Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

THIEF LOVES TREASURE HUNTER

Myka is a female Robinhood. She robs other people’s wallets to feed the orphaned children like her. Armando is a treasure hunter who needs her nimble fingers for his mission. Would they find love together?

Love comes in many forms and shapes. Love also comes in the most unexpected places… But what if it was just a thief out to steal your heart?

Ano ang gagawin mo kapag mayroong nagnakaw sa puso mo? Nanakawin mo rin ba ang puso niya? Paano kung mailap pa sa pusa?

Lumaki sa kalsada kasama ang iba pang mga ulilang bata si Myka. Mistulang babaeng Robinhood dahil nandudukot siya para may maipakain sa mga kasama.

Si Armando ay nangangailangan ng isang mandurukot na may mabilis na kamay kaya nagkurus ang mga landas nila ni Myka.

Isang mahalagang bagay ang plano niyang ipanakaw pero bakit tila pati ang puso niya ay naipanakaw na rin?

* * *

Tinalon na lang ni Mykaila ang mababang bakod na nakaharang sa daraanan niya. Nakasapo ang isang kamay niya sa ilalim ng plastic bag na bitbit. Mabigat iyon dahil punum-puno ng laman. May pansit guisado, ilang sardinas, ilang balot ng tuyo, at mga huyag-huyag na saging. Namili siya sa palengke bago umuwi.

“‘And’yan na si Ate Myke!” hiyaw ng isang batang nakakita sa kanya. Nagtatalon agad ito sa tuwa. Payat ang katawan at patpatin ang mga braso’t binti kaya nagmistulang tipaklong.

Mula sa kungsaan-saang panig ng guhong gusali ng lumang simbahan, nagsilitawan ang maraming bata. Pulos mga malnourished din ang hitsura pero may malapad na ngiti sa marurungis at mga butuhang mukha. Nagkikislapan ang mga matang nanlalalim.

Nagsisipagtawanan ang mga ito habang tumatakbo sa pagsalubong sa dalaga.

“Ate Myke! Ang aga mo, a? Ang akala nami’y mamayang gabi ka pa!” salubong ni Emy, ang pinakamatanda sa mga bata. Dalagita na ito sa edad na katorse pero tila nuwebe anyos lamang.

“Sinuwerte kasi ako,” paliwanag niya. “May pamalengke na kaya kahit maaga pa, e, umuwi na ako. Si Inang, kumusta?”

Hindi nila kaanu-ano ang matandang babaeng maysakit, pero ito ang nakagisnang ina ng mga batang-lansangan na napapadpad sa kanilang lugar.

“Mabuti na, Ate.” Si Emy uli. “Pinainom namin ng mainit na salabat kaya napahinga sa kauubo.”

“Salabat?” taka ni Mykaila. “Saan kayo kumuha ng luya?” Ang kapirasong luya ay nagkakahalaga ng sampung piso.

“Nakahukay kami ng luya sa lupa,” sabad ni Unyor. “‘Kala nga namin, damo lang. ‘Tapos nung bunutin namin, an’daming laman!”

Nawala ang kaba ng dalaga. Inakala kasi niyang gumawa na ng masama ang mga bata. “Gan’on ba? ‘Yun pa siguro ‘yung mga itinanim ko nung mga nakaraang buwan.”

“Mahigit ‘sang kilo siguro ‘yun, Ate,” bawi ni Emy. “P’wede nating ibenta sa palengke ang iba, di ba?”

“Aba, oo naman. Ang s’werte-s’werte pala nating lahat ngayon!” wika niya. “O, mga bata, heto ang saging. Meryendahin n’yo muna habang nagluluto kami.” Hinugot niya ang isang supot mula sa plastik bag at iniabot sa mga bata.

“Yehey!”

“‘Wag kayong lalayo, ha?” pahabol-habilin niya nang magsitakbuhan na ang mga ito upang paghatian sa ibang lugar ang pasalubong niya. “‘Wag mag-aaway-away!” dagdag pa niya.

“Oo, Ate Myke!” ang halos sabay-sabay na sagot naman ng mga bata kahit papalayo na sa kanila.

“Kuu, mga good boys na sila, Ate. Hindi na nagsasakitan. May mga isip na naman sila. Atsaka, matagal na silang magkakasama kaya magkakaibigan na rin,” pagmamalaki ni Emy.

“Mabuti kung gayon,” tugon ni Mykaila. “Natutuwa ako.” Ngumiti siya kahit na may agam-agam sa kalooban.

Walang kasiguruhan ang hanapbuhay niya. Kahit na araw-araw siyang lumalabas, halos wala pa rin siyang maiuwing pagkain at kita sa gabi.

Parati pa siyang nakataya sa panganib. Anumang sandali ay maaari siyang mahuli ng mga pulis o ng mga taong dinudukutan.

Bumuntonghininga siya, sabay usal ng panalangin. Masama ang hanapbuhay niya pero para naman sa ikabubuti ng maraming paslit na pinabayaan ng mga magulang sa lansangan. Kaya alam niyang papatnubayan pa rin siya ng Diyos.

“Dumating ba si Mykaila?” tanong ng isang pagaw na tinig mula sa likod ng dingding na pinagtagni-tagning karton.

“Opo, Inang. Ako nga ang dumating.” Siya na ang sumagot. “Kumusta ang pakiramdam n’yo?”

“Mabuti-buti na. Nakaginhawa sa akin ang pag-inom ko ng salabat.” Tinangkang bumangon ng butuhang katawan.

Maliksing lumapit si Mykaila para umalalay. “May dala akong gamot,” pagbabalita niya.

“Kuu, hindi ko na kailangan n’yan, anak. Magaling na ako. Dapat ay hindi ka na bumili. Sayang ang pera.”

“Hindi hu sayang ang pera kapag para sa kalusugan, Inang,” salo niya. “Emy, pahingi nga ng tubig.”

“Oo, Ate.” Agad na tumalima ang dalagita.

Kinuha niya ang supot ng mga gamot mula sa plastik bag. Namumutok iyon dahil, sa unang pagkakataon, nakumpleto niyang bilhin ang lahat ng nasa mga resetang ibinigay ng duktor na tumingin sa matandang pasyente.

“Napakarami naman ‘ata n’yan, Mykaila?” taka nito.

“Para hu tuluy-tuloy na ang paggaling n’yo, Inang,” tugon niya.

“Umiba ka na ba ng trabaho?” pananalakab nito.

“Hindi ho, Inang. Sinuwerte lang ho ako ng kaunti,” ang nakangiting wika niya.

Isang matangkad, balbas-sarado at mukhang mayamang lalaki ang nakatayo sa harapan ng bagong simbahan kanina. Tila may hinahanap ito dahil sa malayo gumagala ang paningin. Kaya hindi napuna ang paglapit niya. Pati ang pagdukot ng mga daliri niya sa matabang pitakang nasa bulsa nito.

Halos hindi siya makapaniwala nang makita ang makapal na bundle ng salaping pulos tig-i-isang daan. May sampung libo siguro iyon. Mamaya na lang niya bibilangin. Bumawas lang muna siya ng limang daan upang makapamili.

Ni hindi siya nakunsensiya dahil napuna rin niya ang makapal na ginto ng bracelet na suot sa kaliwang pulsuhan. Pati na ang leather wristwatch.

Hindi malaking kawalan sa naging biktima niya ang laman ng pitakang ninakaw niya.

“Heto na ang tubig, Ate.”

“Salamat, Emy.” Dinampot niya ang plastik bag at iniabot dito. “Umpisahan mo na ang pagluluto. Paiinumin ko lang ng gamot si Inang.”

“Kahit ako na lang ang bahala, Ate. Magpahinga ka na lang.”

“Salamat, pero hindi naman ako masyadong pagod.” Wala namang humabol sa kanya kaya naglakad lang siya palayo. Pa-kaswal para hindi halatang may ginawa siyang pandurukot.

“Ilan ba ‘yang iinumin ko, anak?” Parang nanibago si Aling Beting sa mga tabletas at kapsula na may iba-ibang kulay at hugis.

“Anim sana, Inang, pero mamayang pagkakain na ang antibiotics.”

“Baka ang mamahal n’yan, ha?” Parang ayaw pa ring ibuka ng pasyente ang kulubot na bibig.

“Si Inang talaga. P’ano kayo gagaling n’yan kung pulos mumurahin ang iinumin n’yo? Hala, inumin n’yo na at nang tumatalab na agad ang mga bitamina. Mayroon ding naka-reseta na pampaganang kumain, di ba?”

Hindi na nagprutesta si Aling Beting. Isa-isa nitong isinubo ang mga gamot na nasa palad ni Mykaila hanggang sa maubos.

“Ayan, tiyak na gaganda agad ang pakiramdam n’yo,” pahayag niya.

“Ate, heto ang dalanghita. Binalatan ko na para makakain na agad si Inang.” Nagbalik si Emy, dala ang isang platito ng nakabalat na dalanghita.

“Ay, oo nga pala. Nakalimutan kong bumili nga pala ako n’yan. Kumuha ka na, Emy. Bigyan mo na rin ang mga bata.”

“Salamat, Ate.”

“Salamat din.” Nagulat siya nang makitang napapaiyak na ang matandang babae. “May sumasakit ba sa inyo, Inang?” Dinampot agad niya ang isang bimpo upang pahiran ang luhang namalisbis sa mga kulubot na pisngi nito.

Umiling ito. “N-naliligayahan lang ako,” bawi nito. “Am’babait n’yo sa akin, kahit hindi n’yo ako kaanu-ano.”

“Gayundin naman kayo sa amin, a? Ibinabalik lang namin ang kabutihang ipinakita n’yo sa amin noon, Inang.”

“Pero sobra-sobrang pabigat na ang idinudulot ko sa inyo. Lalo na sa ‘yo. Lahat ng mga responsibilidad ko ay inako mo na, mula nang magkasakit ako.”

“Inang, masaya hu ako sa pag-aaruga sa inyo at sa mga batang kasamahan natin dito. Ang turing ko sa kanila ay aking mga nakababatang kapatid,” ang sinseryong pahayag niya.

“A, napakabuti mo talaga, Mykaila, anak! Nawa’y pagpalain ka ng Maykapal!” Tila napagod ito sa ilang sandaling namayani ang emosyon. Naghikab ito at namungay ang mga mata.

“Inaantok kayo. Ang mabuti pa’y iiwan ko na muna kayo para makapagpahinga.” Buong ingat niya itong ibinalik sa pagkakahiga. “Gigisingin na lang namin kayo kapag kakain na.”

“Oo, salamat.” Nakapikit na ito habang inaayos niya ang manipis at gula-gulanit na kumot.

Hindi muna umalis si Mykaila. Minasdan muna niya ang mukhang pinahumpak ng karamdaman. Biglang tumanda ang babaeng pumulot sa kanya nung pitong taong gulang pa lang siya. Kahit na dukha dahil isang pulubi lang sa may pinto ng simbahan, kinupkop siya nito at inaruga hanggang sa magdalaga.

Parang minana niya ang magandang loob ni Aling Beting, siya man ay naging palakupkop ng kahit na sinong batang naghahanap ng masisilungan sa simbahan. Sa halip na pabayaang nakahilata sa bangketa ang mga musmos na pulubi, isinasama niya ang mga ito sa kanilang tinutuluyan.

Nang matuklasan ni Mykaila ang natatanging talento — ang likas na liksi ng kanyang mga kamay, nagpakadalubhasa siya sa larangan ng pandurukot. Hinasa pa niya nang husto ang kakayahan hanggang sa maging simbilis na ng utak niya ang pagkilos.

Sa isang kisapmata lang, nagagawa niyang kunin ang kahit na anong klaseng pitaka mula sa loob ng kahit na anong hugis ng bulsa.

Nung una’y inilihim pa niya kay Aling Beting ang panaka-nakang pagtatrabaho. Pero nang magkasakit ito, at naging madalas na ang pandurukot niya, napilitan na siyang magtapat dahil nangamba ito na baka naging kalapating mababa ang lipad na daw siya.

“A-ang mabuti pa siguro’y ihatid mo na ang mga bata sa mga bahay-ampunan, Mykaila. Para hindi ka na nahihirapan,” wika nito. “At ako naman ay puwede nang manatili sa gilid ng simbahan. Palayain mo ang iyong sarili mula sa amin, anak.”

“Hindi ko magagawa ‘yan, Inang. Mahal na mahal ko kayo, pati ang mga bata.”

“Pero sobra-sobra ang responsibilidad na dinadala mo, iha. Maghanap ka ng iyong kapalaran. Mag-aral ka, para may makilala kang disenteng lalaki na mag-aalok ng kasal sa ‘yo. Ayokong matulad ka sa akin.”

“Hindi ako naniniwala sa ilusyon. Imposibleng magbago pa ang kapalaran ko. Isa pa, wala nang disenteng lalaki ngayon. Pulos manloloko at mapagsamantala na ang mga lalaki ngayon.”

“May makikita ka pa naman, iha. Kailangan mo lang magtiyaga.”

“Wala akong tiyagang maghanap, Inang, dahil sa panaginip na lang sila matatagpuan!” Hindi na muling naulit ang usapang iyon dahil palagi siyang umiiwas. Ayaw niyang panghinaan ng loob kaya ayaw niyang isipin ang hinaharap.

Silang lahat ay nabubuhay lang sa bawat araw na dumarating. Walang gustong tumanaw sa kinabukasan.

Kung anuman ang kapalarang naghihintay sa kanila, tanging ang nasa Itaas lang ang nakakaalam…!

“Nadukutan ka?!” bulalas ni Waldo bago humalakhak nang ubod lakas. “Si Armando Villafranca, na isang mersenaryong treasure hunter?” panunuya pa nito bago inulit ang paghagalpak ng tawa.

Sa halip na maasar, nakangiti pa si Armando. Nakalitaw ang mga ngipin niya sa pagitan ng bigote at balbas.

“Siya ang kailangan ko, Wally boy,” sambit niya. “Ang mandurukot na ‘yon ang makakatulong sa misyon ko,” dagdag niya, medyo seryoso na.

“Paano naman?”

“Dadagdagan ko pa ang nadukot niya, kapag susundin niya ang iuutos ko.”

Sumeryoso na rin si Waldo. “Ano naman ang iuutos mo?”

“Ipakukuha ko sa kanya ang kalahati ng mapang hawak ko.”

“Sa bahay ni Salamari? Mandurukot lang siya, Armando,” paalala nito. “Hindi siya akyat-bahay.”

“Tsk! Huwag kang mag-alala, may trabaho ka pa rin!” ang yamot na salo niya. “Sa ‘yo pa rin ang papel na Lupin, pero kailangan mo ng susi para mabuksan ang antigong kaha de yero ni Salamari. At d’on papasok ang bagong diskubre ko.”

Medyo naibsan ang pag-aalala ni Waldo pero nagtataka pa rin ito. “P’ano naman niya makukuha ang susi? Tiyak na nakatago rin ‘yon sa loob ng bahay.”

“Mali,” salo ni Armando. “Ang susi ay palaging dala-dala ni Salamari. Ginagamit niyang palamuti sa iba’t ibang parte ng kasuotan. Minsa’y pendant sa kuwintas, o palawit sa bracelet. Nakita ko na ring kasama sa keychain niya ang antigong susi na ‘yon,” ang mahabang pahayag niya.

“Ginagan’on lang niya ang susi?!” Napabulalas uli si Waldo.

“Tinatakam niya ako,” pag-amin ni Armando. “Alam kasi niyang nasa akin ang kalahati ng mapa.”

Kinabahan naman ang kaharap. “Baka may balak din siyang kunin ‘yon sa ‘yo!”

Napangiti siya. “Mas gusto niyang maghintay na mahanap ko ang kayamanan.”

“Atsaka siya susugod para agawin ‘yon?” pagtatapos ni Waldo. Nanlalaki ang mga mata. “Delikado pala talaga ang misyon mo!”

“Palaging kakambal ng kayamanan ang panganib, Waldo.”

“Oo nga naman. Wala pa nga palang nabalitang dukha na na-kidnap for ransom,” sang-ayon nito. “O, e, balik tayo sa mandurukot. P’ano mo siya matatagpuan? Nakilala mo ba siya?”

Pa-kaswal na umiling si Armando. “Hindi, pero madali ko lang siyang makikilala kapag lumapit uli siya sa akin.”

“P’ano?”

“Sa pamamagitan ng amoy niya.” Napangiti uli si Armando habang iiling-iling. Tumindig siya mula sa kinauupuang sopa para kumuha ng dalawang baso at isang bote ng whisky sa wine cabinet.

“Amoy?”

Tumango siya habang inilalapag sa coffee table ang mga dala matapos maupo.

“Natatandaan kong nakalanghap ako ng masangsang na baho, kasabay ng pakiramdam na may humipo sa bulsa ko.”

“Naramdaman mong dinukutan ka?” paniniguro ng kausap bago tinungga ang alak sa basong iniabot niya.

“Nung huli ko na lang napagtanto na gan’on nga ang nangyari.” Tumawa si Armando bago sumimsim sa hawak na baso. “Ibang klase! Ni hindi ako malapitan ng tahimik na ahas sa gubat!”

“Napabilib ka talaga ng mandurukot na ‘yon, ha?”

“Bilib na bilib,” sang-ayon niya. “Gusto ko na siyang makilala agad.”

“Kailan?”

“Sa lalong madaling panahon.” Lumagok uli siya ng whisky. “Bukas siguro. Gusto mo bang sumama?”

“P’wede.” Kunwa’y nagkibit ng balikat si Waldo upang itago ang kuryosidad.

“Buweno, matulog na tayo para maagang makaalis.”

“Okey.”

Sabay silang tumindig. Isang matangkad at matipuno, at isang katamtaman at patpatin. Pero parehong magaan ang pagkilos. Kapwa may sa pusa kapag lumakad.

“Goodnight,” sambit niya bago sila naghiwalay ng landas.

“Goodnight,” tugon ni Waldo.

Pinanood niya ito sa pag-akyat ng hagdan patungo sa ikalawang palapag ng kanyang mansiyon, bago pinindot ang remote control ng bulglar’s alarm. Kahit na naging kaibigan na niya si Waldo, wala pa rin siyang tiwala dito.

Dinukot niya sa bulsa ang shades na mayroong special lens at isinuot iyon upang makita kung na-activate ang mga laser beams na nagsisilbing bantay ng mga antigong kayamanan ng Villafranca Mansion.

Nang matiyak na maayos na ang lahat, saka lang siya pumanaog sa den.

Sakop ng kuwarto niya ang buong basement, dahil nandoon rin ang mga samut-saring kagamitan sa fortune-hunting. Ang karamihan ay pag-aari pa ng kanyang mga ninuno, simula pa nung panahon ng Kastila.

Regular na nililinis ng kanyang mayordomo ang mga iyon kaya nagmistulang museo ng mga sinaunang kasangkapan ang kanyang paligid.

Dumiretso siya sa private quarters na nasa gawing sulok.

Simpling-simple ang decor ng malawak na paligid ng silid-tulugan.

May higante at bilugang kutson na nasa gitna, may naglalakihan ding sopa na nakakalat sa paligid, may pick-up kitchen, at may wet bar. Royal blue ang motif ng kulay ng kurtina, alpombra at kubrekama.

Sa dulong bahagi naman matatagpuan ang maluwang na banyo. Kumpleto sa mga bathroom accessories. Steam cubicle with shower, bath tub, at jacuzzi.

Doon siya nagtungo habang naghuhubad ng mga damit. Isa na lang ang saplot na natitira nang pumasok sa loob ng shower cubicle.

Nagbanlaw siya ng maligamgam na tubig matapos magsabon. Nang lumabas, tuluy-tuloy siyang nahiga sa malapad na kama. Hindi na inalis ang tuwalya at hindi na rin pinunasan ang basang buhok na hanggang balikat.

Pumikit siya nang mariin. Pilit na binubuo sa imahinasyon ang hitsura ng mandurukot.

Inisa-isa niya ang mga taong nakita kanina sa may harapan ng simbahan.

Pero imposible dahil napakarami. Nagkalat ang mga tindero at tindera ng kung anu-ano. Nakahalo sa mga taong nagsisimba.

‘Hindi kaya ‘yung isa sa mga pulubi?’ bulong ni Armando sa sarili.

May ilang pulubing lumapit sa kanya. Nilimusan pa nga niya ang mga bata ng ilang baryang nadukot sa bulsa ng suot na slacks.

Pagkatapos, bigla siyang may naamoy na nabubulok na bagay. Tila patay na daga…

Pinigil niya ang paghinga dahil parang nalalanghap pa rin niya iyon hanggang ngayon. Pinigil niya hanggang sa umalsa ang mga ugat sa ulo dahil sa bumibilis na pagpintig ng puso.

Nang ubos na ang oksihena, saka lang siya humugot ng hininga. Nagdidilim ang paningin niya nang dumilat. Parang halusinasyon ba, biglang lumitaw ang isang hugis na may mahabang buhok.

“Ang babae!” bulalas niya, sabay balikwas ng bangon.

Isang babaeng nakasuot ng maluwang na polo at pantalong maong ang dumaan sa tabi niya patungo sa pinto ng simbahan. Hindi niya gaanong nakita ang mukha dahil nakayuko ito at nakatabing ang nakalugay na mahabang buhok.

Ngunit makikilala niya ito agad sa sandaling makita uli.

Humiga uli si Armando. Tatawa-tawa na. Nakikini-kinita na niyang mabubuo na ang mapa. Mapapasakamay na niya ang kayamanan ng isang Kastilang conquistador!

Nakatulog siyang nakangiti, kaya nang gumising kinabukasan ay napakagaan ng kanyang pakiramdam.

Pasipul-sipol siya habang nagsa-shower at hanggang sa pagbibihis. Itinatali niya ng goma ang mahaba at medyo kulot na buhok nang kumuriring ang telepono.

Tinapos niya muna ang ginagawa bago dinampot ang awditibo.

“Hello?”

“Ready na ako, Armando,” anang boses ni Waldo mula sa kabilang linya.

“Good. Ako rin, e. Dumiretso ka na sa kusina. Almusal muna tayo.”

“Okey.”

Kumuha siya ng bagong wallet mula sa malaking aparador. Nilagyan uli ng pera. Pagkatapos, dinampot niya ang bungkos ng mga susi sa bureau at lumabas na ng silid.

Ang kasuotan niya ay casual pa rin, na katulad kahapon. Navy blue poloshirt at black slacks. Kulay brown ang loafers niya.

Rugged naman si Waldo. Maong at t-shirt na may mga punit at drawing ng pentel pen. Bitbit nito sa isang kamay ang jacket na maong.

“Magandang umaga,” bati ng kaibigan.

“‘Gandang umaga rin,” tugon niya.

Nagsabay sila sa paglalakad ngunit walang imikan.

Tahimik pa rin habang kumakain sila. Kapwa abala sa kani-kanyang iniisip.

Nagsalita lang siya nang matapos. “‘Lika na, Waldo. Lumakad na tayo.”

“May idea ka na ba kung sino siya?”

“Medyo. Pero hindi ako sigurado.”

“Bakit?”

“Babae kasi.”

“‘Kakabilib ‘yan. Lalo na kung pursigido kang gamitin siya,” wika nito. “Bigla bang nawala ang pagkadisgusto mong magpatuloy ng babae dito sa pamamahay mo?” Tinumbok agad ng kausap ang pagka-womanhater niya.

Click here to READ MORE

Comments are closed.