ang buhaghag na buhok, si Oswaldo pa rin ang pinakamakisig sa mga lalaking mangkukulam dahil ito ang may pinakamarami at pinakamalalaking kulugo sa matipunong katawan.

“Dalhin mo na lang siya sa isang malayong lugar, Grizelda. ‘Yung hindi na siya puwedeng makabalik dito.”

“S-saan–?”

“Ewan ko. Bahala ka na. Bakit hindi ka humingi ng payo kay Inda Curing?” suhestiyon nito.

Saka lang muling nagbalik ang hinahon niya. “Yayayain ko si Selena doon.” Dinampot niya ang walis tingting sa likod ng pinto. Bago tuluyang lumisan, hinarap niya ang mag-aama.

“Mamayang pag-uwi ko, hindi na kasama si Selena,” pangako niya.

“Salamat, Inay!”

Kumaway lang si Oswaldo. Nangingilid na ang luha sa mga matang nakaluwa.

Isang matamis na ngiti agad ang isinalubong ni Selena nang makitang papalapit siya. Nasa hardin pa rin ito kahit tapos nang mamitas. Nakikipag-usap naman sa mga paru-paro.

Ang paglitaw ng mga insektong makukulay sa kanilang bakuran ay naging dahilan din ng paglait sa kanila ng mga kauri. Wala na raw silang kuwentang mangkukulam dahil napapalibutan sila ng mga ibong nagsisiawitan, mga paru-paro, at mga bulaklak.

“Para sa ‘yo, Inay.” Maliksi nitong hinugot mula sa palumpon ang isang puting buko ng rosas. Masuyo at malambing ang tono ng pananalita. Walang kamalay-malay sa maitim na balak ng mga ka-pamilya.

Pinuwersa ni Grizelda ang sarili na manatiling kalmado. Pilit ang ngiti niya habang tinatanggap ang rosas.

“H-halika, anak. Samahan mo akong mamasyal sa iyong Ninang Curing.”

“Sige! Tamang-tama pala ang pamimitas ko ng mga bulaklak. Dadalhin ko na lang ang mga ito sa kanya!” Masigla itong sumama sa kanya.

Iniangkas niya si Selena sa walis tingting kahit na mayroon din ito. Gusto lang niyang samantalahin ang huling pagkakataon na mayayakap niya ang bunsong anak.

Nang lumapag sila sa bukana ng kuweba ng hilot, muli niyang niyapos ang dalaga.

“Mahal na mahal kita, Selena,” sambit niya. Pigil na pigil ang pag-iyak. “Huwag mo sanang kalilimutan ‘yan.”

Takang-taka man ang anak, tumugon pa rin ito. “Oo, Inay. Mahal rin kita. Pati si Itay at ang mga kuya.”

“Oh, napakabuti mo!” Umiling-iling si Grizelda. “Hindi ka talaga nababagay dito!”

“Ano’ng ibig mong sabihin, Inay?”

“Halika na sa loob. Baka naiinip na ang iyong Ninang.” Halos kaladkarin niya ito.

Tila inip na inip na nga ang matandang hilot. “Hmp! Kanina ko pa kayo hinihintay!” ang paburangas na salubong nito bago tumawa nang malakas. “A, ang aking inaanak! Para sa akin ba ang mga bulaklak na ‘yan, Selena?”

“Oo, Ninang.” Iniabot ng dalaga ang basket.

“Salamat.” Medyo inubo ang matanda nang makipaglaban ang mabangong halimuyak ng mga rosas sa masangsang na amoy ng asupre. Nasa harapan ito ng kumukulong kawa. Binitawan muna nito ang hawak na higanteng sandok upang ilagay sa isang sulok ang basket.

“Ahem!” Tinapik ng mga baluktot na daliri ang kulubot na lalamunan. “Alam ko na ang pakay n’yo rito, Grizelda. At may naisip na ako. Sa katunayan, nakahanda na ang mga gagamitin natin.”

“May naisip na kayong solusyon?” Hindi siya makapaniwala.

Itinuro nito ang isang parihabang salamin na may kuwadro. “D’yan lang ang tanging lugar na puwedeng pagdalhan sa kanya.” Pinal na ang seryosong tono.

“G-gaano katagal?”

“Walang tanging susi kundi ang wagas na pagmamahal,” pagkikibit-balikat nito.

“Pagmamahal?” Napaismid si Grizelda. Kahit siya ay hindi na naniniwala sa katagang iyon. Napagtanto na niya ngayon na wala pala silang kakayahang magmahal. Magnasa, oo–pero ang umibig?

Mula nang magdalaga ang kanilang bunso, hindi na sumisiping sa kanya ang asawa…

“Hi! hi! hi! Bigyan natin siya ng partida, Grizelda. Maliit lang naman ang posibilidad.” Inaalo siya ng kaharap. Nahulaang nagseselos siya.

“Buweno, simulan na natin.” Inapura niya ito dahil baka magbago pa ang kanyang pasiya.

Nilinga nila ang dalaga. Inaaliw nito ang sarili sa mga bagay sa paligid habang nagbubulungan sila. Hinipo nito ang isa sa mga manikang nakabitin sa maitim na dingding ng kuweba.

“Selena.” Lumingon ito nang tawagin ng matandang hilot.

“Bakit, Ninang?

2009. A-dos ng Nobyembre.

Bagut na bagot na talaga si Geron Velda, isang financial analyst na nagtatrabaho sa isang malaking bangko. Kanina pa siya nakatitig sa kisame ng kuwarto. Nag-iisip ng gagawin.

Pampitong araw na siyang gagala-gala sa halos lahat ng sulok ng Maynila. Kundi naman siya maglilimayon, kakalug-kalog lang siya sa loob ng two-bedroom-and-two-bathroom condo unit sa Makati City.

Bored na bored na siya! Kailan pa ba magkakaroon ng pasok?

Marami ang natuwa sa one-week vacation na idineklara ng gubyerno, pero hindi siya kasama sa mga iyon. Ang mahabang bakasyon ay para lamang sa mga taong may pamilya at probinsiyang uuwian.

Si Geron Velda ay wala ni isang kaanak. Para lang siyang kabuteng biglang sumulpot sa mundo. Natagpuan na lang niya ang sarili na nasa isang bahay-ampunan.

Sa unang bahagi ng kanyang buhay, nagmistula lang siyang yagit na nagpapaanod sa agos ng kapalaran. Nagpatangay siya sa kungsaan-saan.

Naging ampon ng isang pedopilya na nagpanggap na pilantropo.

Naging batang kalye, nang tumakas mula sa malaking bahay ng umampon.

Hanggang sa matuklasang may likas na talino sa numero. Na may matalas na utak pala sa loob ng bao ng ulo.

Saka lang siya nakialam sa pagmamaneho ng buhay niya.

Bukas ang dalawang mata, nang makisama siya sa isang mayamang bakla na handang magpaaral sa kanya sa kolehiyo.

Mahigit pitong taon rin silang magkasama ni Mitzy. Binatilyo lang siya nang nung magsimula ang kanilang relasyon. Isa siyang magna cum laude nung magwakas iyon.

Hindi naman sila naghiwalay na magkaaway.

“Basta dadalaw-dalawin mo pa rin ako, ha?” Iyon ang huling sinabi sa kanya ng malambing na bakla.

At bigla niyang naalala ngayon, makalipas ang halos limang taon.

Hindi niya natupad ang pangakong dadalaw sa naging tagakupkop dahil naging abala na siya sa pagpapaunlad ng sariling mundo.

Mula sa pagkakahilata sa kama, bumalikwas ng bangon si Geron. Inignora niya ang pananakit ng ulo na sanhi ng hang-over. Nagpa-umaga na naman kasi siya sa paboritong bar.

Maliksi siyang nag-shower at nagbihis. Nagsuklay, nagwisik ng mamahaling pabango sa leeg at dibdib, pasipul-sipol na lumabas ng unit. Mag-isa lang siyang pasahero ng elevator na pababa sa basement garage ng condominium building. Tila siya nga lang ang natirang okupante ng matayog na gusali.

Ilang sandali pa, sakay na siya ng kotseng bagong modelo at bagong bili lang nung isang buwan. Isa siya sa kaunting tao na malimit suwertihin sa pagsusugal sa stock market kahit na delingkuwente ang financial climate. Nitong huli ay sumubok na rin siya sa forex trading dahil natuklasan niyang mas mabilis ang pagbalik ng puhunan. Of course, mabilis din ang pagkalugi. Pero malakas ang loob niya at may tiwala sa sariling disposisyon kaya nagkamal siya ng malaking pera simula nung pumasok ang kasalukuyang taon.

At kung magpapatuloy ang suwerte, tiyak na magiging milyunaryo na siya sa susunod na taon!

Masaya pa rin ang sumpong niya nang makarating sa destinasyon. Hindi pa pala niya nakakalimutan ang daan patungo sa dating tirahan. Bahagya pa siyang nagulat nang mamalayang nakaparada na sa harapan ng antique shop ang minamanehong sasakyan.

“Good morning, sir. May I help you?” Grasyosa pa din si Mitzy, pero pulos uban na ang maikling buhok at marami nang kulubot sa mukha.

“Hello, Mitzy,” ang nakangiting bati naman niya. “Nakalimutan mo na ba ako?”

“Aba–” Ilang sandaling napanganga ang bakla habang nakatitig sa kanya.

Para matulungan ang memorya nito, hinubad ni Geron ang suot na eye shades.

“Gerni–? Ikaw ba ‘yan, Gerni?”

Napangiwi nang bahagya ang binata bago nagsalita ng pabiro. “Geron, Mitzy. Call me Geron. Alam mong ayokong may palayaw.”

“My God! Ikaw nga ba si Geron Velda?” Napabulalas na ito nang mapagtantong siya na nga ang kaharap nito. Natutop pa muna ang bibig habang iginagala sa kabuuan niya ang paningin. “A-ang laki na ng ipinagbago mo. Mas guwapo at mas macho ka pa ngayon!”

Click here to READ MORE

Comments are closed.