To Marry His Mistress-8

“K-kailangan ko ng pera, Ruan,” pagtatapat ni Leona.

Paos at garalgal ang boses. “Nagbalik ako sa trabahong ito dahil sa pera. At — at babalik ako sa iyo dahil din sa pera!”

Tiniis ni Ruan ang hapdi at kirot na idinudulot ng pag-amin ng kawalan ng pagtingin sa kanya ni Leona. Karma niya kung anuman ang nangyayari sa kanya ngayon. Naging malupit siya noon dahil sa pagwawalambahala dito…

“Okey,” wika ni Ruan sabay tindig. “Halika na. Magpahinga ka na,” aya niya sa pormal na tono.

Nagulat ang babae sa biglang pag-iiba ng direksiyon ng usapan ngunit nagpatianod lang ito sa anumang gusto niyang gawin. Hindi umalma nang hawakan niya sa isang siko at inakay patungo sa kuwarto.

Pinipigil ng babae ang pagsuray ngunit talagang nanlalambot ang mga tuhod kaya napilitan si Ruan na buhatin uli ito.

Napilitan lang siya dahil ayaw niyang samantalahin ang panghihina ni Leona ngunit tila imposibleng matupad niya ang magandang hangarin dahil tinutukso siya ng lambot at kinis ng kabuuan ni Leona…

Humagikgik ang babae. Seksi ang munting tunog dahil medyo paos ang tinig nito. Nakapikit ang mga mata habang napapangiti ang mga labi.

“What’s funny?” usig niya habang nakatiim ang mga bagang.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

“Naalala ko lang na palagi mo rin akong binubuhat noon, hindi ba?” bulong ni Leona habang yumuyupyop nang husto sa malapad na dibdib ni Ruan.

Hindi ba nito naririnig ang mala-kulog na pagdagundong ng kanyang puso? bulong ni Ruan sa sarili.

“Y-yes, mabuti at naaalala mo pa,” tugon niya, halos paungol.

Nagpasalamat siya sa kama nang matanaw niya mula sa nakaawang na pinto ng kuwartong pupuntahan. Ilalapag niya si Leona sa ibabaw nito at lalabas agad siya.

Kung anuman ang dapat mamagitan sa kanilang dalawa ngayong nagkabalikan na sila sa isang relasyon na wala pa ring tibay at hinaharap – hindi pa siya siguradong magugustuhan niya.

Halos pabagsak niyang ibinaba si Leona sa malambot na higaan. Iigtad na sana siyang palayo ngunit nakapulupot pa rin ang mga braso ng babae sa kanyang leeg.

Kinailangan pa niyang lumuhod sa sahig at sumandig sa gilid ng kama para makalas ang pagkakabuhol ng mga daliri ni Leona sa kanyang batok.

“Leona, let go of me,” utos niya. “Please!” Napilitan siyang makiusap nang hilahin pa siya nitong palapit.

“It’s been so long, Ruan,” bulong ng babae, parang nawawala sa sarili. “It’s been so long…”

“Oh, Leona! I don’t – want – to – do — this!” bulalas niya habang papalapit nang papalapit ang bibig niya sa nag-aanyayang mga labi ng babae.

“Leona…!” Paungol na ang huling pagsambit ni Ruan sa pangalan ng tanging nilalang sa mundo na may kakayahang tunawin ang buong wisyo niya.

Naalimpungatan si Lionessa dahil may napansin ang kanyang diwa na kakaiba. Nahihimbing siya ngunit mayroong nararamdaman ang kanyang katawan na hindi dapat.

Una, hindi siya makagalaw. Ikalawa, mainit ang paligid niya.

At ikatlo, parang nahihirapan siyang huminga.

Agad-agad siyang nagmulat ng mga mata niya upang alamin kung bakit ganito.

Gayon na lang ang pagkabigla niya nang ang bumuglaw sa kanyang paningin, na nanlalabo pa dahil sa antok, ay ang mukha ni Ruan Barrientos.

Tinangka niyang bumalikwas nang bangon ngunit nakadagan sa kanya ang braso at hita nito. Nakadikit ang dibdib at harapan nito sa tagiliran ng kabuuan niya.

Kaya pala!

“A-anong ginawa mo sa akin?” bulalas niya, nang-uusig.

Kumurba pataas ang isang makapal na kilay. “Bakit parang nabigla ka, Leona?”

Napamaang si Lionessa. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

Hindi agad nagsalita si Ruan.

“Ruan!”

“Hindi mo natatandaan ang mga pinag-usapan natin kagabi?” paniniyak nito.

Inapuhap niya ang memorya ngunit mayroong bahagi na nalalambungan ng dilim.

“Ano’ng ginagawa ko rito? Paano ako napunta rito?” Tinangka niya uling magpumiglas ngunit lalo lamang humigpit ang pagkakapigil ng lalaki sa kanya.

“Bitiwan mo nga ako!” utos niya, paangil.

Ilang pulgada lang ang layo ng mga mata nila sa isa’t isa. Inarok ni Ruan ang kanyang kaluluwa, ang kanyang kalooban, at ang kanyang kaibuturan.

Pakiramdam ni Lionessa, nahubaran na siya nang bawat proteksiyon na nalikha niya sa bawat taong nagdaan, kungsaan nakatago ang lahat ng mga pribadong emosyon at alaala na ibinaon na sa limot.

Pumikit siya para magkaroon ng pananggalang.

“Sumama ka sa akin kagabi,” umpisa ni Ruan sa himig-nagkukuwento. “Sinabi mong papayag kang makisama uli sa akin — kapalit ang pera na kaya kong ibigay sa iyo,” dugtong pa.

Muling napamulat si Lionessa. “H-hindi totoo iyan,” tutol niya, ngunit walang konbiksiyon ang tinig.

Kailangan niyang makalikom ng pera, hindi ba? bulong niya sa kanyang sarili.

“Don’t worry, Leona,” patuloy ng lalaki. “Wala pang nangyari sa atin. I hate making love with a drunk woman.”

Umalon ang kulay sa mukha ni Lionessa. “L-lasing ba ako kagabi?” Wala siyang maisip sabihin dahil unti-unti nang umaangat ang tila ulap na nakatabing sa mga nangyari na nalimutan niya.

Naaalala na niya kung paano niya hinila ang leeg ng lalaki para hagkan siya. Nawalan na siya ng malay nang magkahinang na ang kanilang mga labi.

“Naalala mo na?” untag ng lalaki sa tabi niya.

Hindi siya makatingin nang diretso. “O-oo.”

“At?”

Sumulyap siya sa lalaki bago muling nagbawi ng tingin. Hindi niya matagalan ang mainit na pagkasabik na nasa mga mata nito.

“At — ano?” Nalilito tuloy siya.

“Bumalik ka na nga ba sa akin?” Masuyo ang tono ng lalaki, gayundin ang mga daliri nitong sumapo sa bilugang baba niya upang magkaharap uli sila.

“Sagutin mo ako, Leona,” utos nito, paanas.

Naumid ang dila ng dalaga. Nangilid ang luha sa kanyang mga mata.

Humugot ng isang malalim na buntong-hininga ang lalaki.

“Mayroon kang hininging kundisyon kagabi,” paalala pa ni Ruan. “Na ibinigay ko naman.”

Natagpuan ni Lionessa ang kanyang tinig. “A-ano’ng kundisyon?”

“Malaya kang umalis, kapag ginusto mo na. Puwede mo akong iwanan kahit na anong oras,” tugon ni Ruan. Enigmatiko ang tono at ang anyo.

Napamaang si Lionessa. “P-pumayag ka?” paniniguro niya.

Tumango ang lalaki. “Bakit hindi ako papayag? Walong taon akong naghintay sa pagbabalik mo.” Humigpit ang mga bisig na nakayapos sa beywang at balakang niya para ipadama ang tinitimping pagkasabik.

“Ganoon pa rin ba ang desisyon mo?” tanong ni Ruan nang hindi na siya makapagsalita pa uli.

“Oo, Ruan,” tugon niya, ngunit nakapikit nang mariin.

“Open your eyes and look at me, Leona, while you say that,” utos ng lalaki, pabulong.

“R-Ruan,” umpisa niya sa nanginginig na tinig. “M-magkano ang magiging allowance ko — ?”

TO MARRY HIS MISTRESS-9

Comments are closed.