To Marry His Mistress-11

“Paano mo nasabing inakala mo lang?”

“Ang alam ko sa pag-ibig ay maganda at masaya, Ruan. Ang namagitan sa atin noon ay hindi ganito.”

“Ano ang namagitan sa atin noon?”

Hindi alam ni Lionessa kung ano ang ibig tumbukin ni Ruan sa mga pagtatanong nito ngunit ibig niyang sumagot sa abot ng kanyang makakaya.

Bakit? untag ng munting tinig sa loob ng utak niya ngunit hindi niya pinatapos. Hahalungkatin lang niyon ang lahat ng mga nakatagong saloobin niya!

“Pisikal na atraksiyon lang, hindi ba?” Kumuyom ang mga palad niya habang nakatago sa kanyang likuran. “Nagustuhan mo ako sa unang kita mo pa lang sa akin noon. At nagustuhan din kita,” pagtatapos niya.

“Hindi mo nasagot kung ano ang namagitan sa atin noon, Leona,” untag ng lalaki habang inuubos ang natitirang distansiya sa pagitan nila. “Nag-away ba tayo? Namuhi ba tayo sa isa’t isa bago natapos ang lahat?”

Saglit na nagsara ang lalamunan ni Lionessa ngunit agad niyang nilunok ang bumara doon. Importanteng matugon niya ang tinuran ng kaharap.

“N-nag-away tayo, Ruan. Nagtalo tayo tungkol sa — sa kasal!” paalala niya, halos pasigaw ngunit pinigil niya ang emosyon sa kanyang tinig. “Hindi mo lang natatandaan dahil iyon ang una at ang huli, Ruan.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Napahinto ang lalaki sa paglapit pa nang husto sa kanya. Inaninag nito ang kanyang mukha.

“Dinamdam mo iyon?” paniniyak nito. “Wala sa loob ko ang mga sinabi ko noon.”

“Tumimo sa loob ko ang bawat katagang binitiwan mo sa akin, Ruan,” pakli niya.

Nararamdaman niya ang pagbaon ng mga kuko niya sa mga palad habang papahigpit ang pagkakakuyom ng mga kamay niya ngunit nanatiling banayad ang kanyang pagsasalita.

“Oh, Leona, I’m sorry,” bulong ni Ruan. Tila ito ang hindi nakatiis. “Nang magbalik ako noon at natuklasang iniwan mo na ako, para akong nawalan ng liwanag.”

“Kinamuhian kita, Ruan,” sambit niya.

Huminto lang dahil malapit nang mabasag ang kanyang boses. Nagpatuloy lang nang maibalik ang tatag.

“Kinasuklaman kita nang matagal na panahon ngunit ako lang ang may kasalanan kung bakit ako nasaktan noon, hindi ba? May sarili kang laro at batas para dito, na sinalihan ko at tinangkang baguhin. Tama lang na masaktan ako.”

Hinawakan siya ni Ruan sa magkabilang balikat. Nadama nito ang panlalamig ng kanyang balat.

“Pumasok na tayo. Nilalamig ka na. Baka magkasakit ka pa.”

Nagpaakay si Lionessa nang hilahin siya papasok ng lalaki. Nakatutok ang buong konsentrasyon niya sa pagtitimpi ng mga damdamin niya na ibig nang humulagpos.

Masuyo siyang niyapos at kinalong ng lalaki nang maupo ito sa malaking sopa. Hinaplos ang kanyang buhok at likod na para bang batang inaalo at sinusuyo.

Kailanman, hindi niya dinanas ang ganitong paglalambing mula sa sariling ama na maagang yumao at sa lalaking unang inibig… Ngunit ngayon ay balewala na ang naramdaman niya para kay Mang Jun noon.

“Leona?”

“Hmm,” tugon niya habang nakapikit at nakayupyop sa malapad na dibdib.

“I am very sorry I hurt you then and now. I was a foolish bastard — then, up till now.”

“Huwag mo nang insultuhin ang sarili mo, Ruan. I didn’t expect you to be a perfect,” bulong niya. Tutoo sa loob niya ang sinabing ito.

Bumuntong-hininga ang lalaki. Para bang nahihirapan. “Leona, this time, ayoko nang mawala ka uli sa akin,” pahayag nito. May bahagya nang nginig sa tinig nito?

Nag-angat ng ulo si Lionessa upang matingnan kung ano ang ekpresyon ng lalaki. “Ano ang sinasabi mo, Ruan?”
“Gusto kong pakasalan kita ngayon. Para hindi ka na aalis at para hindi mo na ako iiwanan uli.”

Napatitig si Lionessa kay Ruan. Hindi siya makapaniwalang tutoo ang naririnig niya.

Inalihan siya ng pagkabalisa. Tinangka niyang tumayo ngunit pinigil siya ni Ruan. Hinila siya nito nang marahan kaya napaupo uli siya pero magkaharap na sila.

“H-hindi mo alam ang sinasabi mo, Ruan. Nakainom ka,” pahayag niya.

Idinaiti ni Ruan ang isang hintuturo sa kanyang bibig upang hindi na niya masundan ang sinabi.

“Magdamag akong nag-isip, Leona. I held you you in my arms the whole night and I am still sure of my feelings when I woke up this morning.”

“Ruan,” protesta niya. “Hindi ka magiging masaya kung nakagapos sa isang relasyon lang. Sinabi mo sa akin iyan noon,” paalala niya.

Seryoso ang mukha ng lalaki. “I know, Leona, and I regretted it,” ginagap nito ang isang kamay niya. “Magiging maligaya ako sa iyo habambuhay,” pangako pa sa tonong seryoso.

Lalong nabalisa si Lionessa. Hindi ganito ang inaasahan niyang makakaharap na sitwasyon.

“R-ruan, hindi mo alam ang sinasabi mo,” ulit niya sa himig-nakikiusap na. Hindi niya gusto ang usapang ganito. “Halika na, magpahinga na tayo para — ”

“Dammit, Leona!” angil ni Ruan. Tila nawala na ang kontrol. “I am very serious. Ngayon lang ako naging ganito ka-seryoso sa buong buhay ko kaya pakinggan mo ako.”

Napasiksik siya sa sulok ng sopa nang akmang dadaluhungin siya nito.

“God, I’m sorry!” bulalas ng lalaki nang mapagtanto ang ginagawa. Hinagod ng isang palad niya ang mukha habang nag-aapuhap ng pagtitimpi. “A man’s most important possession is his freedom, and I am offering mine to you,” anas nito sa paos na tinig.

“H-hindi ko matatanggap, Ruan. Sana, noon mo pa inialok iyan…”

Tuluyan nang humulagpos ang pinipigil niyang pagluha. Kung hindi lang nagsisikip ang dibdib niya nang mga sandaling iyon, matatawa siguro siya. Ngayong natupad na ang gusto niya noon, hindi na niya puwedeng tanggapin pa. Masyado nang maraming sugat at pilat…

Napatitig sa kanya ang lalaki. Pamaya-maya’y umiling ito nang umiling.

“Mag-isip ka muna, Leona. Huwag ka munang magdesisyon. Bukas na lang tayo mag-usap uli,” pahayag ni Ruan habang tumatayo.

Nag-alangan pa siyang tanggapin ang iniabot na kamay para tulungan siyang makatayo. “R-ruan — ”

Umiling uli ang lalaki upang hindi niya maituloy ang kanyang sasabihin.

“Bibigyan kita ng panahon na mag-isip, Leona. Huwag kang magdesisyon agad,” pagpapayo nito bago siya inihatid sa kuwarto.

“S-saan ka pupunta?” tanong niya, pahabol nang tumalikod ito matapos siyang papasukin sa pinto.

“Ipapakita ko sa iyo na may respeto ako sa iyo, Leona. Hindi kita sisipingan hanggang hindi tayo nakakasal.” At lumakad nang palayo sa kanya.

TO MARRY HIS MISTRESS-12

Comments are closed.