To Marry His Mistress-4

Huminga siya nang malalim at marahan ding inilabas ang oksihena bago siya nagsalita.

“Iniwan mo ako, Ruan,” paalala niya. “Ako ang dapat na naghihintay.”

Nauntol ang lalaki sa pagsasalin ng alak sa dalawang kopita. Sumulyap sa kinaroroonan niya bago nagpatuloy sa ginagawa.

“Hahalungkatin na ba natin ang nakaraan, Leona? Kauupo mo pa lang,” sambit ni Ruan habang iniaabot sa kanya ang kopita.

Tuwid na tuwid ang pagkakaupo ni Lionessa. Taas-noo rin siya kahit na alam niyang tuldok lang siyang maihahalintulad sa importansiya ng lalaki.

Itinuturing na pinakamayamang tao sa buong Maynila si Ruan Barrientos kundi man sa buong Pilipinas, o sa buong mundo. She didn’t care then pero ngayon ay iyon ang pinagtutuunan ng pansin ni Lionessa.

Pera na lang ang mahalaga sa kanya…

“Napakalaki na nang ipinagbago mo,” untag ni Ruan nang lumawig ang katahimikan. “Hindi na ikaw ang dating Leona na nakilala ko noon.”

Nagpatuloy sa pagsimsim ng alak si Lionessa. Hindi niya pinansin ang tinuran ng lalaki. Nagmamasid siya sa paligid ngunit hindi ang mga kasalukuyang kasangkapan ang nakikita niya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Ang mha eksena sa nakaraan ang ipinakikita ng isipan niya…

Malinaw pa rin sa alaala niya ang pagpangko sa kanya ng lalaki bago sila pumasok ng pinto ng penthouse. Napahiyaw nga siya sa pagkabigla ngunit agad na hinagkan ng lalaki ang kanyang mga labi.

“Ssh,” bulong pa ng lalaki noon habang sinisiil ng maiinit na halik ang gawi ng punong-teynga niya. “May katabi ang unit na ito. Baka natutulog ang mga okupante. Naiistorbo natin sila.”

Napakagat-labi siya upang impitin ang mga ungol na ibig humulagpos sa kanyang lalamunan habang naglalayag ang bibig ni Ruan sa kanyang at leeg, papababa sa kanyang dibdib.

Papisil siyang hinawakan sa magkabilang balakang nang isandig siya sa nakapinid na pinto upang ipagpatuloy ang paggawad ng maaapoy na halik na sensitibong balat niya.

Nangatog ang mga tuhod niya at tuluyang tumiklop nang kipitin ng pangahas na bibig ang isang korona. Nawalan ng saysay ang suot niyang t-shirt at kamison noon…

Bahagyang ipinilig ni Lionessa ang kanyang ulo. pilit niyang iwinaksi ang pangitain upang maibalik sa kasalukuyan ang kanyang isipan.

Napatitig siya sa isang plorerang kristal na pamilyar sa kanya. Mayroon itong isang rosas na buko pa at pulam-pula ang kulay. Ganito ang unang bulaklak na natanggap niya mula kay Ruan noong—

A, tama na! sigaw ng utak niya. Pumikit muna siya nang ubod diin bago muling tumingin sa lalaking kaharap.

Nakatitig pa rin sa kanya si Ruan. Naghihintay ang ekpresyon. Naghahanap na naman ang mga mata.

Umiwas siya ng tingin. Inilapag niya ang hawak na kopita bago pa niya maubos ang laman nito. Hindi siya dapat malabuan ng wisyo!

Humakbang siya patungo sa isang malaking bintana na mayroong malapad na window seat. Hindi niya maiwasang hanapin ang kuwadradong unan na malimit niyang akapin kapag naghihintay siya sa pag-uwi ni Ruan noon…

Pumiksi siya. Umiba ng direksiyon ang mga paa. Anupa’t halos ang lahat na yata ng sulok ng penthouse ay mayroong inihahatid na gunita sa kanya.

Hanggang sa lumabas siya sa french doors na patungo sa porch na tumatanaw sa lungsod na nasa paanan ng mataas na gusali. Huminga siya nang malalim. Ilang ulit bago niya napalis ang pagkaba ng kanyang dibdib.

Isang pagkakamali ang ginawa niyang pagpunta sa penthouse! bulalas niya sa kanyang sarili.

Masyado siyang naging kumpiyansa sa kanyang proteksiyon. Inakala niyang sapat na ang mga taon na kinasusuklaman niya ang lalaki para muling makaharap dito nang hindi man lang maaapektuhan.

Imposibleng makalimutan niya nang pagayun-gayon lang ang lalaking ito. Muntik na nga siyang mabaliw at masiraan ng bait nang dahil lang dito—

A, imposibleng makalimot siya sa loob ng walong taon!

“How’s life for you in the past eight years?” tanong ni Ruan nang sumunod ito sa kanya sa labas.

Nakatalikod si Lionessa kaya hinayaan niyang sumilay sandali ang isang mapait na ngiti sa kanyang tiim na bibig.

Ano kaya ang sasabihin ni Ruan kapag sinabi niya ang tutoo? bulong niya sa sarili.

Blangko na uli ang anyo niya nang humarap siya sa lalaki. “As uneventful as ever, Ruan. Unlike yours, being a jetsetter,” tugon niya.

Bumadha ang pagkadisgusto sa mukha ni Ruan. Umiwas ito ng tingin. Ngunit hindi na nagsalita pa uli.

Naghari ang mabigat na katahimikan sa bahaging iyon ng penthouse habang parehong nakatanaw sa malayo ang dalawang okupante.

Si Aling Inday, ang may edad na babaeng katiwala noon, ang bumasag sa tensiyon na bumabalot sa kanila.

“Sir? Nakahanda na ang tanghalian. Ano’ng oras darating ang — ” Hindi na nito naituloy ang itatanong nang mamataan siya. “Ma’am Leona?”

Napakurap pa ito nang ilang ulit na para bang hindi makapaniwalang siya na nga ang nakikita nito.

“Naku, ikaw na nga ma’am!” bulalas nito habang sumisilay ang isang masayang ngiti na abot hanggang teynga.

Bumalik ang pagka-suwabe sa pananalita at kilos ni Ruan.

“Nandito na ang bisita natin, Aling Inday. Hindi ba’t nasabi ko sa iyo na matutuwa ka kapag nakita mo siya?”

Tumango ng tumango ang katiwala. “Oo nga, Sir! Halina kayo sa kumedor. Kaya pala pulos pamilyar sa akin ang mga ipinalutong putahe,” pagkukuwento nito habang nagpapauna sa silid-kainan. “Kuu, ikaw pala, ma’am, ang espesyal na bisita ni sir!”

Asikasong-asikaso siya ng katiwala, na naging kasa-kasama noong dinaranas pa niya ang mga paghihirap ng isang kerida.

Oo, binatang-binata si Ruan Barrientos pero hindi ito naniniwala sa anumang responsibilidad at pananagutan sa buhay. Nahirati na ito sa buhay na malaya at walang iniintindi sanhi ng kasaganaan sa salapi simula sa pagkabata.

Iba naman ang paniniwala noon ni Lionessa — ng bata at inosenteng si Leona Montes. Inakala niyang magiging iba siya sa lahat ng mga babaeng napa-ugnay sa lalaki dahil siya lang ang ikinuha nito ng isang penthouse unit at ng isang katulong.

A, isa siyang tanga at gaga na pinagsama sa iisang katawan lang!

At lalo pa niyang pinatunayan ang mga katangian niyang iyon nang pabayaan niyang magb — oh, God, please, tama na! daing niya sa kanyang sarili.

“Mabuti’t nagbalik ka, ma’am,” pahayag ni Aling Inday nang nagliligpit na ng mga pinggan nila para palitan ng mga dessert plates. “Hindi na ako malulungkot ngayon –ay! Sori, po sir!”

Tumikhim lang si Ruan bago bahagyang itinango ang ulo sa direksiyon ng pinto.

“Ako na ang bahala dito, Aling Inday,” sambit nito bilang pagtataboy sa katiwalang ubod nang tabil.

TO MARRY HIS MISTRESS-5

Comments are closed.