To Marry His Mistress-23

Dumaan siya sa principal’s office bago siya lumabas ng gate upang mag-report ngunit hindi pa raw nakakapasok dahil sa trangkaso.

Ngumiti siya sa sekretarya. “Tiyak na matatagalang makabalik si Sir. Mahina ang katawan n’un, hindi ba?” obserba niya habang tumitindig. Naghintay siya sa waiting room dahil may kausap ito sa telepono sa loob.

Tumango ang sekretarya. “Medyo. Nagpapakuha nga ng substitute, e. Importante ba ang sadya mo kay Sir?”

Umiling si Leona. “Hindi naman. Gusto ko lang ipakita ang mukha ko sa kanya. Baka kasi nakalimutan na niya ako, e,” pagbibiro niya.

Napatulala ang sekretarya sa kanya.

Ikinubli ni Leona ang di-mapigil na ngiti. Hindi na siya dapat magtaka kung bakit napatunganga si Miss Chona. Sanay ang mga kasama sa trabaho ng seryoso at hindi-palangiti o palabiro.

Magaling na nga ba siya? tanong niya sa sarili. Parang kaya na niyang tumayo ngayong mag-isa. Magaling na nga kaya siya?

Sana nga… para kay Junior, sana nga!

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Nasa ganitong estado ang kanyang isipin nang may humintong sasakyan sa tapat ng gate ng eskuwelahan. Hindi niya ito pansin dahil naglalakad lang siya. Malapit lang ang bahay na inuupahan niya. Kalapit niya sina Violy at ang iba pang mga kasama sa ospital, na nasa ibayo naman.

“Leona.”

Napahinto sa paghakbang si Leona. Malamyos ang tinig na sumambit sa kanyang pangalan. Parang bunga lang ng kanyang imahinasyon.

Napabilis ang mga hakbang niya. Inalihan ng pag-aalinlangan ang kanyang isipan. Hindi pa pala siya magaling! Bakit may mga naririnig pa siyang hindi niya dapat marinig?

“Leona, hintay.”

Muli siyang napahinto. Pinanlalamigan ang kanyang buong katawan. Ayaw niyang lumingon dahil ayaw niyang maniwala. Diyos ko, Diyos ko!

“Leona?”

Umikot ang paligid ni Leona. Ngunit pinaglabanan niya ang pagkaliyo. Dahan-dahan siyang luminga. Paano kung tutoo na pala–?

Nasa harapan niya si Ruan.

Hindi na kailangan ng marami pang salita. Saglit lang ang hesitasyon bago humakbang ang mga paa upang salubungin ang isa’t isa.

“Oh, Ruan! Nagbalik ka, nagbalik ka,” bulong niya habang nakayapos ang mga bisig sa matipunong balikat ng lalaki.

“Nagbalik ako, Leona, dahil hindi ko pala kayang mapalayo sa iyo. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka. Tanggapin mo kaya ang isang tulad kong walan kuwenta?” bulong ni Ruan habang nakasiksik ang mukha sa sugpungan ng leeg at balikat niya.

Bagama’t ganito ang malimit niyang sabihin noon tungkol kay Ruan, hindi siya naniniwala.

“Oh, Ruan, ikaw ang pinaka-importanteng tao para sa akin,” anas niya habang tinititigan ang kinasabikang mukha ng lalaki. “Ikaw ang kalahati ng buhay ko. Hindi ako makakatagpo ng kaligayahan kung wala sa piling mo. Iniibig kita, Ruan. Pinakaiibig kita!”

Naghinang ang kanilang mga labi ngunit sandali lang. “Baka makalimot ako, Leona. Huwag dito, mahal ko.”

Hindi na siya kailangan pang yayain ng lalaki para sumakay sa kotse nito. Masuyo ang mga sulyap nila sa isa’t isa habang binabaybay ng sasakyan ang kalsada, patungo sa bahay ni Leona.

“Nagpunta ako sa ospital. Itinuro ako ni Violy dito. Sinabi naman ng kasama mo sa kuwarto na nasa eskuwelahan ka, kaya nagpunta agad ako dito,” pagsasalaysay nito. “Papayag ka ba kung susundan natin sina Junior? Gusto kong maging pormal ang paghingi ng kamay mo sa mga Inay at Itay Jun.”

Hindi nakahuma si Leona. Parang nananaginip lang siya.

Tila nabasa ng lalaki ang naiisip niya. “Leona, hindi ka nananaginip. Gising tayong dalawa, mahal ko,” ang masuyong wika ni Ruan sa kanya.

Nang huminto ang kotse sa tapat mismo ng bahay na tinutuluyan, ginagap ng lalaki ang kanyang mga kamay na nanlalamig.

Pinigil ni Leona ang kanyang sarili ngunit kusang numulas ang mga katagang unang sumulpot sa ibaba ng kanyang isipan pagkakita kay Ruan.

“B-bakit mo ako iniwan nung magtapat ako sa iyo tungkol sa — sinapit ng anak natin?”

Matagal na na nakaimik si Ruan.

“K-kung ayaw mong sagutin iyan, mauunawaan ko, Ruan,” pahayag niya sa mababang tono.

“Gusto ko, Leona. N-nahihirapan lang akong mag-apuhap ng mga salita,” buntong-hininga ng lalaki. Tumitig ito nang matagal at malalim sa kanyang mga mata.

“Gusto kong parusahan ang sarili ko, Leona, kaya ako lumayo. Ngunit naisip kong mas magiging mahirap ang pagdurusa ko kung lalapit ako sa iyo at tatanggihan mo nang paulit-ulit.”

Napamaang si Leona. “H-hindi ka namuhi o nasuklam?”

“Paano ako masusuklam sa isang katulad mong dakila kung umibig? Nalulungkot ako sa sinapit ng ating anak. Sana ay binanggit mo siya sa akin noon… disinsana — ”

“Ayaw kong pakasalan mo ako nang dahil sa nabuntis mo ako,” pag-amin niya. “Sakim akong magmahal noon. Gusto ko’y ako lang ang papansinin mo,” dugtong pa niya.

Niyakap niya nang mahigpit si Ruan. “Nagpapasalamat ako at mabait pa rin sa mga tulad ko ang Diyos, Leona. Binigyan pa Niya ako ng isa pang pagkakataon.”

Sa ikalawang pagkakataon, napanood uli ni Leona ang talento ni Ruan sa pag-organisa ng mga bagay nang ayon sa gusto nito.

Matapos ang ma-emosyong tagpo nila sa loob ng kotse nito, at nakumbinsi niyang tunay at tutoo ang pagpapatawad at pagtanggap niya rito, unti-unting nanumbalik ang natural na pagka-aristokratiko ni Ruan.

Na mas gusto niya, dahil ang katangiang ito ni Ruan ang unang nakatawag ng kanyang pansin noon.

Lalaking-lalaki at tipong mapanganib…

“Ano ang nakakatawa, Mrs. Barrientos?” tudyo ng lalaking laman ng isipan.

Ibinulong niya dahil baka may makarinig na iba.

Napatawa ang lalaki. “Natutuwa ako at may nakikita ka nang nakakatawa sa paligid natin, mahal ko,” anito habang hinahapit siya ng isang braso nito. “Alam mo bang matagal-tagal na ang ipinaghihintay ko para masilayan ang muling pagngiti ng iyong mga labing palaging nag-aanyaya ng halik?” Pabulong na rin para walang makarinig na mga bisita sa paligid nila.

“Matagal pa kayang magsisiuwian ang mga panauhin natin?” anas niya.

Humigpit ang pagkakayapos ni Ruan sa kanya. “Tayo ang aalis kapag hindi sila umalis agad. Halika na.”

“Saan tayo pupunta?”

Ngumiti nang marahan at malamyos ang lalaking isinumpang iibigin nang habang buhay sa harap ng dambana, kaninang umaga.

“Sa isang lugar na tayong dalawa lang…”

Umusal ng panalangin si Leona. Sana ay malimot nila nang lubos ang mga pasakit ng mga nagdaang taon!

*** WAKAS ***

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Comments are closed.