To Marry His Mistress-14

Saka lang huminto kay Ruan ang mga mata ng manggagamot.

Siya na ang kinausap nang tuwiran. Hindi naman katak-taka dahil parang wala na naman sa sarili si Leona.

“Blue baby si Junior nang ipanganak. Nung una, nakukuha pa sa medikasyon ang karamdaman ng bata ngunit hindi na nitong huli. Malaki ang posibilidad na magiging normal na bata siya kapag napalitan ang kanyang puso.”

Tumango-tango si Ruan ngunit hindi ang ipinaliwanag ng kaharap ang kanyang naunawaan nang lubos. Naiintindihan na niya ang ginawang pagsasakripisyo ni Leona sa pag-awit sa entablado ng klab.

Kinitil niya agad ang papausbong na panibughong nakaukol sa batang pasyente, dahil tiyak na mahal na mahal ni Leona ang anak.

Etsa-puwera na muna ang asawa nito…

Sinagilahan ng takot ang pag-aalala ni Lionessa para sa kanyang anak nang marinig ang pagtawag ni Dr. Islerio sa kanya ng Mrs. Barrientos.

Halos hindi siya humihinga nang maghari ang mabigat na katahimikan. Mabuti na lang, walang napansin ang duktor. Nagpatuloy ito sa pagsasalita.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Nabawasan din ang paninikip ng kanyang dibdib nang magpakita ng interes si Ruan sa kalagayan ng batang pasyente.

Ngunit hindi lubusang nawawala ang mabigat na pagkabog ng kanyang dibdib dahil ramdam na ramdam niya ang pagkagitla ng lalaki kanina…

“Ipahahanda na namin ang mga papeles,” pagtatapos ni Dr. Isterio. Habang nakikipagkamay sa kanila ni Ruan. “Magandang gabi uli sa inyo.”

“Salamat ho, doc. Magandang gabi rin sa iyo.” Si Ruan ang tumugon dahil hindi makapagsalita si Lionessa.

Muling tumindi ang tensiyon niya nang mapag-isa na naman sila sa waiting room. Hindi siya nakatiis nang lumawig nang lumawig ang katahimikan.

Nilinga niya ang gawi ng lalaki. Tama ang hinuha niyang nakatitig ito sa kanya at sinisipat siya.

“Pagod ka na, Leona,” sambit nito nang makitang nakatingin na rin siya rito. “Magpahinga na muna tayo.”

Napatianod siya dahil ayaw niyang mapukaw ang pagkayamot nito. Ayaw niyang magkaroon ng kumprontasyon sa pagitan nilang dalawa. Nasa kritikal na kalagayan ang — anak niya…

“Malayu-layo nang kaunti mula dito ang bahay namin,” pahayag niya sa mababang tono.

“Nagpahanap ako ng otel, Leona. Huwag ka nang mag-isip pa. Kami na lang ang bahala,” salo ni Ruan.

Hindi matanto ni Lionessa kung ano ang naiisip o nadarama ng lalaki dahil blangko ang tono at ang anyo nito.

Sinalubong sila ni Ned nang mamataan silang papalabas ng ospital

“Ness!” tawag nito sa kanya. “Kumusta na si Junior?”

“M-mabuti,” tugon niya. Nadoble ang pangamba niya dahil nasa harapan niya ang isa pang nilalang na niloloko niya.

“Uh, iskedyul niya bukas para ma-operahan,” dugtong niya nang magsimulang kumunot ang noo ng kaibigang matalik.

“Nakakuha ba kayo ng matutuluyan natin?” untag ni Ruan sa tsuper.

“Opo, ser.” Maagap na tugon ng may edad na lalaki. “Sakay na kayo para makapunta na tayo.”

Halatang sabik nang magtanong at mangumusta nang husto si Ned tungkol sa batang inanak nito sa binyag, may anim na taon na ang nakakalipas ngunit nagtimpi ito ng pagkasabik.

Ngayong mayroon nang katiyakan sa magiging kalagayan ng kanyang anak, unti-unting naglalaho ang pamamanhid na idinulot ng pagkabigla nang marinig niya ang balita ni Ned kahapon. Marami na naman siyang napupuna at nararamdaman.

Palaging nakadaiti ang katawan ni Ruan sa kanya. Nakaakbay ang isang braso sa kanyang balikat, o di kaya’y nakahawak sa isang siko niya, habang nakaupo silang dalawa sa likurang upuan ng kotse.

Palaging nakatutok sa kanya ang paningin nitong tila nagtatanong.

Na palagi naman niyang iniiwasan.

Hindi niya alam kung hanggang saan at hanggang kailan siya makakaiwas, ngunit gagawin niya ang lahat para matiyak ang kaligtasan ni Junior bago siya haharap sa paghuhusga at paghahatol ni Ruan!

Inihatid siya ng lalaki sa magiging kuwarto niya. Halos katapat ng likod ng ospital ang maliit na otel na natagpuan nina Ned. Nakakuha ng apat na silid para sa kanilang lahat. Sila ang magkatapat ng pinto. Nasa gawing bukana ang tsuper at si Ned.

“Dadalhan kita ng pagkain,” wika ni Ruan bago tumalikod sa kanya.

Walang nagawa si Lionessa kundi ang tumango.

May sariling banyo ang silid na kinaroroonan niya. Naligo siya kahit na malamig ang tubig na bumugso mula sa shower. Madali lamang dahil gininaw agad siya. Nagbibihis siya nang may kumatok sa kanyang pinto.

“Sino ‘yan?”

“Ruan.”

Pinagbuksan niya ito matapos maibalot ng tuwalya ang basang buhok.

Isang tray na may pagkain ang dala ni Ruan. Tumuloy ito kahit na hindi pa niya pinapapasok.

Inilapag nito ang tray sa nag-iisang lamesita ng masikip na silid tulugan bago lumingon sa kanya nang diretso.

“Para sa dalawa ang in-order kong pagkain. Sasalo ako sa iyo kung papayag ka, Leona,” pahayag ni Ruan.

Nag-apuhap ang mga mata ni Lionessa sa mukha nito ngunit wala siyang mabasang anuman. Nagbaba siya ng tingin.

“Uh, s-salamat, Ruan. Halika, saluhan mo ako,” sambit niya nang kusang bumukas ang kanyang bibig upang tumugon.

Sa kama siya naupo nang buhatin ni Ruan ang lamesita palapit doon. Inilapit din ng lalaki ang silyang nag-iisa para magkaharap sila sa pagkain.

Nakikiramdam si Lionessa habang kumakain sila. Nagkunwari siyang may gana kahit na ang bawat isubo niya ay kailangan pang itulak ng ilang lagok ng tubig.

Naghihintay siya sa unang pag-atake nito ngunit tila aamagin siya sa kahihintay.

Tila walang balak na magtanong si Ruan.

Nang matapos na ang tahimik na hapunan, sinimulang ilapit ng lalaki ang mga pinagkainan nila.

Naninibago si Lionessa. “A-ako na ang magliligpit, Ruan,” awat niya sa lalaki.

“Sandali lang naman ito,” wika ng lalaki habang dinadampot ang tray. “Ibinilin sa akin ng landlady na ilalagay ko lang sa may pinto ang tray na ito, may kukuha nang houseboy niya.”

Gayon nga ang ginawa ng lalaki.

Muling nagsimula ang papitlag na pagtibok ng dibdib ni Lionessa nang magbalik sa kinauupuan ang lalaki. Para bang naghihintay…

“R-ruan,” umpisa niya sa medyo paos na boses. “May hihilingin sana ako sa iyo,” patuloy niya.

Tumaas ang makakapal na kilay. “Ano ‘yon?”

“K-kung anuman ang mga katanungan mo ngayon, maaari bang ipagpaliban mo muna? K-kahit hanggang sa matapos ang krisis kay Junior?”

Ilang sandaling nag-isip si Ruan. Nakatingin lang sa kanya na para bang mayroong iniisip na kung ano.

TO MARRY HIS MISTRESS-15

Comments are closed.