To Marry His Mistress-22

“Ano ‘yon?” tanong ni Ruan sa mababang tono.

“Hindi ko alam kung makakatulong ang ikukuwento ko sa iyo, Ruan. Pero pakinggan mo na lang para malaman natin,” pahayag ni Mang Jun habang inaaya siyang maupo sa isa sa mga bench na bato.

“May kinalaman ito sa simula ng emosyonal na kalbaryo ni Leona,” patuloy nito.

Napukaw ang interes ni Ruan kahit na laban sa kanyang kalooban.

“Hindi ko sasabihing wala akong pagkakamali noon o kaunti lang ang papel ko sa mga naging pangyayari sa buhay ni Leona. Nagbulag-bulagan ako sa pag-ibig tuta na iniukol niya sa akin dahil nakatuon ang pansin ko sa paghahanap ng paraan kung paano mapapalapit kay Connie, ang ina ni Leona.”

Naglabas ng sigarilyo ang may edad na lalaki. Inalok siya ngunit tumanggi si Ruan kaya ito lang ang nagsindi.

“Naglayas siya nang mapagtanto na wala sa kanya ang atensiyon ko. Alam mo na marahil kung saan siya napadpad.”

Tumango si Ruan. Gumagapang na naman ang kilabot ng matinding pagkapahiya at pagkamuhing nakaukol sa sarili.

Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!

“Sa madaling salita, nagbalik uli sa amin si Leona pero ibang tao na siya. Palaging tulala. Walang ganang kumain. Hindi natutulog. Tinanong namin siya kung nasaan ang ama ng dinadala niya ngunit hindi naman kami sinasagot. Iyak lang nang iyak. Ayaw na raw sa kanya ng lalaking minahal nang lubos. Saan daw ba siya nagkulang, o sumobra?” Humitit nang ilang ulit ang nagsasalita bago nagpatuloy.

“Hanggang sa mawala ang bata. Limang buwan nang magsilang si Leona. Buto’t balat na halos. Akala nga namin ay susundan na niya ang pumanaw na anak ngunit ang kanyang katinuan lamang ang humulagpos.”

Tumitig nang matagal sa kanya si Mang Jun. “Si Leona ay kakaiba sa ibang tao dahil lubus-lubos siyang makaramdam ng kahit na anong emosyon. Masyadong malambot ang kanyang kalooban. Masyadong madaling magtiwala sa tao.”

Napayuko si Ruan. Napausal uli sa kanyang sarili. A sana’y mapatawad niya ang sarili.

Tumindig siya nang magtagal ang mabigat na katahimikan.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Mang Jun nang lumakad siyang palayo.

“Sa impiyerno ho,” tugon niya. “Doon ako nababagay!”

Pinaandar niya ang kanyang kotse at pinaharurot hanggang sa makalayo agad doon.

Akala ni Leona, katapusan na naman ng lahat ang pag-iwan ni Ruan sa kanya.

Ngunit mayroon na siyang isang Junior ngayon na puwede niyang gawing timbulan habang nagbibigay siya ng suporta at tulong dito. Ang pagmamahal nila sa isa’t isa ng batang itinuturing na anak ay nagsisilbing dahilan para malampasan niya ang bawat araw na hindi siya matutulala o mapapahagulgol nang iyak. Katulad nung una…

Dahil tapos na ang pangangailangang pinansiyal nila ni Junior, nagbalik sa talagang trabaho niya si Leona. Isa siyang guro sa ekslusibong paaralan para sa mga batang mayroong kapansanan.

Nung una siyang pumasok sa eskuwelahan, dala niya ang katauhang resulta ng suhestiyon ng kanyang psychiatrist — bilang si Mrs. Nessa Barrientos.

Lumabas sa eksaminasyon na masyado siyang nasaktan nang tanggihan siyang pakasalan ni Ruan matapos niyang bumiling dito. Sinadya niyang huwag magbanggit nang anumang tungkol sa pagdadalangtao niya.

Ibig niyang patunayan sa kanyang sarili na pakakasalan siya ni Ruan dahil sa pagmamahal at pagpapahalaga nito sa kanya ngunit hindi nga ganoon ang nangyari kaya nawala siya sa direksiyon…

Gumaling lang siya nang makumbinsi niya ang sarili na pinakasalan nga siya ni Ruan ngunit kailangan nilang mamuhay nang malayo sa isa’t isa dahil… dahil kailangan.

Ganoon siya kababaw.

“Good morning, ma’am!” bati ng tatlong batang pawang naka-wheel-chair. “Na-missed po namin kayo,” dagdag pa habang nakangiti nang buong giliw sa kanya.

Agad na napawi ang anumang agam-agam na nasa kalooban niya habang minamasdan ang mga munting anghel na labis ang pagtitiwala sa kanya.

“Good morning din sa inyo, kids! Naging mabuting bata ba kayo habang wala ang Ma’am Nessa?”

Sabay-sabay na nagsitango ang mga ito. “Kumusta po si Junior?”

“Nasa probinsiya na siya. Doon na muna siya magpapagaling,” tugon niya.

“E, di po ba probinsiya din itong lugar natin, ma’am?” usisa ng batang lalaki, si Mickey.

“Oo, pero hindi naman tagarito ang mga lola’t lolo ni Junior kaya mapapabayaan lang siya habang nagtuturo ako sa inyo. Gusto n’yo bang wala na naman ako palagi sa school?” Matiyaga siyang makipag-usap sa mga bata.

Sa mga ito siya nagbabayad ng mga naging pagkukulang niya sa kanyang nawalang anak.

Nag-isip ang dalawang kasama ni Mickey. “Kapag gumaling po ba si Junior, hindi na siya dito mag-aaral, Ma’am Nessa?” tanong ng batang babae, si Lucy.

“Bakit naman hindi siya dito mag-aaral?” sabad ng katabi nito, si Lara.

“E, kasi, nakakalakad na siya na katulad ng mga normal na bata. Naoperahan na kasi ang heart niya, e. Hindi katulad natin, habang buhay na lang tayong nakaupong ganito,” pakli ni Mickey.

Nasagi ang loob ni Leona. Napakabata pa ng kausap niya para maawa nang ganito katindi sa sarili…

“Mickey, naaawa ka ba sa sarili mo, anak?” ang malambing na tanong niya.

Wala silang maaaring gawin o sabihin sa mga paslit kundi ang magpakita ng ibayong pagmamahal sa mga ito kapag umaatake ang insekyuridad na kakambal na ng mga ganitong kapansanan.

“Hindi po, ma’am,” tanggi ni Mickey. Nagpupumilit na patapangin ang anyo. “K-kaya lang, naiinggit ako kay Junior,” pag-amin nito. Kaipala’y binabawi ang unang pagsisinungaling.

Bumuntong-hininga si Leona. “Si Junior man ay naiinggit din sa iyo, sa inyong lahat dito,” aniya.

Nanlaki ang mga mata ng tatlong bata.

“Bakit naman po?”

“Paano, kasama n’yo pa rin ako dito. Samantalang siya, malayo siya sa akin at sa inyo, na mga kaibigan niya.”

Madaling nakumbinsi ang tatlong estudyante. “Oo nga, ano?” ang bulong ng mga ito habang pinagugulong palayo ang kani-kanyang wheelchairs.

Sinundan niya ng tingin ang tatlo bago siya nagpatuloy sa pagpunta sa kanyang opisina. Marami siyang dapat asikasuhin bago humarap sa kanyang mga mag-aaral. Isa pa, hindi pa tapos ang term ng pumalit na guro sa kanya.

Pumasok lang siya agad dahil naiinip siya sa bahay.

Isang araw pa lamang nakakaalis si Junior, kasama ang mga magulang niya.

Isinubsob ni Leona ang sarili sa pagsusulat at pagbabasa. Hindi niya namalayan ang oras. Nang muli siyang tumingin sa relo, uwian na pala.

TO MARRY HIS MISTRESS-23

Comments are closed.