To Marry His Mistress-9

Tumiim ang anyo ng lalaki na para bang nakaramdam ng pagkamuhi bago tumugon.

“Triple ng tatanggapin mo sa klab, Leona.” Bahagya nitong pinisil ang kanyang mga pisngi habang tinititigan nang diretso ang kanyang mga mata.

“At gusto kong malaman mo na hindi ako papayag nang may kahati sa iyo,” dugtong pa nito sa malamig na tono.

Bahagyang nanlaki ang mga mata niya dahil sa takot na sumibol sa kanyang dibdib.

“W-wala kang kahati, Ruan,” pangako niya.

Kailanman ay wala kang naging kapalit, dugtong niya sa sarili.

Matagal munang nagtagis ang kanilang mga paningin bago inilapit ng lalaki ang bibig sa kanyang mga labi.

Sa umpisa, mariin at mapagparusa ang halik ni Ruan. Tila galit pa nga dahil halos ikapugto ng kanyang paghinga ang mahahabang pagsisid ng basang apoy.

Kapwa sila naghahabol ng hininga nang matapos ang maapoy na pagniniig ng kanilang mga labi.

[Want to read the Start of Stories Online titled – TO MARRY HIS MISTRESS…? Click Here!]

Namimigat ang mga talukap ng mga mata niya habang nakatitig siya kay Ruan. Malaki na ang ipinagbago ng lalaki.

Kung noong una, ang naging impresyon niya ay mapanganib at malupit sa kaaway — ngayon ay mas mapanganib ito dahil tila naging mas tahimik at malamig magalit.

Nang inaakala na niyang aangkinin na siya ni Ruan, biglang bumalikwas nang bangon ang lalaki at maliksing humakbang palayo sa kanya. Parang natural lang dito ang maglakad sa harap ng isang babae na walang saplot na suot sa katawan.

Paano’y makapigil-hininga naman ang magnipikong perpeksiyon ng kahubdan nito!

Nagtungo si Ruan sa banyo. Padaskol ang pagsasara sa dahon. Para bang mayroong pinipigil na kung anong madilim na emosyon sa kalooban.

Nainip si Lionessa. Bumangon na rin siya. Hinanap niya ang kanyang mga kasuotan. Nagkalat sa paligid ang mga saplot nilang dalawa.

Inalihan siya ng pagkapahiya dahil hindi na pala siya sanay nang mang kasamang lalaki sa loob ng isang kuwarto. Dali-dali niyang dinampot at itiniklop ang mga saplot ni Ruan, matapos ang nagdudumaling pagbibihis.

Nakaayos na ang kama at ang paligid nang muling lumabas ang lalaki.

Tila hindi nito nagustuhan ang ginawa niya, dahil lalong dumilim ang mukha. Gayunpaman, walang imik na lumabas ng silid ang lalaki.

Walang nagawa si Lionessa kundi ang sumunod. Habang tumatagal, napupuno ng hesitasyon at pag-aalinlangan ang kanyang isipan.

“Ruan,” umpisa niya nang datnan niyang nagsasalin ito ng alak sa basong kristal. “K-kung nagbago na ang isip mo, maiintindihan ko. Aalis na lang ako — ”

“No!” sigaw ng lalaki. Bumaling sa kanya at ipinakita ang mabangis na anyo.

Takot na takot si Lionessa. Napaatras siya.

“R-ruan, ano bang nangyayari sa ‘yo?” bulong niya habang tutop ng isang kamay ang tapat ng kanyang dibdib na ubod nang lakas ang pagkabog.

Napanood niya kung paano napilit kontrolin ni Ruan ang sarili. Pumikit ito nang mariin at minasahe ng isang kamay ang batok habang nakatitig sa sahig na alpombra.

“No, Leona,” sambit nito sa mas mababang tono. “Hindi nagbabago ang isip ko — at lalong hindi ka na rin puwedeng umatras sa kasunduan natin. Nabigyan na kita ng pagkakataon na umatras kanina,” paalala nito habang nag-aangat ng tingin para tumitig sa kanya.

Hindi niya natagalan ang nang-uusig na titig nito kaya umiwas na naman si Lionessa. “Gusto kong umuwi muna sa apartment para makuha ko ang mga gamit ko, Ruan,” pahayag niya para maiba ang takbo ng usapan.

“Sasamahan kita,” salo ng lalaki.

Hindi siya tumutol. Gusto nga niyang samahan siya ni Ruan para hindi na siya gaanong mapangaralan at mapaalalahanan ni Ned. Nangangamba rin siya na baka maduwag pa siya kapag nakapag-isip pa nang husto.

Ayaw niyang isiping kung ano ang kahihinatnan niya kapag kailangan na niyang iwan si Ruan — sa ikalawang pagkakataon…

Suwerte naman na wala si Ned nang dumating sila sa apartment. O baka naman malas, dahil ibig na niyang tumakbo palayo kay Ruan habang naaalala niya ang marami pang nangyari sa kanila nito.

Ang mga sakit ng loob… Ang mga pagseselos niya noon…

A, lulutang na naman ang pangit na pagkatao ni Lionessa!

Madali siyang nakapag-impake ng kaunting kagamitan na dala niya nung dumating siya rito noon mula pa sa malayong probinsiya na pinanggalingan niya.

Medyo nahirapan siyang bumuo ng maikling sulat para sa kaibigan. Hanggang sa ang tanging naisulat na lang niya ay ang mga salitang:

‘Unawain mo sana ako, Ned. Umaasa, Ness.’

“Iyan lang ang gamit mo?” tanong ni Ruan nang makita ang maliit na maleta niya.

Tumango ang dalaga habang ibig niyang manliit. Nang iwan niya si Ruan, dalawang taksi ang pinagsakayan niya ng mga damit at personal na kagamitang dinala niya sa pag-alis.

Na ipinagbili rin naman niya lahat dahil—

“Halika na,” aya nito habang kinukuha sa kanya ang maleta. “Tatawagan ko si Ned, kung gusto mo,” dagdag ng lalaki nang nakasakay na uli sila uli sa kotse.

Luminga siya at ngumiti nang matipid. “H-huwag na. Nag-iwan na ako ng sulat para kay Ned,” tugon niya sa mababang tono.

Muling naghari ang katahimikan nang hindi na umimik ang lalaki.

Huminto ang sasakyan sa tapat ng isang class na restaurant.

“Lunch,” pahayag ni Ruan habang binubuksan ang pinto para umibis.

Hindi na naghintay si Lionessa na ipagbukas siya nito. Mag-isa siyang lumabas.

Habang kumakain sila sa pampublikong kainan, tumitindi ang tensiyon sa pagitan nilang dalawa. Hindi alam ni Lionessa kung bakit parang nagagalit si Ruan ngunit naaapektuhan na siya ng pananahimik nito.

“Ano ba ang ikinagagalit mo sa akin, Ruan?” tanong niya nang pabalik na sila sa penthouse.

Isang mahinang tunog ang narinig niya mula sa lalamunan ni Ruan. Tila singasing na paungol iyon. Parang galing sa isang nasasaktan ng hayop.

Nabaghan si Lionessa. Saglit siyang natigilan. Nasaktan ba niya nang di-sinasadya si Ruan nang ipangalandakan niyang kailangan lang niya ng pera kaya sumasama siya rito?

Hindi na siya nagkalakas-loob na magtanong pa uli dahil nangangamba siya sa itutugon sa kanya ng lalaki. Nagpatianod na lang uli siya.

Dinala ni Ruan ang kanyang maleta sa kauwartong pinanggalingan nila kanina. Pabagsak na binitawan ang kuwadradong bag na itim.

“Doon lang ako sa salas,” paalam nito bago lumabas ng silid.

Napatunganga si Lionessa. Hindi ganito ang inaasahan niyang mangyayari. Noon, hindi pa sila nakakapasok sa pinto ng penthouse, wala na siyang suot na pang-itaas o bestida.

TO MARRY HIS MISTRESS-10

Comments are closed.