To Marry His Mistress-21

Nagpapalakad-lakad sa gitna ng silid upang mag-isip ng sasabihin bilang pang-umpisa.

“Leona,” sambit ni Ruan. “Alam ko na ang lahat ng mga nangyari sa iyo, sa loob ng walong taong nagdaan.”

Napapikit si Lionessa. Ibinaling niya ang mukha sa dingding upang magtago sa lalaki. Hindi rin siya halos humihinga habang naghihintay ng susunod na sasabihin.

At nandidiri ako sa iyo nang labis, Leona. Ikinalulungkot ko, ngunit ayaw na kitang makita pang muli!

Kinagat niya ang ibabang labi nang umalingawngaw ang mga katagang ito sa loob ng utak niya.

Ang iniluhog kong pagpapakasal sa iyo ay isa nang kabaliwan kung itutuloy ko pa, Leona. Ayaw kong malahian ng sira ulo ang magandang pangalan ng pamilya ko!

Isang impit na hikbi ang nakakawala sa itinikom na bibig. Parang pinipiga ang kanyang kalooban habang patuloy sa paggawa ng masasakit na pangitain ang kanyang imahinasyon.

“Leona.”

“Huwag mo nang ituloy ang sasabihin mo, please!” pakiusap niya habang nakapikit. “A-alam mo na ang lahat…”

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Hinawakan siya ni Ruan sa isang balikat upang iharap siya nang buong pag-iingat.

“Leona? Ano ba ang sinasabi mo? Bakit hindi mo muna ako pakinggan?”

Dumaloy ang masaganang luha sa pagitan ng kanyang mga pilikmata. Pinigil niya ang paghagulgol niya ngunit mahirap impitin ang malalakas na hikbi na halos padaing ang tunog.

Tuluyan na siyang niyapos ng matitipunong bisig upang ilapit nang husto sa malapad na dibdib.

Nasamyo niya ang natural na bangong panlalaki. Parang pampakalma ang naging epekto nito sa kanya. Nabawasan hanggang sa mapawi ang paghihirap ng kalooban.

Hinagod niya sa ulo at likod ng isang kamay ni Ruan hanggang sa mawala na ang panginginig ng katawan niya.

“Okay ka na?” anas ni Ruan habang hinahagkan ang tagiliran ng noo niya.

Hindi pa rin siya makatingin nang diretso dito kahit na wala naman siyang makapang pandidiri o pagkamuhi sa mga kilos ni Ruan.

“Sweetheart, look at me, please?” pakiusap ng lalaki sa masuyong tono.

Sweetheart…

Kusang umangat ang mga mata niya.

Napakurap siya nang mabakas ang nakakadarang na liwanag sa likod ng mga matang dating madilim at malalim.

“T-tinawag mo ako’ng sweetheart?” Hindi siya makapaniwala. Ngayon lang niya naramdaman ang init at lambing na kalakip ng endearment.

Napangiti ang lalaki. Tila parang napapahiya.

“Because I love you very much,” pahayag ni Ruan. “Oh, Leona, mapatawad mo kaya ako sa pagwawalambahala ko sa iyo noon? Ako ang may kasalanan ng lahat ng mga naging paghihirap mo!”

Napalitan ng paghihinagpis ang bahagyang ngiti ni Ruan.

“W-wala kang kasalanan — ” umpisa niya ngunit umiling ang lalaki.

“Ako ang may kasalanan. Sinamantala ko ang ka-inosentihan mo noon. Binalewala ko ang damdamin mo, gayong alam kong hindi ka sanay mamuhay sa mundo ko noon.”

“Ruan — ”

“Pabayaan mo akong mangumpisal, mahal ko. I need to confess my sins…”

“Ako ang dapat mangumpisal, Ruan,” bawi niya. “M-marami akong itinatago sa iyo.”

“Hindi na ngayon,” salo ni Ruan. Hinagkan ang dulo ng kanyang ilong. “At lalong hindi na natin dapat pag-usapan pa, mahal ko.”

“N-ngunit — ”

Idinaiti ni Ruan ang mainit na bibig sa kanyang mga labi upang hindi na niya maituloy ang anumang sasabihin niya.

Agad niyang nalimutan ang ibig sambitin nang dumaloy ang sari-saring sensasyon na hatid ng maalab na halik sa kanyang kabuuan.

Naghahabol ng hininga si Ruan nang mag-angat ng mukha. Naghinang naman ang kanilang mga mata.

“Mahal na mahal kita, Leona. Hinding-hindi na kita pawawalan sa aking paningin. At lalong hindi ako titigil ng panliligaw para pumayag kang magpakasal sa akin,” pangako nito habang humihigpit pa lalo ang pagkakayapos sa kanya.

“Oh, Ruan! Talaga bamg hindi ka narurumihan sa akin — sa akin naging pagkakasakit sa ut — ”

Muli siyang sinambitla ng lalaki. Muling siniil ng halik ang kanyang mga labing ibig pang magpalawig ng mga usaping dapat nang isara at ibaon sa kahapon.

“Una at huling beses kong sasabihin ito, Leona,” anas ng lalaki sa matatag na tono. Ilang pulgada lang ang layo ng kanilang mga mata sa isa’t isa.

“Hindi ka nagkaroon ng sakit sa utak. You had a nervous breakdown dahil nagkaroon ka ng matinding trauma sa paghihiwalay natin noon,” pagkatapos ni Ruan.

Napatitig si Leonasa kaharap. Inarok niya ang katapatan nito.

“R-ruan?” umpisa niya, hesitante ang tono. “Nalaman mo rin ba ang tungkol sa naging anak natin?”

Bumadha ang pagtataka sa mukha ng lalaki. Bahagyang napakunot ang noo. “Hindi ba’t hindi mo anak si Junior?” ganting tanong nito.

Nanlamig ang buong katawan ni Leona. Diyos ko! Nanginig na naman siya.

“R-ruan, may ipagtatapat ako sa iyo… m-may anak tayo ngunit n-namatay siya k-kaya napunta ako napunta sa ospital ng mga baliw…! N-namatay siya dahil pinabayaan ko siya!”

“My God!” bulalas ni Ruan. Namutla nang husto ang mukha ng lalaki habang nakatitig sa kanya.

“My God!” ulit nito habang unti-unting lumuluwag ang pagkakayapos sa kanya.

Ito ang inaasahan niyang magiging reaksiyon ni Ruan. Pinilit niyang panatiliing nakamulat ang kanyang mga mata upang mapagkit sa kanyang isipan ang huling larawan ng lalaking iibigin habang buhay — bago man lang ito mawala uli sa kanya…

Patakbong lumabas si Ruan sa kuwarto ni Leona. Hindi na niya kayang humarap sa babaeng sinaktan at winasak ng pagkamakasarili noon.

Wala siyang karapatang humingi ng puwang sa buhay na muling binuo ni Leona sa pamamagitan ng likas na katatagan.

A, wala siyang kwentang tao! bulyaw ni Ruan sa sarili.

Nasalubong niya ang madarasto ni Leona ngunit hindi niya ito nabigyan ng pansin. Parang ibig niyang magpakalayu-layo sa mga taong ito na marunong magmahal sa kapwa at may silbi sa lipunan.

Ano ba siya? Sino ba siya? Isang lang lalaking mayroong maraming pera kaya nag-akalang puwede nang mamuhay-hari nang walang pasintabi sa emosyon at damdamin ng ibang tao!

“Iho?” Tinawag siya ng may edad na lalaki ngunit nagkunwari siyang walang naririnig. Tuloy-tuloy siyang luamakad palabas ng ospital. Humantong siya sa hardin. Hindi niya napunang patungo pala sa likuran ang koridor na binagtas niya.

“Ruan?” tawag uli sa kanya ng pangalawang ama ni Leona.

Sinampal siya ng malamig na simoy ng hangin sa labas kaya para siyang nahimasmasan nang kaunti. Huminto siya at humarap sa lalaking nakasunod sa kanya.

TO MARRY HIS MISTRESS-22

Comments are closed.