To Marry His Mistress-17

Palagi niyang nakikita iyon kapag nagpipigil ng anumang emosyon noon…

Sinikap niyang ipunin ang kanyang sarili upang hindi maubos ang kontrol ng lalaki.

“Uh, ano ang specialty nila rito?” tanong niya bilang pagtatangka na kalmahin ang atmospera sa mesa nila. “Ngayon lang ako nakarating dito.”

Nakagat niya ang ibabang labi nang maalalang gayundin si Ruan. Ito ang estranghero sa lugar niya.

“Nabanggit ni Dr. Islerio na masarap ang lahat ng putaheng manok dito. Mamili ka kung ibig mo ng inihaw, pinirito, o may sabaw,” pahayag ni Ruan sa kaswal na tono. “Inirekomenda niya ang roasted chicken with plain rice and achara. Gusto mo bang subukan natin?”

Nakalma si Lionessa nang mapagtantong nagbalik na ang kontrol ni Ruan. Tumango siya at nagpilit na ngumiti.

“S-sige, pero huwag masyadong marami ang serving ko. Baka hindi ko maubos, sayang ang pagkain,” pahabol niya.

Sinipat siya ng lalaki. Para bang sinukat ang kanyang dibdib at balikat, kaya namula nang husto ang mga pisngi ni Leona.

“You need to eat more, Leona. Masyado ka nang pumapayat,” paalala nito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Nag-iwas ng tingin si Leona habang tumatango.

“Pipilitin ko, Ruan. Masyado kasi akong nag-aalala kay Junior,” pagdadahilan niya.

“Ligtas na siya,” paalala ng lalaki. “Ialis mo na sa isip mo ang pag-aalala.”

Pinilit niyang tumalima sa gusto ng lalaki. Hindi naman naging mahirap dahil napakasarap nga pala talaga ng pagkain na inihatid sa harapan nila. Hindi niya namalayan na naubos na niya ang inilagay ni Ruan sa pinggan niya.

“Gusto mo ng dessert?” tanong ng lalaki habang nakangiti sa panonood sa kanya.

Umiling si Lionessa habang napapangiti ng pasasalamat.

“Busug na busog na ako, Ruan. Salamat sa masarap na hapunan.”

Ngumiti uli ang lalaki. Tila nasiyahan sa sinabi niya. “Kung gayon, maaari na akong mag-umpisa?”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Leona. Hinintay niya ang paninikip ng lalamunan at ang pagsikdo ng dibdib na karaniwan niyang nadarama kapag ganito na ang tono at ang pagtitig ng lalaki sa kanya.

Ngunit nanatiling kalmado ang presyon ng kanyang dugo. Para bang inaasahan na niyang mangyayari ang eksenang ito…

Inaring pagsang-ayon ang kanyang katahimikan, kaya nagpatuloy si Ruan.

“Bago ko sabihin ang nais ko, gusto ko namang malaman kung ano ang naiisip mong kabayaran na hihingin sa iyo, Leona.”

Wala siyang maisagot. Umiiwas siya ng tingin ngunit sinapo ng isang kamay ang kanyang baba para iharap siya sa may-ari. Naghinang ang kanilang mga mata ni Ruan.

A, nakakalunod talagang tumitig sa lalaking ito! bulong niya sa sariling nais nang bumigay sa panghihina at panlalambot.

“Leona?” untag ng lalaki, paanas. Para bang sila lang ang mga tao sa lugar na iyon habang bihag siya ng mga matang mapanrahuyo.

“A-ako,” bulong niya. Halos hindi makilala ang boses na medyo paos at basag. “Ako ang kabayaran, hindi ba?”

Saglit na natigilan ang lalaki. Pamaya-maya, marahan itong tumango.

“Ikaw nga, Leona. Ang lahat-lahat mo ang gusto kong ibayad mo sa akin,” pahayag ng lalaki. Mababa pa rin at mahina ang tinig.

“Ngunit hindi kita sisingilin niyan kung labag sa kalooban mo, Leona. Gusto kong bukal sa loob mo ang pagbibigay mo ng iyong sarili sa akin. Gusto kong walang halong anumang pilit ang pagpunta mo sa akin,” dugtong pa.

Tinangka niyang ilayo ang kanyang mukha sa lalaki ngunit hawak pa rin ng mahahabang daliri ang kanyang mga pisngi.

Ibig niyang lumayo dahil gusto niyang umiling at magsalita.

“R-ruan, sasama ako sa iyo, kahit na saan — nang hindi napipilitan o napupuwersa,” bulong niya.

Parang natulala sandali ang lalaki. “T-tutoo ba ang sinasabi mo, Leona?”

Tumango siya. Nakatutok na ang buong konsentrasyon niya sa lalaking may kakayahang magbigay ng init sa kanyang nanlalamig na kalooban.

Nang mga sandaling iyon, naipasiya niyang mas gusto pa niyang mawasak na muli kung ang kapalit ay ang maramdamang muli ang alab ng buhay…!

Muntik nang mahulog sa silyang kinauupuan si Ruan nang marinig ang pagpayag ni Leona.

Nais sana niyang marinig din ang damdamin nito para sa kanya ngunit ayaw niyang maging gahaman. Isa-isa lang, paalala niya sa nasasabik na sarili.

Habang pilit niyang nilulunok ang mga emosyon na ibig nang humulagpos at umalpas, dinukot niya sa bulsa ang kahita ng singsing na matagal na niyang binili.

“A-ano ito?” tanong ni Leona nang makita ang kahitang kulay pula. Itinulak ng mga daliri ni Ruan ang naturang sisidlan hanggang sa mapapunta na sa harapan nito.

Ilang sandali munang nanatili sa ibabaw ng mesa ang kahita bago dinampot ng nanginginig na mga kamay ng babae.

Pinanood niya ang ekspresyon ni Leona binubuksan ang lalagyan ng singsing.

Nakita niya kung paano bahagyang namilog at nanlaki ang mga mata ng babae sa kumikindat na batong mamahalin.

Nakipaglaro sa liwanag ng ilaw ang maraming kulay ng kilatis na nakalambong sa butil ng diamante na may perpektong tapyas.

Ngunit hindi doon nakatutok ang paningin ni Ruan. Para sa kanya, ang mga matang nangingislap sa tuwa ang mas magandang tingnan.

“Nagustuhan mo ba?” tanong niya nang matagal ang pagtitig ni Leona sa munting alahas.

Kinuha niya ang singsing upang isuot sa daliri ni Leona.

“P-para saan ito, Ruan?”

Hindi agad nakatugon si Ruan. Ano ba ang sasabihin niyang dahilan kung bakit binibigyan niya ito ng engagement ring?

“Nobya na kita, hindi ba? Gusto kong bigyan ka nito bilang pasasalamat sa pagtanggap mo sa akin,” pahayag niya nang makabawi ng sarili.

Gustong sipain ni Ruan ang sarili nang makitang nagkaroon ng lamlam ang ekpresyon ng babae.

Mali ang naisagot niya! panenermon niya sa sarili.

“Gusto kong masiyahan ka,” dagdag niya para subuking mabawi ang kamalian.

Nanatiling blangko ang anyo ng babae. Tuluyan nang nagtago na naman ng sarili sa likod ng mga pader na di-nakikita.

Ikinubli ni Ruan ang pagngingitngit para sa sarili.

“May music band sa gawing likuran ng restawran.” Iniba niya ang usapan. “Gusto mong makinig ng musika bago tayo umuwi?” Nag-iisip pa siya ng isusunod na hakbang kaya tama na muna ang seryosong usapan sa ngayon.

Pumayag ang babae sa pag-aaya niya.

Napapayag din niya itong magsayaw sa saliw ng malamyos na tugtugin.

TO MARRY HIS MISTRESS-18

Comments are closed.