To Marry His Mistress-12

Napamaang si Lionessa ngunit wala siyang puwedeng gawin kung hindi ang mag-isip, na katulad ng nais ng lalaki.

Gustong sumigaw ni Ruan nang halos mapatid ang mga litid niyang nag-iigtingan dahil tinalikuran pa niya ang nakahaing kariktan ng babae.

Isang magdamag na pahirap na naman ang naghihintay sa kanya dahil nagpapakamaginoo siya — dahil tumutupad siya sa mga patakaran ng kagandahang-asal.

Dahil ibig niyang ipakita kay Leona na matino na siya, at hindi na isang bagamundo na walang kwenta ang pagkatao!

Pasabunot niyang sinuklay ang kanyang buhok. Nag-aalimpuyo ang lahat ng mga himaymay sa buong katawan niya. Nagnanais ipakawala ang tensiyon na nilikha ng perpektong kahubdan ni Leona kanina.

At kagabi, habang nakasiksik ang malasutlang kalambutan nito sa tagiliran niya.

Hanggang kailan kaya niya matitiis ang pisikal na sakit na yumayabong sa kanyang kaibuturan?

Muli siyang bumalik sa kanyang lugar sa labas ng penthouse. Hindi na siya nagdala ng alak. Ayaw na niyang uminom dahil baka manghina pa ang kontrol niya.

Kaya lang siya tumikim ng alak ay para magkaroon siya ng sapat na lakas ng loob para magtapat kay Leona.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Nakakatawa! buska niya sa kanyang sarili.

Siya si Ruan Barrientos, isang kilalang negosyante na mahilig mag-jetset at madalas magpalit ng girlfriend — ngunit ngayon ay nagmumukmok sa gitna ng dilim para makaiwas sumiping sa babaeng dati nang naging kanya!

Triente y tres na siya nang huling kaarawan niya. Malimit na niyang maisip ang magiging kinabukasan mga ari-arian niya nitong huli. Ibig na niyang magkaroon ng sariling pamilya, asawa at mga anak.

Ngunit ayaw niya sa mga babaeng napapaugnay sa kanya. Marami siyang nagpipilian dahil maraming babae ang nahuhumaling sa kanya.

Ngunit isa lang sa mga ito ang nakapagpakita sa kanya ng mainit at maalab na emosyon na minsan lang niya nalasap sa buong buhay niya.

Si Leona Montes lang ang babaeng iyon…

Nang malaman niyang may singer na kumakanta sa klab niya sa Timog, ang ang pangalang ginagamit ay Lionessa Montes, sumugod agad siya sa establisyimento.

Magmula nang iwan siya ni Leona noon, hindi na siya sumilip sa kahit na saang klab. Nagtayo lang siya at nagminti ng ganitong negosyo sa pamamagitan ng ibang tao dahil ibig niyang may kuneksiyon pa rin sa mundong dating ginalawan ni Leona para sa pagbabakasakaling malaman agad niya ang pagbabalik nito.

A, isa na yata siyang baliw!

Pumasok siya sa loob para magpalakad-lakad habang pilit na iwinawaksi ang napagkit na larawan ni Leona sa kanyang utak.

Kung saan-saan siya naghanap noon. Nang hindi niya matagpuan si Leona ay naghintay na lang siya at nagdasal. Wala siyang puwedeng gawin kundi ang umasa at maghintay…

Hanggang sa lumipas na ang mga taon.

Naalala niya ang unang reaksiyon niya sa babaeng tinatawag na Lionessa Montes. Mapanukso itong nag-aalis ng guwantes. Nangangako at nanrarahuyo ang bahagyang ngiti sa mapupulang labi habang blangko ang mga mata.

A, bakit malamig ang mga mata ni Leona? Nanggigipuspos na katanungan iyon mula pa sa likod ng kanyang isipan. Siya ba ang naglagay ng yelo sa kaluluwa ni Leona?

Ang pagkakakilala ni Ruan sa kanyang sarili ay hindi maganda. Makasarili siya. Mapaglaro sa pakikipagrelasyon. Hindi siya naniniwalang mayroong emosyon na kayang tumagal nang napakatagal na panahon.

Ngunit ano ang tawag sa nadarama niya? Ang lumipas na walong taon ay hindi maituturing na pansumandali lang.

Paano kaya niya maibabalik ang init ni Leona?

Ganito lang ang mga katanungang umiikot sa loob ng isipan ni Ruan hanggang sa mag-umaga.

Dakong alas nuwebe nang kumuriring ang telepono. Hindi pa rin lumalabas si Leona sa kuwarto nito. Alam niyang hindi pa kahit na nagawa niyang umidlip nang magbubukangliwayway na kanina.

Sa mismong tapat ng pinto ng silid-tulugan ng babae niya inilagay an sopang kinauupuan. Iniharang niya ang likod ng upuan upang hindi niya basta-basta mabuksan ang nakapinid na dahon kapag tuksong-tukso na siya!

Tinugon niya ang telepono. “Hello?”

“Mr. Barrientos?” anang isang tinig-lalaki.

“Yes?” tugon niya.

“Si Ned Rios po ito, sir,” magalang na pahayag ng nasa kabilang linya. “Gusto ko pong malaman kung nasa inyo po si Lionessa Montes?”

Nagkaroon ng kunot sa noo ni Ruan ngunit malumanay pa rin ang pagsagot niya. “Oo, andito nga siya sa akin. Bakit?”

“Puwede po ba siyang makausap?” Seryoso ang tono ng pianista.

Laban sa kalooban niya ang pagpayag ngunit naisip niyang important marahil ang dahilan kung kaya nagkalakas-loob na tumawag sa kanya ang lalaki.

Habang tumatagal ang pag-iisip niya tungkol sa relasyon nina Leona at Ned, nawawala ang pagdududa niya sa huli. Ayon sa manedyer ng kanyang klab, magkapatid ang turingan ng dalawang entertainers kapag nasa trabaho.

Kinatok niya si Leona. Walang tumutugon kaya pinihit niya ang seradura. Nakita niyang nakayapos ito sa isang mahabang unan at nahihimbing.

Saglit siyang nagdalawang-isip kung gigisingin niya ito ngunit naramdaman yata ng babae ang presensiya niya dahil nagmulat ito ng mga mata.

Nag-aagaw tulog pa si Leona. Nahulaan niya nang ngumiti ito nang buong pagmamahal pagkakita sa kanya.

“Ruan,” tawag nito sa kanya. Malamyos at malambing ang boses na medyo paos pa mula sa pagtulog. “Akala ko’y hindi ka uuwi ngayon,” dugtong pa nito.

Agad na gumapang ang apoy na nakadadarang sa kanyang mga kalamnan pagkakita sa mapang-anyayang buka ng mga labi ni Leona ngunit hindi niya maaaring sirain ang magandang plano niya.

Tiim-bagang na tinapik niya ang babae sa isang balikat upang mawala ang pag-aagaw-tulog nito.

“May tawag sa iyo sa telepono, Leona. Si Ned Rios, gusto kang makausap,” wika niya nang tila napamulagat ang nabiglang babae.

Hindi na niya kailangang ulitin ang sinabi. Bumalikwas agad ng bangon si Leona.

“N-nasaan siya?”

“Nasa sala ang telepono,” tugon niya habang sinusundan ng tingin ang hugis ng babae. Nakatago ang katawan nito sa ilalim ng maluluwang na padyama ngunit alam niya ang bawa’t ukab at kurba ng kabuuan nito kaya balewalang matakpan mula sa paningin niya.

Pumuwesto siya sa di-kalayuan upang makinig sa usapan.

“H-hello, Ned?” Napaupo ito sa sopa nang marinig ang tugon sa katanungan. Hindi niya napigilan ang sarili sa paglapit dito.

“I — p-pupunta ako agad… Oh, Ned, salamat sa pagtawag mo. A-at s-sana ay naiintindihan mo ako…?”

TO MARRY HIS MISTRESS-13

Comments are closed.