To Marry His Mistress-20

Maghapon siyang nag-isip kung ano ang nangyari ngunit umikot na ang kanyang utak sa kaiisip ay hindi niya natagpuan ang sagot.

Kaya maaga siyang nagsabing magpapahinga dahil sumakit ang ulo niya.

Lalo pang nadagdagan ang hindi magandang kutob ni Leona nang tawagan ni Ruan si Ned. Natuklasan niya nang mabanggit ng huli ang bagay na iyon, nang tumawag ito sa kanya para mangumusta.

“Siyanga pala, tinawagan ako ni Ruan mo, Ness,” wika ng tinig ni Ned.

Kumabog ang dibdib niya. “B-bakit daw?”

“Nag-iimbestiga siya, Ness,” pagtatapat ni Ned. Nawala na ang himig-nanunudyo nito nang mabakas ang pagkabigla sa tono niya. “Mayroon siyang ibig malaman. Kaya kung ako sa iyo, ipagtapat mo na sa kanya ang lahat ng mga nangyari sa ‘yo,” payo pa nito.

Umiling nang umiling si Leona. Isipin pa lang ang magiging reaksiyon ni Ruan kapag nagtapat siya, gusto na niyang mamatay!

“No!” bulalas niya, pabulong. Sinikil niya ang kanyang mga emosyon. “A-ano ang sinabi mo sa kanya, Ned?”

Bumuntong-hininga ang kausap niya sa kabilang linya. “Ano ba ang puwede kong sabihin? Ni wala nga akong nalalaman, Ness. Masyado kang malihim — kahit na sa isang kaibigan na umaasang pinagkakatiwalaan mo,” pahayag ni Ned. Bumahid ang matinding pagtatampo sa tonog nito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Ramdam na ramdam ni Lionessa ang pagdaramdam ng kaibigan. “N-ned, hindi tutoong wala kang nalalaman. Alam mong hindi ko anak si Junior, hindi ba? Ikaw lang at ang aking mga magulang ang nakakaalam niyan.”

Muli, bumuntong-hininga si Ned. “Kapiraso lang iyon ng lihim mo, Ness. Marami kang hindi sinasabi. Bakit hindi mo tanggapin ang tulong ng isang kaibigan? Oo, wala nga akong gaanong maitutulong. Pero makakagaan naman sa iyo ang mailabas ang mga nasasaloob mo, Ness.” Ito naman ang nakikiusap sa kanya.

“Nag-aalala na ako sa iyo, Ness. Hindi ka na ang dating Lionessa Montes na bininyagan ko ng ganyang pangalan dahil matapang at palaban. Anino ka na lang niya, Ness.”

Namasa ang mga mata niya. “Tutoo ang mga sinasabi mo, Ned. Anino na lang niya ako. “T-tanggapin na lang natin na — na nagbago na siya at hindi na makakabalik pa uli!”

Sandaling katahimikan ang tumugon sa kanyang pag-amin. Pamaya-maya, muli niyang narinig ang boses ni Ned. Nang-aalo na.

“Gusto mo bang magpunta ako diyan para may makaramay ka?”

Umiling si Lionessa. “H-huwag na, Ned. Sapat na sa akin ang makausap ka, kahit na sandali lang. Hanggang sa muli, baka malaki na ang babayaran mo sa telepono. Bye.”

Dumudukot siya ng panyolito sa bulsa ng suot niyang pantalong maong nang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa sa opisina ng administrador ng ospital na katulad nang inaakala niya.

Dahan-dahan siyang luminga sa gawing pintuan.

Nandoon si Ruan. Nang-uusig ang mga matang nakatutok sa kanya.

“R-ruan,” bulong niya, nanlalaki ang mga mata niya. Hindi makapaniwalang tutoo ang nakikita niya. “K-kanina ka pa ba diyan?”

Marahang tumango ang lalaki. Seryoso ang anyo nito habang humahakbang palapit sa kanya.

“Why, Leona? Bakit hindi mo magawang sabihin sa akin ang katotohanan?” tanong nito, pabulong din.

Tinangka niyang mag-iwas ng tingin ngunit ayaw siyang payagan ng mga matang may magneto.

“N-natatakot ako, Ruan,” pagtatapat niya. “Hindi ako handang tanggapin ang — ang pandidiri mo sa akin!”

At tuluyan na siyang napahagulgol nang iyak.

Naramdaman niyang inakbayan siya ng isang matipunong bisig upang ibigay ang suporta ng malapad na dibdib ngunit tumanggi siya. Ayaw niyang mahirati sa proteksiyong iniaalay ng lalaki, lalo’t mawawala lang uli sa kanya iyon.

Palugmok na naupo si Leona sa mababang upuan na nasulyapan habang umiiwas tumingin nang diretso sa lalaki.

“Huwag mo na akong pangunahan, Leona,” sambit ng lalaki sa masuyong tono. “Bakit hindi mo ako bigyan ng pagkakataong unawain ka?”

Umiling lang nang umiling si Leona. “Hindi,” ungol niya. “Ayoko…”

Iyon ang huling katagang humulagpos sa kanyang nananakit na lalamunan bago siya nawalan ng malay-tao.

Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa isa sa mga kama sa ospital.

Naghihintay si Ruan sa pagbabalik ng ulirat niya. Nakaupo ito sa silyang nasa labi ng kinahihigaan niya.

Gagap nang mahigpit ang isang palad niya habang nakatunghay sa maputlang mukha niya.

“Nagkakamalay na siya.” pahayag nito sa mga kasama na hindi pa niya nakikita.

Gumala ang paningin ni Lionessa upang makita ang kinausap ni Ruan. Gayon na lang ang pagkabigla niya nang mamataan ang kanyang ina at si Mang Jun.

Bumuka ang bibig niya ngunit walang numulas na kataga. Nawala na yata nang tuluyan ang boses niya.

“Nessa? Nadito sina Mama Connie. Nakabalik na sila mula sa probinsiya. Kumusta ka na?” Pinakinggan ng nars na si Violy ang pagpintig ng kanyang dibdib sa pamamagitan ng stethoscope. “Over-fatigued ka na. Kailangan mo ng ibayong pahinga.”

“Salamat. Violy,” wika niya sa kapitbahay na naging malaking tulong sa pagpapalaki sa isang batang sakitin na katulad ni Junior.

Saka lang lumapit ang kanyang ina at ang madrasta nang lumabas ng silid si Violy.

“Kumusta na ang pakiramdam mo, anak?” May bahid ng paghingi ng tawad sa nagsusumamong tinig at anyo nito.

Hindi pa man, nagsisikip na naman ang dibdib ni Leona. Alam niyang nagtapat na ito ng tutoo kay Ruan. Alam niya!

Gayunpaman, wala siyang karapatang magpakita ng masama sa kanyang ina. Pinilit niya ang ngumiti at magsalita.

“M-mabuti na po, Inay,” bulong niya. Nangusap ang kanyang mga mata ngunit pinili ng kanyang ina ang sumulyap sa dako ni Ruan. Para bang mayroong ipinakikiusap sa pamamagitan ng paningin.

Tumindig si Ruan. “Kararating lang nina Inay mula sa mababang pagbibiyahe, pagpahingahin na muna natin sila, Leona,” wika nito habang nakatingin sa kanya.

Umiwas pa rin si Leona. Mas ginusto pa niyang tumingin kay Mang Jun. Hindi na niya ito nakasanayang tawaging Tiyo o Papa ngunit nagkaroon na sila ng paggalang sa isa’t isa na maihahalintulad sa magkaibigang matalik. Parang silang dalawa ni Ned.

Seryoso ang mukha ni Mang Jun habang nakatingin din sa kanya. Hindi niya mabasa ang ekpresyon nito ngunit sapat nang makita niyang blangko ang anyo ng amain para mahulaan niyang mayroon siyang hindi magugustuhan sa mga susunod na mangyayari.

Nang mapag-isa na sila ni Ruan, atsaka lang siya binitiwan nito.

TO MARRY HIS MISTRESS-21

Comments are closed.