To Marry His Mistress-3

“What do you want, Ruan? Huwag na tayong magsayang ng panahon,” pananalakab niya.

“After all, dati na tayong magkakilala, hindi ba? Hindi na natin kailangan ng maraming palabok.”

Tumango ang lalaki. “Yes, of course. Believe it or not, I missed you very much, Leona. Hinanap kita kungsaan-saan noon pero bigla kang nawala na parang bula.”

Hindi naniwala si Lionessa ngunit hindi siya nagpakita ng pagdududa sa mukha niya. Ngumiti uli siya kahit na parang pinipiga ang kalooban.

“Have dinner with me tonight, Leona,” yaya ng lalaki. Tila hindi na mapigil ang sariling pagkasabik.

Sumulyap si Lionessa sa orasan. “Hatinggabi na, Ruan,” sambit niya na banayad na tono.

Ilang minuto na lang at babalik na si Ned. Kailangang maidispatsa na niya ang lalaking ito.

“How about lunch? Saan ka ba ngayon?” Kaswal na kaswal ang kanyang pagsasalita. Para bang natural na lang ang makipagkita siya sa isang lalaki – at sa mismong lugar pa nito!

Napansin niyang tila napamaang pa ang lalaki bago tumugon. Para nagtaka muna ito sa pagiging agresibo niya ngayon…

“Same place, Leona,” sambit ni Ruan, pabulong. “Remember our place?”

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Napatingin muna siya sa lalaki bago tumango ng marahan.

Nagsama sila noon, pero sandali lang. Ikinuha siya ng isang penthouse unit ni Ruan. Kumpleto sa lahat ng kasangkapan, maliban sa malimit at regular na presensiya ng lalaki!

He was her lover. She was his mistress.

“Alam ko pa iyon. Pupunta ako doon bandang alas onse, if that’s okey with you,” pahayag niya. Nakakubli pa rin nang buong higpit ang anumang emosyon na sumusulak sa kanyang kalooban.

“Maghihintay ako, Leona,” anas ni Ruan. Namumungay ang mga mata at namamaos ang mababang boses.

Natatandaan pa ni Lionessa ang ibig sabihin nang ganitong hitsura nang lalaki kaya umatras siya nang pasimple upang makaiwas nang tangkaing halikan siya sa bibig.

Kunwa’y may dinampot siya sa sahig, malapit sa paa niya. Kaya hindi siya nahawakan ng lalaki upang magawaran ng halik na nahulaan niyang paparating sa direksiyon niya.

“Darating ako, Ruan,” pagtatapos niya sa pormal na tono.

Umalis ka na bago dumating si Ned! utos ng isipan niya.

Yumukod nang bahagya si Ruan. Medyo pumormal na din nang mahalatang paiwas siya sa bawat pagtatangka nitong makalapit sa kanya.

“Magpapahanda ko ng isang espesyal na tanghalian, Leona,” pangako nito bago tumalikod.

Saka lang nawala ang bikig sa kanyang lalamunan nang mawala na sa kanyang paningin ang lalaki.

Walang nahalata si Ned nang dumating para sunduin siya.

“Halika ka na, Ness. Nagugutom na ako.” Kinaladkad na siya nito matapos niyang kunin ang costume bag at ang shoulder bag na lalagyan ng mga personal na gamit.

Nagdasal muna si Ned bago pinihit ang susi ng makina ng kotse nitong karag-karag.

“Umandar po sana, dear god!” sambit nito. “Thank God!” hiyaw nito ng umalingawngaw ang hinihikang pag-andar ng sasakyan.

Napatawa si Lionessa. Na-missed pala niya ang mga kalokohan ng matalik na kaibigan!

“Maloko ka pa rin, Ned! Bakit kasi hindi mo pa palitan ang kotse mong ito?” tudyo niya sa katabi.

Nawala ang katuwaan niya nang makitang nakatitig sa kanya ang lalaki.

“B-bakit, Ned?”

Napabuntong-hininga si Ned. Napailing-iling.

“W-wala, Ness. Napagtanto ko lang na ngayon ko lang uli narinig ang pagtawa mo,” dugtong nito bago ipinagpatuloy ang pagmamaniobra.

Inubos ni Lionessa ang buong panahon sa maikling biyahe pauwi sa paglunok ng malaking bikig na humarang sa kanyang lalamunan habang nakatanaw siya sa labas ng bintana.

Nakuha rin pala ni Ruan ang kanyang kabataan – bukod sa kakayahang sumaya! bulong niya sa kanyang sarili.

Isa pang dahilan para masuklam at mamuhi siya sa lalaking iyon habambuhay!

Alas diyes pa lang ng umaga, nakapaligo na si Lionessa. Pinili niyang maigi ang isusuot niya. Gusto niyang gawing puhunan ang nakita niyang ningas ng atraksiyon sa mga mata ni Ruan kagabi.

Hindi dahil gusto niya pa rin ito, paalala niya sa kanyang sarili, kundi dahil kailangan niya si Ruan ngayon – mas kailangan niya ang pinansiyal ng tulong na kaya nitong ibigay sa kanya!

Pupungas-pungas si Ned nang katukin niya ang kuwarto nito, dakong alas diyes kuwarenta.

“Saan ka pupunta, Ness? Ang aga mo namang mag-lamyerda!” reklamo ni Ned nang alukin niya ng mainit na kape. “Paki-lock mo na lang ang pinto ng apartment paglabas mo. Ano’ng oras ka pala babalik?”

“Night off ko ngayon sa klab, Ned,” paalala niya. Hindi niya tinugon nang tuwiran ang mga tanong nito. Mabuti na lang at hindi nito napunang paiwas ang pagsagot niya.

Nag-taksi siya patungo sa condominium building na kinaroroonan ng penthouse ni Ruan na dati niyang tirahan.

May labindalawang palapag ang gusali. Sumakay siya elevator patungo sa pinakatuktok ng simple ngunit eleganteng instruktura. Umiiwas siyang tumingin o ngumiti man lang sa elevator boy na nakatitig sa kanya.

Hindi naman siya nagtatakang naakit sa kanya ang binatilyo. Sinadya niyang isuot ang bestidang itim na hakab sa lahat ng ukab at kurba ng perpektong hubog ng katawan niya.

Sinipat niya nang palihim ang kanyang sarili sa tila salamin na dingding ng metal na kubiko. Alam niyang mapapagkit rin ang mga mata ni Ruan sa kanyang hitsura!

Ganoon nga ang nangyari. Mismong ang matangkad na lalaki ang nagbukas ng pinto nang pindutin niya ang doorbell.

Nakasuot ng turtle-necked shirt na kulay asul at slacks na itim ang matipunong katawan ni Ruan kaya atraktibo din tingnan. Nagpasalamat si Lionessa sa nadarama niyang poot para dito. Hindi na siya naaapektuhan.

Nakatitig si Ruan sa kanya. “Leona, tuloy ka,” sambit nito, halos pasinghap.

Nagtatayuan ang mga balahibo ni Leona habang hinahayaan niyang hawakan siya ng lalaki sa siko ngunit hindi siya umalma na katulad nang normal niyang ginagawa kapag kinikilabutan siya nang ganito.

Pasimple siyang lumayo sa lalaki upang maupo sa isahang sopa na natatandaan niyang nanduroon na sa simula pa lang ng naging kahibangan niya noon kay Ruan.

“Walang nabago,” pahayag ng lalaki na para bang nababasa ang nasa isipan niya. “Umaasa akong magbabalik ka, Leona.”

Nagsara ang lalamunan niya kaya hindi siya nakapagsalita.

Kinailangan pa niyang isiping muli ang ginawa nitong pagwasak sa lahat ng inosenteng bahagi ng pagkatao niya noon para hindi siya matangay ng mapanghigop na puwersa ng mga mata ng lalaki.

TO MARRY HIS MISTRESS-4

Comments are closed.