To Marry His Mistress-5

Nakaramdam ng simpatiya si Lionessa para sa may edad na babae.

Kahit na nasaksihan nito ang pagkapahiya at kabiguan niya noon, mayroon pa din silang pinagsamahan kahit na paano.

“A-aling Inday?” tawag niya nang papalabas na ito. “Dadalawin ko kayo uli para magkakuwentuhan naman tayo nang mas matagal.”

Hindi sinasadya, tinamaan niya ang dalawang ibon sa isang batong ipinukol niya. Naipahiwatig niya sa matandang katiwala na hindi siya nagbabalik, pati na kay Ruan Barrientos.

Namula ang mukha ni Aling Inday bago paiwas na tumalikod bago tumango sa tinuran niya.

“O-oo, ma’am. Salamat,” anito. Patalilis itong lumabas ng kumedor.

May palagay si Lionessa na aalis siyang hindi na uli magpapakita si Aling Inday sa kanya!

“Okey, let’s have some dessert now,” alok ni Ruan. Matiim na ang anyo. “And then we’ll have a talk,” pangako nito sa mas mariing tono na para bang mayroong ipinangako sa sarili.

Katulad sa mga naunang putahe, tamilmil ang pagkain ni Lionessa. Habang tumatagal siya sa loob ng penthouse na dating tinirhan, bilang mistress ni Ruan, napapagtanto niyang mali ang napili niyang lugar nang pumayag siyang makipagkita sa lalaki.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Lalo niyang pinagalitan ang sarili nang maalala niyang kaya lang siya napunta sa ganitong sitwasyong ay dahil sa minamadali niyang mawala ito kagabi, bago pa dumating si Ned at makitang magkausap na naman sila ng lalaking nagdulot ng ibayong pait at sakit sa kanya noon.

Nagpadalus-dalos na naman siya kaya heto na naman siya! paninisi niya sa sarili.

Tumindig siya para masolusyunan ang naging pagkakamali.

“I’ll pass the dessert, Ruan,” pahayag niya habang dinadampot ang kanyang shoulder bag. “Naalala ko, mayroon pa nga pala akong pupuntahan,” pagsisinungaling niya.

Halatang hindi naniniwala ang lalaki ngunit laking pagtataka niya nang hayaan siya nitong makaalis. Inihatid pa nga siya nito hanggang sa foyer upang isakay sa taksi.

Enigmatiko ang ekpresyon ni Ruan kaya hindi na niya mabasa kung ano ang nasa isipan habang sakay sila ng elevator.

Habang sakay siya ng taksi pauwi, parang ibig niyang magalit sa sarili dahil nakakaramdam pa siya ng panghihinayang ngayong naputol niya nang mas maaga ang pag-uusap nila ni Ruan.

Ayaw niyang aminin ngunit nangulila pala siya nang lubos sa tunog ng boses ng lalaki at sa anyo ng hitsura nito.

Magdamag siyang inalipin ng mga panghihinayang nang gabing iyon.

Paano kung hindi na uli niya makita pa si Ruan? Paano kung nasaktan na niya nang husto ang damdamin nito? Paano kung sa iba na lang ibinaling ang atraksiyon — shit, shit, shit!

Nawala ang tsansang makakuha ng pera sa mabilis na paraan!

At bakit siya pa ang nag-aalala na baka nasaktan niya si Ruan? Ganito ba talaga siya ka-gaga?

Mag-uumaga na nang makatulog siya. Ilang oras nang nakauwi si Ned at nauulinigan na nga niya ang mahinang paghihilik nito sa kabilang silid.

Tiyak na magagalit at madi-disappoint ang kanyang kaibigan kapag nalaman nitong nakipagkita na naman siya kay Ruan Barrientos…

Saglit na pinagtalunan ng kanyang isipan at budhi kung ipagtatapat pa ba niya ang nangyari kaninang tanghali ngunit naisip niyang wala nang dahilan sapagkat hindi na nga sila magkikita pang muli ni Ruan.

Hindi lang niya alam kung paano niya natiyak na wala nang magiging oportunidad para magkita sila ng lalaki ngunit ganito ang nararamdaman niya.

Kinabukasan nang hapon, sabay silang lumabas ng apartment ni Ned para pumasok sa klab. Hindi niya napuna ang isang kotseng maghapong nakaparada sa di-kalayuan. Sumunod ito nang umandar na ang sasakyan ni Ned.

Napansin lang niya ang naturang behikulo nang kasabay na huminto ng sa sinasakyan nila sa tapat mismo ng klab.

Hindi umibis ang okupante ngunit hindi naman siya interesado sa taong nasa loob niyon. Dagli ngang nawala sa kanyang isipan ang naturang insidente nang hilahin na naman siya ni Ned papasok sa klab.

“C’mon, little songbird,” aya ni Ned. “May kaunting rehearsal ka ngayon dahil mayroong babaguhin sa number mo mamayang gabi.”

Nagulat si Lionessa. “Ha? Bakit ngayon mo lang sinabi?” usig niya.

Tumawa lang si Ned. “Kaunti lang ang babaguhin, my dear Ness. Walang kahirap-hirap. Kayang-kaya mo!”

Bumuntong-hininga na lang si Lionessa. May tiwala siya kay Ned.

Mainit uli ang pagtanggap ng mga tao sa kanya nang gabing iyon. Paano’y hindi lang ang isang guwantes ang ipinahuhubad ng manedyer sa kanya ngayon — pati ang ikalawa na!

Walang dahilan para tumanggi siya dahil hindi naman siya ang bumibili ng mga guwantes na yari sa itim na lace.

Katwiran niya, hindi naman ang anumang kasuotan niya ang ipinaaalis ng mga amo sa kanya kaya puwede siyang pumayag.

Wala siyang kamalay-malay na ang simpleng patatalop ng mga saplot ng mapuputing bisig niya ay nakakapagpataas na ng presyon ng isang lalaki.

Parang maduduwal siya nang matapos ang pagtatanghal ni Lionessa Montes, the sexiest singer in town.

Nakasunod na naman sa kanya si Ned upang alalayan siya.

“Kaya mo pa ba, Ness?” tanong nito, nag-aalala. “I could give you a loan, you know that.”

“Alam ko, Ned. Don’t worry about me. Kaya ko ito. Mas matindi pa ang mga pinagdaanan ko kaysa — kaysa sa dinaranas ko sa gitna ng entablado,” aniya sa nanginginig na tinig.

“M-magsa-shower lang ako,” paalam niya habang patakbong pumapasok sa shower cubible.

Karkulado niyang malilikom niya ang kailangang halaga sa loob ng tatlong buwan lamang. Kung wala ang reaksiyon niyang ganito sa mga manonood na pulos kalalakihan, puwedeng isang buwan at kalahati lang niya pagtatrabahuhan ang pera kung kakanta siya ng dalawang beses sa isang gabi.

Ngunit ano pa ang mangyayari sa pagtatanghal niya kung lasing na siguro siya? Umiinom siya ng isang shot ng scotch bago humarap sa labas — lingid sa kaalaman ni Ned.

Oh, God! Baka maging alcoholic naman siya ngayon… bulalas niya sa sarili nang marinig ang nabiglang paghagikgik. Lasing na yata siya dahil wala namang nakakatawa sa kanyang sitwasyon.

Mas dapat pa nga siyang maiyak dahil pausad pa lang siya ngayon sa ikalawang linggo dito sa dating trabaho. Sampung linggo pa ang bubunuin niya!

Nagkakagulo at nagkakaingay na ang mga lalaking manonood sa di kalayuan ngunit hindi pansin ni Ruan. Nakatutok ang mga mata niya sa madilim na entablado, kungsaan naruroon kanina si Lionessa Montes.

Pumikit siya nang mariin upang muling makita sa balintataw ang mala-diyosang mang-aawit. Kanina lang uli niya ito napanood. Nung isang gabi, papatapos na ang awitin ni Lionessa.

TO MARRY HIS MISTRESS-6

Comments are closed.