To Marry His Mistress-16

Hindi alam ni Lionessa kung paano pa niya iipunin at bubunuin ang mga bahagi ng madudurog na sarili.

Hindi bulag at manhid si Ruan para hindi makita ang epekto kay Leona ng ipinahayag niyang kondisyon ng paniningil.

Araw-araw, tila lalong lumalalim ang mga mata nito. At tila lalong nangangayayat. Sinikap niyang remedyuhan ang bunga ng saglit niyang pagkalimot.

Umiwas siyang magbanggit ng tungkol sa pisikal na aspeto ng kanilang ugnayan. Palaging pormal at impersonal ang kanyang pakita sa babae. Pilit din niya pinagigiliw ang sarili sa bata para mapalapit siya sa loob ng ina nito.

Pasimple rin siyang nanliligaw. Paminsan-minsan, bumibili siya ng paisa-isang buko ng bulaklak na may iba’t ibang kulay. Ngunit mas malimit na kulay puti ang pinipili niya para iabot sa babae kapag naglalakad-lakad sila sa palibot ng munting bayan.

O kapag naghahapunan sila.

Ngunit tila lalong nababalisa ang babae. Tumitindi ang tensiyon na dinadala nito sa dibdib.

Nahahawa tuloy siya.

Pakiramdam niya, palagi siyang parating parang sasabog. Hindi niya alam kung saan pa siya kumukuha ng pagtitimpi at pagpipigil ngunit isipin pa lang niya na magiging sigurado na ang pag-angkin niya kay Leona nang habambuhay ay nanlalambot na siya!

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

“Mr. Barrientos, nagagalak akong sabihin sa iyo na maaari nang ilabas sa ospital na ito ang bata. I strongly recommend a health farm for the child, as you do. Nakahanda na ang mga papers para maging madali ang lahat.” Ito ang sinabi ng duktor sa kanya kanina matapos niyang susugin ito tungkol sa sinabi ng pasyente na lalabas na ng ospital.

Dapat ba siyang matuwa? tanong ni Ruan sa sarili. Of course! bulalas ng munting tinig sa likod ng utak.

Masigla siya nang gabing iyon. Naka-plano na sa loob ng isip niya ang mga gagawin at sasabihin kay Leona. Uulitin niya ang marriage proposal niya para dito.

Naligo siya at nagbihis. Nagpabango. Nagsuklay nang paulit-ulit. Hanggang sa mahalata niya ang sarili na ninenerbiyos.

Sa tanang buhay ni Ruan, ngayon lang siya nakaramdam ng nerbiyos. Itinuturing niyang ang mga babae ang pinaka-espesyalidad niya. Alam niya ang liko ng utak ng mga babae. Kabisado niya ang mga gusto at disgusto ng mga ito.

Ngunit iba sa lahat ng mga babae si Leona, alyas Lionessa. Ito lang ang babaeng nang-iwan sa kanya. Ito lang ang babaeng nagpakita ng buong kahulugan ng pag-ibig…

At alam ni Ruan na tagilid ang lagay niya kay Leona, o Lionessa. Wala na siyang nababakas na dating palatandaan na umiibig pa ito sa kanya.

Habang tumatagal, nawawalan ng importansiya ang natuklasan niyang paggamit nito sa apelyido niya.

Nahinuha na niyang tulak lang ng desperasyon para maligtas sa kahihiyan ang ginawang pagpapanggap na ginang niya si Leona.

Pumiksi si Ruan. Tumalikod siya sa kanyang repleksiyon. Nagseselos siya sa isang bata! Kapag ngumingiti si Leona sa anak nito, bumubukal ang mapait na panibugho sa kanyang kalooban. Lalo na kapag yumayapos at humahalik ang babae sa paslit.

Halos mapaungol na siya sa sakit na nadarama!

Kumabog na naman nang malakas ang kanyang dibdib. Nerbiyos.

Ano ang gagawin niya kung tumanggi sa alok niya si Leona? ukilkil uli ng munting tinig sa loob ng utak niya. Magagawa ba niyang puwersahin ito?

Sumulyap siya sa suot niyang relo. Napilitan siyang lumabas na ng kanyang silid upang pumunta sa kuwarto ni Leona.

Hindi siya duwag! ang mariing bulong niya sa sarili bago siya kumatok nang malumanay sa pinto ni Leona.

Napapitlag siya nang maulinigan ang mga katok ni Ruan. Alam niya kung sino ang nasa labas. Nakabisa na niya ang paraan ng pagkatok nito. Ilang libong beses na ba niyang napanaginipan na kumakatok ito sa pinto niya at pinagbubuksan naman niya?

Nilunok niya ang anumang pangamba at pag-aalinlangan habang papalapit siya sa pinto para buksan iyon.

Napatulala siya nang bumuglaw sa harapan niya ang makisig na kabuuan ng lalaki. Para bang ngayon lang uli niya nakita si Ruan…!

Paano’y hindi na nito ikinubli ang masidhing pagkasabik at pagnanasa nito para sa kanya! Kaya parang nanibago siya. Hinahagod pa lang siya ng maalab na paningin nito ay nadadarang na siya.

“Ready?” ang maamong tanong ni Ruan. Masuyo ang ngiting nakasilay sa matitiim na labi.

Wala siyang nagawa kundi ang tumango habang nakatitig pa rin sa simpatikong mukha ng kaharap.

Dumaan muna sila sa ospital upang tiyakin na nagpapahinga na si Junior. Hindi sila nagtagal sa kuwarto nito dahil nahihimbing na ang bata.

“Nagrekomenda ng isang restawran si Dr. Islerio,” pahayag ng lalaki sa kanya habang nagmamaneho ito patungo sa highway. “Dalawang kilometro lang daw ang layo mula sa bukana ng highway.”

Hindi kumibo si Leona. Ngumiti lang siya nang tipid at kimi. Habang paulit-ulit siyang napapasulyap sa dako ni Ruan, napupuna niya ang mamahaling linya ng isang disenyong kasuotan.

Hindi niya maiwasang ikumpara ang kanyang bestida na naka-tatlong taon na sa posesyon niya. Wala siyang hangad na magkaroon ng bagong damit para bumagay siya kay Ruan.

Napapansin lang niya ang mga ganitong bagay para maipaalala ang magkaibang mundo nila ni Ruan Barrientos.

Para hindi siya umasa na magkakaroon sila ng isang magandang wakas…!

Nakarating sila sa isang mababang istruktura. Parang bahay kubo lang na residensiyal ang panlabas na anyo, kundi sa mga kotseng nakaparada sa harapan nito.

“May reserbasyon na ako,” ani Ruan habang inaalalayan siyang paibis. “Ipinaalala sa akin ni doc.”

Tumango lang si Leona. Habang papasok sila sa loob, matapos yukuran ng isang weyter na nakatayo sa may pagpasok ng pinto, gumagala ang paningin niya sa mga kustomer na nangakaupo sa sari-sariling mesa na hugis bilog.

Nakita niyang ang mga mata ng mga kababaihan ay nakatutok sa lalaking matangkad na kasabay niyang lumalakad patungo sa pinakasulok na mesa.

“Pinili ko ang lugar na ito para may privacy tayo,” wika ni Ruan habang hinihila ang silyang uupuan niya. “Mahalaga ang pag-uusapan natin,” dagdag pa.

Hindi kumibo si Leona. Kahit siguro tutukan siya ng baril para lang magsalita siya ng kahit na ano ngayon, hindi niya magagawa. Daig pa niya ang nakalunok ng bato at bumara sa kanyang lalamunan!

Narinig niya ang pagbubuntong-hininga nito kaya napasulyap siya sa lalaki. Napansin niya ang pagtibok ng munting pulso sa kaliwang panga nito. Alam niyang iyon ang barometro sa pagtitimpi ni Ruan.

TO MARRY HIS MISTRESS-17

Comments are closed.