To Marry His Mistress-10

Inalihan na naman siya ng pagkalito.

Palakad-lakad muna siya sa gitna ng silid habang nag-iisip kung ano ang dapat niyang gawin.

Wala sa loob, nabuksan niya ang dating aparador na sisidlan niya ng kanyang mga damit noon. Gayon na lang ang pagkabigla niya nang makita ang mga hilera ng mga damit-panlalaki. Puno ang mga ito. Pawang mga gamit ni Ruan.

Dito nakatira si Ruan?! bulalas niya sa sarili.

Napaupo siya habang sinasanay ang sarili sa natuklasan. Ibig bang sabihin nito, hindi magiging katulad nung unang pagsasama nila ang sitwasyon nila ngayon?

“Leona!” tawag ni Ruan mula sa labas.

Napapitlag. Hindi niya napansin na lumilipas ang mga sandali habang nakatulala siya sa pagkakaupo sa gilid ng kama.

Hindi siya sumagot sa pagtawag ng lalaki. Dali-dali siyang tumakbo patungo sa kanyo. Bigla siyang nakaramdam ng panlalagkit ng buong katawan.

Naligo siya at nag-shampoo ng mahabang buhok. Hindi siya nagmadali. Para ngang ayaw na niyang lumabas ng banyo.

Nagulantang uli siya nang kumatok nang sunud-sunod si Ruan sa pinto ng banyo.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

“Leona? Nandiyan ka ba? Leona, sumagot ka,” wika nito habang sumasaliw ang mga katok.

“N-nandito ako, Ruan,” tugon niya. Ibinalik niya sa drawer ang hairblower. “Lalabas na ako.”

Nakasuot siya ng simpleng blusa at shorts na paraheong nangupas na nang kaunti. Hindi na halos maaninaw ang disenyong bulaklak na kulay dilaw sa manipis na tela.

Nanliit siya nang sipatin ni Ruan ang kabuuan niya. Hindi nawala ang spakiramdam kahit na hindi nagsalita ang lalaki.

“Nagpa-deliver ako ng take-out dinner. Halika na sa kumedor. Kumain na tayo,” ang tanging sinabi ng lalaki bago tumalikod.

Sumunod si Lionessa sa paglabas ng lalaki. Bagamat wala siyang ganang kumain, pinilit niyang damputin ang mga kubyertos upang tikman ang mga pagkain.

Hindi rin magana ang lalaki. Panay ang tungga nito sa serbesa na kasamang nakahain sa mesa.

“Siyanga pala,” umpisa nito habang inilalabas ang check book mula sa bulsa ng blazer na itim. “I’ll write you a check now. Baka kailangan mo na,” dugtong pa, sa tonong pauyam.

Parang sinasampal ang pakiramdam ni Lionessa ngunit wala siyang magawa. Nang itulak ni Ruan ang malutong na papel na pinirmahan sa direksiyon niya, pinilit niya ang sarili na kunin iyon.

“S-salamat,” bulong niya habang nakayuko. Tuluyan nang nawala ang gana niya sa pagkain.

“Salamat lang?” ang patuyang tanong ni Ruan. “Ganyan lang ang mapapala ko? Malaking halaga ang binitawan ko, Leona. Won’t I get my money’s worth?”

“Y-you’ll get it, Ruan,” tugon niya, mababa pa rin ang tono. Hindi siya tumitingin nang diretso dito dahil alam niyang naka-rehistro ang paghihirap ng kalooban niya sa kanyang mga mata.

“M-maghahanda na ako,” paalam niya habang tumitindig. Halos hindi siya makalakad nang maayos dahil sa labis na panginginig ng kanyang mga tuhod.

Pagdating sa kuwarto. Itinago muna niya ang tseke sa booklet ng bank account niya bago siya naglagay ng pabango sa buong katawan.

Naghanap siya ng pantulog ngunit tanging padyama lang na luma na rin ang nakita niya sa loob ng maleta.

Kumakabog ang dibdib ni Lionessa habang hinihintay ang pagdating ni Ruan. Hindi siya mapakali. Parang — parang hindi na niya alam kung paano ang… m-makipag…

Labis na ang pag-iinit at panlalamig na nararamdaman niya ngunit wala pa rin ang lalaki.

Tumindig siya at sumilip sa labas ng bintana para mawala ang pagkabalisa at pagkainip niya.

Malapit nang magtakipsilim. Natagpuan na siguro ni Ned ang sulat niya sa ibabaw ng mesa sa kusina. Maintindihan sana siya nito.

Tumuwid ang linya ng likod niya nang mapag-isip-isip na kung hindi sa alok ni Ruan sa kanya, patungo na naman sana siya ngayon sa klab. Naghahanda na naman sa pagkanta at pagpapaseksi sa mga pares ng mga matang hayok.

Si Ruan ay isang malikhaing mangingibig. Hindi ito tradisyunal. Kahit saan, kahit kailan — pupuwede kapag ninais nitong maglambing.

Bumuwelta siya para lumabas ng silid. Kung ayaw lumapit sa kanya ni Ruan, siya na lang ang pupunta dito.

Kinailangan pa muna niyang libutin ang buong penthouse bago niya natagpuan ang lalaki. Nakaupo ito sa madilim na bahagi ng walled garden sa labas. May hawak na namang bote ng serbesa.

“Ruan?” sambit niya sa pangalan nito habang marahang humahakbang patungo sa kinaroroonan niya.

Nilinga siya ng lalaki ngunit hindi ito tuminag.

Nagpatuloy lang sa pag-inom.

“B-bakit ka naglalasing?”

“Nalulungkot ako,” ang matipid na tugon.

Napamaang si Lionessa. “Bakit ka malungkot?”

Isang malalim na buntong-hininga ang hinugot ni Ruan bago tumugon. “Inakala kong naibalik na kita sa piling ko, Leona, ngunit nagkamali pala ako. Nawawala pa rin ang aking si Leona,” pahayag nito. Wala na ang anghang sa tono. “Matulog ka na, Lionessa. Hindi na kita gagambalain pa.” Tila pinal na ang tono.

Napapatda si Lionessa. Parang may gumuhong bahagi sa kanyang baibuturan nang sambitin ni Ruan ang bagong pangalang ibininyag sa sarili magmula nang naglayas sa poder ng magulang noong disi-otso anyos pa lang siya.

Nagtalo ang puso at isipan niya kung ano ang dapat niyang gawin.

“I-ibabalik ko ang pera mo kapag tinanggihan mo ako, Ruan,” umpisa niya habang patuloy sa paglapit. “At babalik na lang ako sa klab,” dagdag pa niya.

Nakatitig sa kanya ang lalaki. Hindi umiimik.

“Gusto kong paghirapan ang lahat ng salaping makukuha ko,” patuloy niya habang dahan-dahang kinakalas ang mga butones ng suot na pang-itaas ng padyama na umabot hanggang sa mga hita lang niya.

Wala pa ring tinag ang lalaki kahit na lumantad na ang kanyang kahubdan sa ilalim ng mapusyaw na iluminasyon ng bilog na buwan.

Muli siyang humakbang palapit hanggang sa isang dipa na lang ang layo niya sa kinauupuan ni Ruan. Naghinang at nag-usap ang kanilang mga paningin ngunit hindi niya mabasa ang ekpresyon nito.

Pamaaya,-maya, bahagyang pumilig ang ulo ni Ruan. Para bang pinipigilan ang sarili.

“May gusto akong malaman,” sambit nito habang tumitindig. “Ano ang dahilan mo noon sa pagsama mo sa akin?”

Natigilan si Lionessa. Kapagkuwa’y nagkibit siya ng isang balikat bago tumugon.

“Bata pa ako noon, Ruan. Inosente at ignorante pa sa maraming bagay. Inakala kong umiibig ako sa iyo pero hindi pala.”

TO MARRY HIS MISTRESS-11

Comments are closed.