To Marry His Mistress-13

Sinalo ni Ruan ang bumagsak na awditibo nang tuluyan nang mawalan ng lakas ang mga daliri ni Leona.

“Leona? May problema ba?” Retorikal ang tanong niya ngunit parang na-blangko ang utak niya pagkakita sa pinaghalu-halong panggigipuspos at paghihinagpis sa mukha ng babae.

“Puwede mong sabihin sa akin. Nakahanda akong tumulong sa ‘yo,” dugtong niya.

Luminga sa kanya si Leona ngunit tila indi siya nakikilala. Tulala ang ekpresyon.

Parang ibig madurog ng kalooban ni Ruan nang mamasdan ang kawalang pag-asa sa mga mata ng babae.

“L-leona?” sambit niya habang hinahaplos ng isang kamay ang pisnging nanlalamig. “C’mon, darling. Puwede mong sabihin sa akin ang anumang problema mo,” bulong niya sa himig-nang-aalo.

Napakurap ang babae. Unti-unting nagbalik ang katinuan sa hitsura nito. Hanggang sa makilala na siya ng lubos. Sumungaw ang luha sa malalaki at bilugang mga mata na napapalibutan ng malalantik na pilik-mata.

“Oh, Ruan! Sana ay tulungan mo ako.” Animo batang nakakita ng taong nagmamahal. “Kailangan ko ng tulong mo!”

“Sabihin mo sa akin, Leona,” anas niya. Inilapit pa niya nang husto ang mukha dito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

“Nasa ospital ang anak ko, Ruan. Kailangan niya ng malaking halaga. Kailangan niyang magpa-opera!”

Parang sinuntok si Ruan sa sikmura nang mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman habang sumasalimbay ang maraming pangitain sa loob ng isipan.

Mayroong anak si Leona! Mayroong asawa at anak si Leona! Umalingawngaw ang mga matatalim na kataga sa kanyang kaibuturan. Pinahahapdi at pinaaantok ang lahat ng mga dati nang sugat.

Kaya pala ayaw magpakasal sa kanya ng babaeng pinakaiibig!

Pinilit niyang lunukin ang bikig sa kanyang lalamunan. “L-leona, tutulungan kita,” sambit niya kahit na ibig na niyang sumigaw sa sobrang sakit na nararamdaman. “Magbihis ka na. Pupunta tayo sa ospital ngayundin!”

Walang imikan habang bumibiyahe ang kotse ni Ruan. Tinawagan niya ang tsuper na malimit niyang gamitin kapag malayo ang biyaheng pupuntahan. Pagbaba nila, dinatnan nila si Ned Rios na nag-aabang. Kaysa gumawa ng eksena, pumayag si Ruan na sumama sa kanila ang pianista.

Sa harapang upuan niya pinaupo ang pianista, para masamahan niya sa likuran ang babaeng tila muling natulala na naman.

Tiniis niya ang personal na pagdurusa habang hinahawakan niya ang babae para aluin kasabay ng pagtitimpi ng nag-uumalpas na mga emosyong nakaukol para dito.

Halos imposibleng gawin, kahit na alam na niyang wala siyang karapatang pagnasaan ang babae. Wala na siyang puwang sa buhay nito…

Halos gumugol ng dalawampung oras ang biyahe. Nagsalitan silang mga lalaki sa pagmamaneho. Kapag si Ruan ang nakatoka, nasa tabi niya si Leona.

“Nandito na tayo,” pahayag ni Ned nang pumapasok na sila sa sumunod na bayan na mayroong munisipyo sa bukana.

Sumungaw si Ruan sa bintana. Nasa likuran na naman sila ni Leona. Nakasandig ang babae sa kanyang balikat at kasalukuyang nahihimbing.

“Nasaan ang ospital?” tanong agad niya habang nag-aapuhap ang mga mata sa dinaraanan.

“Nasa gawing duluhan,” tugon ni Ned. Tila kabisado nito ang bayan ni Leona.

Doon nga nagtuloy ang kotse.

Bago sila pumasok ng ospital na pribado, binilinan niya ang drayber.

“Maghanap ka ng otel na puwede nating matuluyan at pagpahingahan. Isama mo na si Ned. Kami na lang ang papasok sa loob,” dagdag niya bilang pahiwatig na ibig niyang mapag-isa habang humaharap sa asawa’t anak ni Leona.

Naintindihan naman marahil ito ng pianista, tumango lang ito at sumama na rin sa tsuper.

“Halika na, makikita mo na sila,” bulong niya sa pupungas-pungas na babae.

Maliit lang ang gusali. Tatlong palapag lang ngunit moderno ang pagkayari at ang mga instrumento. Halatang mayroong espesyalidad ang pagamutan.

Sinalubong sila ng isang nars. “Nessa! Salamat at dumating ka na! Kahapon ka pa namin hinahanap! Mabuti na lang, natanggap na ni Mama Connie ang sulat ni Ned. Nakatawag kami sa kanya!” Nang mahinto sa pagsasalita, bumaling sa kanya ang nars na halos kaedad lang ni Leona.

“Ikaw ba ang ama ng bata? Halikayo, habang puwede pa ang dalaw,” ayaw nito sa kanila habang nagpapauna na sa paglakad.

Napamaang si Ruan. Nagulat siya dahil napagkamalan siyang ama ng anak ni Leona.

Wala nang panahon para mag-isip pa dahil dumating na sila sa silid na kinaroroonan ng isang batang lalaki na tila napakaliit at napakaputla sa kinahihigaan nitong kama na putim-uti ang balot. Napapalibutan ng mga mekanismo at instrumento para makatulong sa pagbibigay-ginhawa habang inaatake ng karamdaman ang yayat na katawan.

“Oh, ang anak ko!” hikbi ni Leona habang papalapit sa kama. Paimpit lamang para hindi magambala ang katahimikan ng kuwarto. Dumaloy agad ang masaganang luha sa mga mata nito habang minamasdan ang kaawa-awang kalagayan ng paslit na walang malay sa mga nangyayari sa paligid.

Nakaramdam din ng masidhing simpatiya si Ruan. Inakay niya palabas ang umiiyak na baba matapos ang maikling pagsipat sa pasyente.

“Nasaan ang duktor?” tanong niya sa nars na panay ang tingin sa kanya nang panakaw.

Parang natataranta itong tumugon. “Uh, d-darating na iyon,” anito bago nagdudumaling magpaalam. “Dito muna kayo sa waiting room, Nessa.”

Dinalhan sila ng isang tray na may lamang takuri ng mainit na kape at dalawang puswelo doon bago muling iniwang mag-isa.

Tahimik silang naghintay. Ilang minuto pa, dumating na ang isang maliit na lalaking naka-jacket na puti. Makapal ang salamin nito sa mata, gayundin ang bigote na tila nakakaligtaang gupitan.

“Ah, Mrs. Barrientos!” umpisang bati nito kay Leona.

Naramdaman ni Ruan ang pagpitlag ng babae dahil nakaakbay siya sa balikat nito ngunit naisip niyang baka ang sarili niya ang napapitlag dahil sa pagkagulat nang marinig ang itinawag kay Leona.

Mrs. Barrientos! ulit ni Ruan sa sarili, pabulalas. Parang napaka-imposible namang mangyari na ang napangasawa ni Leona ay magiging ka-apelyido pa niya!

Walang napunang kakaiba ang duktor. Patuloy itong nagsalita.

“Gumaling na ang impeksiyon ni Junior, katulad ng naging prediksiyon namin ni Dr. Rizalito. Maaari na siyang operahan, kahapon pa. Mabuti at nakarating kayo agad dito.” Ngumiti sa gawi ni Ruan ang duktor na para bang pahiwatig na kasama siya sa kausap nito. “Kailangan nang pirmahan ang ilang mga papeles para maisagawa na ang preperasyon para sa maselang operasyon niya,” patuloy nito.

Nagsalita lang si Ruan nang manatiling tahimik si Leona. “Ano ang dapat operahan sa bata?”

TO MARRY HIS MISTRESS-14

Comments are closed.