To Marry His Mistress-1

Lionessa was hopelessly in loved with Ruan when she was still young and innocent.

He was her whole life and and she imagined to remain in his arms forever. Unfortunately, her man did not want to marry…

Hindi matanggap ni Lionessa na walang kasal na magtatali sa mga kapalaran nila ni Ruan kaya lumayo siya.

Nang muling magkurus ang kanilang mga landas, parang walang mga taon na lumipas. Masidhi pa rin ang atraksiyon nila para sa isa’t isa.

Ngunit paano ang kumplikasyon na unang dahilan upang maputol ang relasyon nila…?

* * *

Dahan-dahang hinugot ni Lionessa Montes, ang sumisikat na nightclub singer ng D’ Litehouse Club, ang suot niyang guwantes na yari sa lace n itim at marahang iwinagayway sa itaas bago iniitsa sa mga manonood.

Nagkagulo sa bahaging binagsakan ng naturang guwantes. Pinag-agawan ng mga lalaking humahanga sa magandang diyosa na nakatayo sa gitna ng stage, at tinututukan ng malaking spotlight.

Umimbay ang mga balakang ni Lionessa habang humahakbang papalapit sa malaking piano, kung saan nakaupo ang isang matandang lalaki na makisig pa rin kahit na pulos puti na ang lahat ng buhok sa ulo.

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Tumindig ito upang hawakan sa isang kamay si Lionessa. Buong pagkamaginoong yumukod sa mga manonood bago hinagkan nang buong pagsuyo ang palad na nakakubli pa rin sa loob ng guwantes na hindi hinubad ng mang-aawit.

“Isa pa, Lionessa! Isa pa!” sigaw ng mga ito ngunit hindi na nagbigay ang pareha. Tuloy-tuloy nang tumalikod upang magtungo sa backstage na nasa likod ng makakapal na kurtinang telon.

Gumagapang ang kilabot sa buong katawan ni Lionessa habang papasok sa kanyang dressing room. Blangko ang ekspresyon niya ngunit gumigiti ang masaganang pawis sa noo at leeg na ubod nang kinis at puti.

“You really find them distasteful, do you?” ang masuyong wika ni Ned Rios, ang kanyang pianista at matalik na kaibigan.

Tumango lang ng isa si Lionessa bago tumuloy sa isang maliit na shower cubicle. Tumapat siya sa maligamagam na bugso ng tubig upang mapalis ang matinding panlalamig na bumabalot sa kanyang kabuuan.

Ganito siya palagi magmula nang magbalik siya sa dating hanapbuhay. A, kung hindi lang para kay—

Naudlot ang kanyang pag-iisip dahil ayaw niyang mag-isip ng tungkol kay — Oh, God, Lionessa Montes! Nangako kang hindi ka mag-iisip! panenermon niya sa sarili.

“Why did you come back?” patuloy ni Ned nang lumabas siyang nakasuot ng pulang roba.

“I have to, Ned. Alam mo ang dahilan, hindi ba?” Dinampot niya ang hairbrush at ang hairblower para magpatuyo ng mahabang buhok.

“Oo, pero kalahati lang ang sinasabi mo sa akin. Ang natitira ay nandiyan pa sa iyong kaloob-looban. Mapapalis ang paghihirap mo kung sasabihin mo sa akin ang anumang itinatago mo diyan sa iyong utak, Ness,” pang-aamuki nito.

Kunwa’y hindi niya naririnig ang hiling ng kaibigan.

Matiyagang naghintay si Ned sa paghinto ng ugong ng motor ng blower na hawak niya.

“Ness?” untag na naman nito nang muling tumahimik sa loob ng munting kuwarto.

“I can’t, Ned. I’m sorry,” pakiusap niya habang nagsusumamo ang kanyang mga mata sa salamin.

Saglit na nagkatitigan ang dalawang okupante ng dressing room number five, bago nagkibit ng balikat ang lalaki.

“Okey. Sorry din sa pangungulit ko, Ness,” ang seryosong tugon nito. “May isa pa akong number. Hintayin mo lang ako dito, ha?”

Tumango si Lionessa. “Oo.” Pinilit niyang ngumiti para mawala ang pag-aalala ng kaibigan.

“Try to have a rest while waiting for me,” habilin ni Ned bago hinila pasara ang pinto.

Unti-unting bumagsak ang linya ng kanyang mga balikat nang mapag-isa na. Nauubos ang kanyang enerhiya sa pagkukunwari na ang lahat ay maayos para sa kanya… gayong kabaligtaran ang tutoo.

Magmula nang makilala niya ang lalaking pinakawalang kuwenta, nawala na sa ayos ang lahat para sa kanya…!

Sumungaw ang ilang butil ng luha sa malalaki at bilugang mga mata ni Lionessa Montes ngunit humarang ang makakapal at malalantik na pilik mata upang huwag makadaloy ang mga luha sa kanyang mga pisngi.

Ngunit ang mga munting kristal ng kalungkutan lamang ang kaya niyang pigilan — hindi ang pagdaloy ng mga gunita…

Isang linggo matapos ang kanyang ikalabingwalong kaarawan, naglayas ni Leona Montes sa bahay ng ina at ng ikatlong asawa nito. Hindi dahil sa mayroong maitim na pagnanasa ang huli sa kanya kundi dahil siya ang may pasinasyon para dito. Hindi lang infatuation, obsesyon pa yata.

Wala naman siyang kasalanan kung tutuusin ngunit mahirap kumbinsihin ang murang damdamin na labis na nasaktan at napahiya nang matuklasang hindi pala siya ang kursunada ng lalaking malimit na bumati at ngumiti sa kanya sa tuwing mapapadaan siya sa tapat ng bahay nito.
Nagkamali siya nang isipin niyang sa kanya may gusto si Mang Jun, na hindi naman kalayuan ang edad sa kanya noon — lalo na ngayon – kundi ang kanyang ina pala na kahit may edad na ay batam-bata pa rin tingnan. Sariwang-sariwa pa kahit na dalawang ulit nang nababalo.

Siguro, nainsulto siya noon bukod sa napahiya kaya pinili niyang lumayas kaysa harapin ang hirap ng pagtatago ng nararamdaman habang nasasaksihan ang kaligayahan ng dalawang mahal sa buhay.

Na isang maling katwiran at desisyon kaya marahil sa unang gabi pa lang niya sa klab na napasukan, nakatalisod na agad siya ng panibagong magbibigay ng sama ng loob sa kanya.

Pumasa siya sa audition ng klab na pinagtratrabahuhan ni Ned Rios bilang pianista. Hindi sila magka-anu-ano ng mas may edad na lalaki pero naging magkaibigan na sila magmula nang maging kapitbahay niya ito nung umupa siya ng maliit na kuwarto sa boarding house na tinitirhan nito.

Halos dalawang linggo na pala siyang inoobserbahan ni Ned habang patuloy siya sa paghahanap ng mapapasukan, kahit na weytres o labandera, sa araw-araw na pag-alis niya ng kuwarto.

“Hi! Nakakita ka na ba?” Ito ang natatandaan niyang paunang bati ni Ned sa kanya habang inaalis niya ang kandado nhg kanyang pinto.

Nagulat si Leona dahil wala namang nakikipag-usap sa kanya sa lumang bahay na iyon, kundi ang tsismosang landlady kaya nabitiwan niya ang hawak na susi.

Humakbang palapit si Ned upang damputin ang susi nang hindi niya magawang yumuko, sa pangamba na baka lumugmok na siya dahil sa matinding gutom na
nararamdaman.

TO MARRY HIS MISTRESS-2

Comments are closed.