To Marry His Mistress-15

Pamaya-maya, tumango nang marahan si Ruan.

“Okey, kung iyan ang gusto mo, Leona.”

Parang nabunutan ng tinik si Leona. Atsaka lang niya nakayang ngumiti.

“Maraming-maraming salamat, Ruan!”

Ibiniling lang si Ruan ang ulo bilang pagtanggap sa pasasalamat niya.

Inalis ni Lionessa ang balot na tuwalya sa kanyang buhok habang nakikiramdam. Kahit sandali lang silang nagkasama ni Ruan noon, mayroon siyang napagtanto sa pagkatao at pag-uugali nito.

Isang matalinong negosyante ang lalaki. Hindi ito naglalabas ng puhunan kung hindi rin lang may babalik na tubo.

Kaya hindi siya naniniwalang libre ang lahat ng itutulong nito sa kanya.

Nang tumindig ito ay naghanda na si Leona sa paglapit nito. Ngunit gayun na lang ang pagkabigla niya nang sa pinto lumapit ang lalaki.

Hindi niya napigil ang pagtatakaka. “Ruan?”

Huminto ang lalaki at luminga sa gawi niya nang marinig ang pagsambit sa pangalan nito.

Napakurap siya nang makitang blangko ang mga mata ng lalaki. Wala na ba siyang pang-akit ngayong natuklasan nitong may anak siya?

“Bakit, Leona?” untag ni Ruan nang hindi na siya nakapagsalita uli.

“I — I was just wondering,” umpisa niya bago muling napahinto.

“You’re wondering about what, Leona?”

Napalunok si Lionessa. Nagbaba siya ng tingin. “I — h-hindi ka dito ang kuwarto mo, Ruan?”

Natubigan ang lalaki. Nag-isip muna nang husto bago tumugon.

“No, Leona. Hindi dito ang kuwarto ko,” pahayag nito sa malumanay na malumanay na tono.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Muling naglakas-loob na mag-angat ng paningin si Leona.

“H-hindi na ba ako maganda sa paningin mo, Ruan? Porke ba mayroon na akong a-anak?”

Pigil ang paghinga niya habang naghihintay ng kasagutan.

Ngunit hindi pala salita ang itutugon ng lalaki — aksiyon. Tumalikod ito at walang lingon-likod na lumabas ng pinto ng kanyang kuwarto.

Marahan at pigil ang pagsasara ng pinto niya ngunit daig pa ang pinagsampal-sampal ang pakiramdam niya. Nabastos siya sa simple at suwabeng pamamaraan.

Mabilis kumilos ang lahat ng bagay kapag may pera.

Napatunayan ni Lionessa ang bagay na ito habang pinapanood ang paggaling ni Junior matapos ang napakaselang operasyon.

Matapos matiyak ni Ruan na mga de-klaseng espeyalista ang mga duktor na tumitingin kay Junior, pinayagan nito ang lahat ng mga operasyon na dapat isagawa sa pasyente.

Hindi nga naglipat-linggo, ligtas na sa panganib si Junior.

“Napakalaki ng utang na loob ko sa iyo, Ruan,” pahayag niya sa lalaki nang makasalo niya uli ito sa hapunan. Hindi na sa loob ng kuwarto niya. Sa restawran o sa kantina na lang sila malimit magkaharap.

Nagbalik na sa Maynila sina Ned at ang tsuper kaya palaging nakakailang ang mga sandaling napapag-isa silang dalawa. Hindi niya magawang kalimutan ang pagkapahiya niya sa lalaki nung unang gabi nila sa mumurahing otel na tinutuluyan.

“Huwag kang mag-alala, Leona,” salo nito sa banayad na tono. “Kayang-kaya mong bayaran ang lahat ng utang na loob mo sa akin.”

Napamaang si Lionessa ngunit hindi niya nagawang isatinig ang tanong na gustong numulas sa kanyang lalamunan dahil nalunod siya sa malalim na pagkakatitig nito sa kanya.

Hindi pa siya makakahulagpos kung hindi dumating ang in-order nilang pagkain.

“No comment?” tanong ng lalaki nang manatili siyang tahimik kahit na umalis na ang weyter na nagsilbi sa kanila. “Hindi mo man lang itatanong kung ano ang hihingin kong kabayaran, Leona?”

Binasa ng dila ang nanunuyong mga labi habang nag-aapuhap ng sasabihin si Leona. Muli siyang napatitig sa lalaki upang tiyakin kung seryoso ito.

Walang kangiti-ngiti si Ruan.

At kung babalikan niya ang mga nagdaang araw, ni minsan hindi pa niya nakitang ngumiti ang lalaki sa kahit na anong bagay.

Palaging enigmatiko ang ekpresyon nito sa tuwing tatangkain niyang arukin ang isipan at kalooban nito… lalo na kapag nasa harapan nila si Junior.

Yumuko uli si Leona dahil ayaw niyang makipag-argumento sa lalaking pinagkakautangan niya nang malaking utang na loob.

“N-nakahanda naman akong magbayad, Ruan,” sambit niya nang muling mahanap ang boses na nawala.

“Good,” bawi ng lalaki. Normal ang ngiti. “Pag medyo malakas na ang bata, dadalhin natin siya sa isang health farm sa Australia.”

“Mapapalayo siya sa akin?”

Umiling ang lalaki. “Doon din tayo magha-honeymoon.”

Napamaang si Lionessa at napatitig sa harapan ngunit muling naumid ang kanyang dila at hindi na siya makapagsalita, kahit na may naisip siya.

Hindi na nagpatuloy si Ruan nang manahimik siya.

Nagkaroon na naman ng panibagong tensiyon si Leona nang mga sumunod na araw. Ligtas na sa panganib ang kanyang anak.

Ngunit ano kaya ang hihinging kapalit ni Ruan?

Nagbanggit ito ng tungkol sa honeymoon ngunit hindi siya naniniwalang makikisama sa kanya ang lalaki nang mayroong basbas ng kasal.

Ang proposal nito nung bago malantad ang tungkol kay Junior ay tiyak na nakabasura na. Sino ba namang lalaki ang magnanais na magpakasal sa isang katulad niyang—

Nasa dulo ng kamalayan niya ang kataga ngunit hindi niya maapuhap. Bawal. Bawal na maalala pa niya…

Nitong mga huling araw, naghihintay siya sa pagpunta ni Ruan sa kanyang silid. Hindi niya tatanggihan kapag nagpahayag ito ng pagnanais na sumiping sa kanya. Tutoo sa loob niya ang kanyang sinabing nakahanda siyang magbayad ng utang sa lalaki.

Lumipas pa ang dalawang linggo. Nakakaupo nang mag-isa ang bata. Nahihiya man kapag kaharap ang pormal at tahimik na lalaking palaging nakabuntot sa ina, nakakapagkuwento na ito nang tungkol sa mga bagay na nangyari magmula nang magtrabaho sa malayo si Leona.

“Mama, malapit na daw po akong lumabas dito, sabi ni doc,” balita ni Junior, isang umaga.

Agad na inilapag ni Leona ang dalang supot ng mga prutas. “Talaga, anak? Kailan daw?”

“Sa isang bukas daw po. Bale, tatlong tulog pa po,” tugon ng bata.

Hindi napigil ni Leona ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Hindi dapat na nakakapag-isip siya ng mga pribadong bagay sa harapan ng inosenteng paslit ngunit parang may sarili nang isip ang kanyang katawan.

Unti-unti, nagiging alipin na naman siya ng atraksiyon para sa lalaki.

Magkahalong pagkasabik at pagtutol ang nadarama niya habang naiisip ang muling pagtikim at paglasap niya ng matamis at maalab na atensiyon ni Ruan Barrientos. Iniisip pa lamang ay halos lumutang na siya sa hangin.

A, hibang pa rin pala siya!

Ang kinatatakutan niya ay ang muling paglayo ng lalaki dahil siguradong biglang mawawala ang atraksiyon kapag nalantad ang lihim na itinatago…

TO MARRY HIS MISTRESS-16

Comments are closed.