To Marry His Mistress-2

Dalawang araw na siyang nagtitiis sa tubig.

Ubos na ang naipon niyang pera.

“Nagpabili ako ng pancit canton at fried chicken kay Inday,” wika ni Ned sa kaswal na tono habang nakatingin sa kanya. “Sobra-sobra ang pagkain para sa isang tao. Puwede mo ba akong saluhan?”

Napakurap siya noon. Nanlaki ang mga mata ngunit hindi niya magawang tumanggi. Kahit na siguro ano ang hinging kabayaran ni Ned sa kanya noon — kaya niyang ibigay, basta malamnan lang ang kanyang sikmura!

Napaungol si Lionessa dahil sa umalon na pagkapahiya. Batam-bata pa siya noon…

Naglaho ang kanyang mga agam-agam nang pulos pagkukuwento lang ang ginawa ng lalaki habang pinapanood siya ng pagkain.

“Ano ba ang nalalaman mong gawin? I mean, mayroon ka bang talento — kahit na anong talento?” usisa ni Ned nang malaman ang tungkol sa problemang dinaranas niya sa paghahanap ng trabaho.

Puno ng pag-aalangan ang tugon niya. “M-marunong akong kumanta…”

Hindi agad nagpakita ng reaksiyon si Ned. “Sige nga, tingnan natin kung ano ang tipo ng boses mo,” anito habang isinasalang ang isang minus one tape sa casette player.

Pinakanta siya ni Ned. Tumango-tango ito at pakaswal na nagsalita.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

“Punta ka mamaya sa klab na ito. Nandoon ako pero huwag mong sasabihing may kakilala ka doon. Okey?” Ibinigay nito ang isang calling card.

Nagpunta nga siya sa klab. Suot niya ang isang bestida na iniregalo ni Mang Jun nung bertdey niya.

Tuwang-tuwa siya nang tanggapin ang naturang regalo dahil pandalaga na ang tabas at ang yari ngunit agad ring napalitan ng lumbay dahil nagtapat naman pagkatapos tungkol sa nalalapit na kasal sa kanyang ina.

Ayaw man niyang maalala ang dalawa, wala siyang magagawa dahil iyon lang ang matinong kasuotan na mayroon siya.

Pasimple siyang kinindatan ni Ned. Inihabilin nito sa kanya na ang malimit na ipasubok na awitin sa mga baguhan ay ang: Break It To Me Gently ni Angele Boffil.

Mabuti na lang paborito ni Leona ang ang kantang iyon. Hindi na siya kailangang maghagilap ng songhits para magkabisa. Inatupag na lang niya ang pag-aayos ng sarili at ang pagpapahinga. Plano niyang pumasok na hostes kung hindi siya pupuwedeng maging singer.

A, ganoon na siya ka-desperado!

Inakala niyang suwerte siya nang tanggapin siya ng manedyer. Wala siyang kamalay-malay na may kinalaman ang bahagyang pagtango ng isang lalaking nakakubli sa likod ng malalaking halaman habang nanonood sa kanya — ang naging kapalaran niya nang gabing iyon.

Huli na nang maikuwento sa kanya ni Ned ang tungkol sa lalaking napuna nitong nakamasid kay Leona habang umaawit sa saliw ng musika ng piano. Isang matangkad na lalaki daw sumenyas sa manedyer para tanggapin siya agad.

Buung-buo pa naman ang pagtitiwala niya na mayroon nga siyang talento noon sa pag-awit.

Iyon pala ay…

May kumatok sa pinto kaya nagulantang siya at biglang nahinto ang pagbabalik-tanaw.

“H-huh! Sino ‘yan?” tawag niya habang sumusulyap sa orasang pandingding.

Kabisado niya ang oras ng pag-uwi nila ni Ned, pati ang pagtatapos ng numero nito sa entablado. Hindi pa ang kaibigan ang nasa labas ng kuwartong ito.

Dali-dali niyang nilapitan ang pinto upang tiyakin na naka-lock ang seradura bago niya dinampot ang hanger na pinagsabitan ng sweatshirt at maong na pantalong suot niya patungo sa klab.

Nakabihis na siya nang muling maulit ang pagkatok. Mas malakas at mas madalas. Para bang naiinip na ang nasa labas.

Naisip niyang baka ang manedyer ang ibig makipag-usap sa kanya. Gusto tuloy niyang pagtawanan ang kanyang sarili sa pagiging paranoid magmula nang magbalik sa pagkanta sa klab!

“Sino ‘yan?” tanong niya ulit habang nakadikit ang teynga sa dahon ng pinto.

Saglit na katahimikan ang tumugon sa kanya bago nasundan ng tinig ng isang lalaki.

“Leona, alam kong nandiyan ka. Buksan mo ang pinto,” utos ng isang pamilyar na boses-lalaki. “O gigibain ko ito!”

Napalunok si Lionessa. Isang tao lang ang tumatawag sa kanya ng Leona, maliban sa kanyang ina.

“S-sino ka?” Pikit-mata niyang hinintay ang sagot habang nakasandig ang buong bigat sa pinto.

“Ako si Ruan, Leona. Buksan mo ang pinto,” ulit nito, pautos pa rin.

Diyos ko! usal niya sa kanyang sarili habang nag-iipon ng kontrol. Bigyan N’yo po ako ng kaunting lakas…

Naglakas-loob lang siyang buksan ang pinto nang mabawasan na ang panginginig niya. Nagawa na kasi niyang ilutang ang pagkasuklam at ilibing na muli ang iba pang emosyon na nakaukol sa lalaki.

Blangko ang maskarang suot niya nang harapin ang lalaking hindi na inasahang makikita pang muli.

“Leona! It’s true you’re here!” Biglang nabura ang madilim na ekspresyon ng lalaki pagkakita sa dalaga.

At kung hindi maagap na nakaatras si Leona, muntik na siyang mabihag ng mga bisig na nagtangkang yumakap sa kanya.

“Ano ang kailangan mo?” May bahagyang nginig lang ang kalmadong tinig ni Leona.

Kumunot ang noo ni Ruan. Tila hindi nagustuhan ang kawalan niya ng reaksiyon o pagkasabik — na hindi katulad nang dati…

“Akala ko, hindi na tayo magkikita uli,” patuloy ng lalaki. Nakangiti na uli kahit patuloy na nakatitig ang mga mata nito sa mukha niya.

Sinipat rin ang kanyang kabuuan. “It’s been eight years,” dugtong pa ng malalim na boses.

Tumango lang si Lionessa. Ngumiti nang tipid at pormal. Buo na ang tiwala niya sa kanyang sarili dahil unti-unti na niyang napapagtanto na wala na ang malakas na epekto ng lalaki sa kanya.

Hindi na kumakabog ang dibdib niya. Hindi na nanginginig ang tuhod niya. Hindi na rin nag-iinit at nanlalamig ang buong katawan niya…

“Leona, you’re more beautiful than ever,” bulong ni Ruan. Medyo paos at may kaunting nginig sa tinig.

Sinagilahan ng pagkatuwa ang dibdib ni Lionessa nang makitang interesado pa din ito sa kanya.

Sa isang sulok ng kanyang isipan, importante ang natuklasan niyang ito. Puwede niyang gamitin ang nadaramang atraksiyon ni Ruan para sa ikabubuti ng—

Inihinto niya ang pangangarap ng gising. Dapat niyang tandaan na isang matalino at tusong lalaki si Ruan. Hindi magiging madali ang binabalak niyang imanipula ito para sa misyon niya.

“Thank you,” sambit sa pilit na kaswal na tono.

“And as silent and mysterious as ever,” dagdag pa ni Ruan habang hinahagod ng maalab na tingin ang kanyang mga labing nakatikom.

TO MARRY HIS MISTRESS-3

Comments are closed.