To Marry His Mistress-7

Naisip lang niya na mas pabor sa kanya kung ipasasabi niya kay Ned Rios na nasa kanya na uli si Leona kaya nagbilin din siyang ipasabi sa pianista ang nais ng babae.

Nang magbalik siya sa dressing room number five, nakabihis na ang babae. Nakaupo ito sa dressing table chair habang nakayuko at minamasdan ang mga dulo ng suot na canvas shoes na kulay krema.

Basa-basa pa ang mahaba at alun-along buhok na sing-itim ng gabi. Hubad sa anumang meyk-up ang makinis na balat. Tanging ang natural na pagkapula ng mga labing may perpektong hubog ang kulay sa maputlang mukha nito.

Nanatiling tahimik habang inilalabas niya sa klab. Sa likod sila nagdaan para hindi na makita ng ibang tao. Nandoroon pati ang kanyang kotse.

Ni hindi nagtanong ang babae ng kahit na ano. Tanda ng pagkalango ang kawalan ng imik ni Leona.

Pasulyap-sulyap siya sa gawi ng pasahero habang nagmamaneho siya patungo sa penthouse. Nag-iisip siya kung bakit kailangan pang uminom si Leona bago magtanghal. Alam niyang hindi nito gaanong gusto ang pagkanta sa harap ng napakaraming kalalakihan noon…

Baka naman mayroon itong sinusuportahang—

Naputol ang iniisip niya dahil hindi pa niya kayang sikmurain ang aspetong iyon sa tila maraming naging pagbabago ni Leona. Ayaw muna niyang mag-isip nang tungkol sa karibal sa atensiyon ng babae.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Sapat na para kay Ruan ang kasama niya sa ngayon si Leona.

Pinangko niya ang babae nang hindi ito makalakad ng mag-isa. Nakatingin sa kanila ang elevator boy habang sakay sila ng elevator ngunit hinayaan lang niya. Gusto niyang matandaan nito na magkasama sila ni Leona sa pag-akyat sa penthouse.

Nakahapay na ang babae sa kanyang tagiliran habang humahakbang sila patungo sa pinto. Kinindatan pa siya ng binatilyo bago sumara ang kambal na pinto ng elevator.

Paano’y nakapagkit sa kanya ang malambot na katawan ni Leona. Nasasamyo niya ang bango ng balat nito.

Ginamit niya ang kanyang susi sa pagpasok. Magmula nang tumira siya sa penthouse, uwian na si Aling Inday. Tatlong beses isang linggo lang pati ito pumapasok sa kanya dahil wala namang masyadong ginagawa para sa pangangailangan niya. Nagkaroon lang ng sentimental value sa kanya ang matandang babae dahil ito ang naging kasama noon ni Leona.

“Dito ka muna,” aniya sa babae, pabulong. Pahingalay na naupo si Leona sa malambot na sopang mababa. “Ikukuha kita ng kape.”

Umungol lang ang babae. Nakapikit ito nang mariin na para bang liyung-liyo na.

Instant coffee na isinalang niya sa microwave oven ang tinimpla niya para makabalik agad sa babae. Hindi ito kumilos magmula nang iwan niya at tila natutulog na.

“Leona?”

Saka lang kumilos ang babae. Umungol uli ngunit mas mahina na.

Inilapit niya ang umuusok na likido upang maamoy nito. Tila nagkaroon ng lakas si Leona dahil nagmulat ito ng mga mata upang hanapin ang puswelo na iniaalok niya.

“S-salamat,” sambit nito habang tinatanggap ng dalawang kamay ang tasang porselana.

Pinanood ni Ruan ang pag-inom ng babae. Minura niya ang kanyang sarili nang kung anu-ano pa ang pumapasok sa isipan niya habang sinisipat ang mga labing alam niya kung gaano katamis at kalambot.

Mistula kang isang manyak, Ruan Barrientos! asik niya sa kanyang sarili habang padaskol na isinusuklay ang mga daliri sa maikli at medyo kulot na buhok.

Tumingala siya upang tumitig sa kisame. Ano ba ang dapat niyang gawin para makabawi uli si Leona? tanong niya sa barnisadong kahoy na may mga disenyong ukit.

Pipitsuging lalaki lang si Ned Rios para hindi niya madaig. Empleyado lang ito sa klab niya…

Narinig niya ang paglalapag ng tasa sa lamesitang salamin kaya sumulyap uli siya sa kaharap.

“Pera ba ang dahilan kung bakit nagbalik ka sa trabahong ito?” pananalakab niya. Hindi niya alam kung paano niya natiyak na hindi na nagtrabaho pa sa ganitong lugar si Leona magmula nang iwan siya nito.

Bumuntong-hininga si Leona bago tumango. Hindi nakatingin sa kanya. Nakatitig ito sa kawalan.

Naningkit ang mga mata ni Ruan; ngunit nagpigil siya para huwag sumabog ang kanyang panibugho.

“Kaya kong ibigay ang lahat ng mga pangangailangan mo, Leona,” pahayag niya sa malumanay na tono upang ikubli ang pag-aalimpuyo ng kalooban.

“Lahat-lahat,” dagdag niya nang manatiling blangko ang mukha ni Leona.

“Alam ko, Ruan,” sambit ng babae. Dahan-dahang luminga sa kanya. “Alam kong kaya mong ibigay ang lahat-lahat,” ulit pa nito, ngunit may himig-panunuya na.

Natubigan si Ruan. Muli niyang inarok ang kaharap ngunit tumakip patabing ang mahahabang pilikmata nito.

“Kaya nga ako nandito ngayon,” dugtong ni Leona habang sumisilay ang isang mapait na ngiti sa bibig. “Gusto kong kunin ang lahat ng kaya mong ibigay!”

Parang sinampal ang pakiramdam ni Ruan ngunit hindi siya nagpahalatang nasaktan siya. Nanatili siyang nakatitig sa babae.

Tila pinagsisihan naman ni Leona ang nasabi. Bumadha ang kaunting pagtitika sa ekspresyon nito bago nagbalik ang maskara.

“I’m sorry, Ruan. Lasing pa siguro ako,” sambit nito habang ibinabaling sa kabila ang mukha.

Parang inilipad sa hangin ang anumang sama ng loob na nadama niya.

“Come back to me, Leona,” pang-aamuki niya rito. “You won’t lack for anything.”

Muling bumalik sa kanya ang bilugan at malalaking mga mata. May nabasa siyang kung anong emosyon na nandoroon bago tinabingan ng mga pilikmata.

“A-ayoko ng permanente, Ruan,” sambit ni Leona. Nakatingin uli sa kawalan. “Gusto kong maging malaya kapag ginusto kong umalis na.”

Nanlabo sandali ang paningin ni Ruan matapos marinig ang tinuran ng babae. Nakaramdam siya ng deja vu, o ng pag-uulit ng isang sitwasyon na naranasan na niya noon.

Ganito rin ang sinabi niya kay Leona nung ipahayag niya ang nais niyang pagbabahay dito. “Huwag kang mag-isip na permanente ang magiging relasyon natin, Leona. Umaalis ako kapag gusto ko na…”

Gumaganti ba si Leona?

Hindi. Siya rin ang tumugon sa sariling tanong niya. Hindi alam ni Leona na — na naghanap at nangulila siya nang husto nitong mga nagdaang taon!

Natagpuan niya ang sarili na tumatango bilang pagpayag sa paunang kondisyon na tinuran ng babae.

“Of course, Leona,” sang-ayon ni Ruan sa kaswal na tono. “Ganyan din ang gusto ko, hindi ba?”

Pumikit ang babae na para bang may inusal muna sa sarili bago tumingin sa kanya.

TO MARRY HIS MISTRESS-8

Comments are closed.