Can the heart really learn how to love by itself? Can you teach your heart to fall love with someone who hates you?
Will you let yourself be trapped by love forever?
Walang kinalaman sa isang love triangle sa nakaraan si Samantha pero nadawit siya – sila ni Adam…
Nasuklam sa dalaga ang binata kahit hindi pa man sila magkakilala.
At kahit na may sumibol na damdamin sa mga puso nila, nangibabaw pa rin ang lason ng nakaraan.
Dahil sa bugso ng mga emosyon, naging mga bihag sina Samantha at Adam ng isang kasal na hindi nilikha ng pag-ibig.
Matutuhan kaya nilang magmahal kahit na ang nararapat nilang madama ay tanging pagkamuhi lang?
* * *
Nakatingala na naman si Samantha. Ganito ang nakagawian niyang gawin tuwing umaga. Paano’y napakagandang tanawin ang sumasalubong sa kanya.
Ang aristokratang bahay-Kastila sa ituktok ng talampas.
Bagama’t bulag ang mga bintanang makikitid at matataas, may mga dekorasyon naman ang palibot. Animo mga bulaklak at dahon na inukit sa batong kulay puti.
Ang bubungan naman na yari sa tunay na tisa ay mistulang mga alon sa dagat na pantay-pantay at mumunti.
Katulad ng karagatang nasa paanan ng talampas, nag-iiba-iba rin ang kulay. Minsan ay asul na asul, minsan ay berdeng-berde.
Ang kabuuan, napaka-solido tingnan. Ang sabi ng mga matatandang taga-baryo, bloke-blokeng adobe ang ginamit na materyales sa naturang istruktura.
Magmula sa napakalalim na pundasyon, hanggang sa mga poste at biga ng bahay na may dalawang palapag at kalahati, matitigas na bato at malalamig na bakal ang nagbuo.
Talaga namang napakatibay. Ilang unos na ang humaplit at sumalakay doon, sa mga nagdaang dekada. Ilang henerasyon na din ng Pamilya Morales ang isinilang at yumao. Ni hindi natigatig ang malaki at malapad na mansiyon.
Kabaligtaran ng munting dampa na ilang ulit nang nagiba at itinayo, magmula nung ipinanganak siya ng nasirang ina sa sahig na kawayan.
“Hay, ano kaya ang pakiramdam ng mga taong nakatira sa bahay na iyon?” bulong niya sa sarili. “Siyempre, maligaya at masaya.” Siya rin ang sumagot sa tanong niya.
“Sana, mabigyan ako ng pagkakataon na masilip ang loob,” hiling niya kapagkuwan. Nakatitig pa rin sa palalong hugis na tila ipininta sa asul-puting kalangitan.
Wala siyang kamalay-malay na higit pa sa kahilingan niya ang ibibigay ng mapagbirong tadhana…
Nakayuko si Samantha habang nakikinig sa panalangin na sinasambit nang malakas ng matandang pari, kasabay ng pagwiwisik ng benditadong tubig sa kabaong na yari sa plywood at kawayan.
Sinikap niyang bawasan ang pagiging hamak at payak ng huling himlayan ng kanyang Lolo Teban sa pamamagitan ng pagkakabit ng mga bulaklak na ligaw sa palibot at sa ibabaw.
Ang salamin na ginamit ay kinuha sa kuwadro ng letrato ng mga magulang niya nung ikinasal.
Iniipit muna niya sa bibliya iyon habang nag-iipon siya ng ipambibili ng kapalit.
Kung kailan siya magkakaroon, hindi pa niya alam.
A, paano na siya ngayon? Nag-iisa na lang siya.
Ang akala ni Samantha, naubos na ang luha niya. Ngunit nang sinimulan na ang pagbababa ng ataul sa malalim na hukay sa lupa, umagos uli ang maalat na likido mula sa kanyang mga mata.
Tahimik siyang umiyak. Ayaw niyang marinig ng sinuman ang pagdadalamhati niya dahil ayaw niyang may maawa sa kanya.
Nanatiling nakakubli sa ilalim ng suot na belong itim ang kanyang mukha habang kinokontrol ang sarili. Nagtagumpay siyang makalma uli ang kalooban bago natapos ang pagtatapon ng lupa.
Blangko na uli ang maskarang iniharap niya sa mga taong nakipaglibing.
“Samantha, ineng, nakikiramay uli kami sa ‘yo,” pahayag ng matandang babaeng kinikilalang pinuno sa kanilang baryo dahil may nalalaman sa panggagamot.
“Inaanyayahan kitang sa aming bahay na manirahan. Kawawa ka naman. Nag-iisa ka na lang sa kubo n’yo.”
“M-maraming salamat po, Nana Caring, pero mas gusto ko po sa kubong naiwan ni Lolo ako manirahan,” ang magalang na pagtanggi niya.
Tila may gustong sabihin ang matanda pero nagdalawang-isip at hindi na itinuloy. Tumango na lang ito at nagbigay ng isang bungal na ngiti.
“Basta’t tatandaan mo lang na palaging bukas ang aming tahanan, ineng,” wika nito habang tinatapik-tapik ang mga kamay niyang magkabuhol sa kanyang harapan.
“O, siya, magpapaalam na ako. May pasyente pa ako sa kabilang baryo.”
“Opo. Maraming salamat po uli.” Inihatid niya ng tingin ang matandang babaeng malakas pa rin kahit na mahigit otsenta na ang edad.
Ganito rin kumilos ang kanyang Lolo Teban. Maliksi pa rin kahit na mahigit sisenta naman.
Ngunit dahil sa isang maliit na pagkakamali sa karkulasyon, biglang natapos ang masayang pagsasama nilang mag-agwelo.
Nagtataga ng kawayan na gagamitin sanang pampalit sa mga nabubulok na bakod, nang bagsakan ng mismong pinutol matapos lumiko habang nababali.
Hindi na nakailag si Esteban Ignacio nang pagewang na matumba ang puno ng kawayan na singtaba ng braso at singhaba ng poste ng palo-sebo. Tinamaan ito sa tagiliran ng ulo.
Nagkaroon ng pagdurugo sa loob ng utak na siyang ikinamatay nito matapos ang tatlong oras na mahimbing na pagtulog.
Ikatlong araw pa lamang ngayon, mula ng mangyari ang sakunang iyon. Hapon nang iuwi ng mga kasamahan mula sa kasukalan. Kahapon ng umaga naigawa ng kabaong.
At ngayong hapon nila inilibing.
Kung hindi nangyari kay Samantha, hindi siguro siya maniniwalang posibleng magbago ang takbo ng buhay ng isang tao sa loob lang ng tatlong araw.
Nung isang linggo lang, masaya silang nagbibidahan ng sari-saring kuwento tungkol sa maraming bagay habang naghahanda ng pagkain sa hapunan. Ganitong oras din yata iyon…
“Apo, malapit ka ng magdisi-otso. Tumatanda ka na. Wala ka pa bang balak mag-asawa? Aba’y bukas-makalawa, matrona ka na,” ang pabuskang wika ng agwelo.
Litaw ang mga namula at napudpod na ngipin dahil sa pagnguya ng nganga. Pero mas makaagaw-pansin ang mga matang tila mga hiyas na nagingislap.
Namana niya ang mga matang iyon. Kaya naman napakaraming binata sa kanilang baryo ang nararahuyong manligaw. Na lihim niyang ikinayayamot dahil nga walang-wala sa isip niya ang makipagligawan.
Aywan kung bakit pero ayaw niyang magplano ng tungkol sa pag-aasawa. Masaya at kuntento na siya sa simpleng pamumuhay nilang mag-lolo.
“Ang Lolo naman, ang bata-bata ko pa po para mag-isip ng tungkol diyan,” protesta ni Samantha pero nakangiti.
“Nagsasawa na po ba kayo sa akin?” Kunwa’y nilagyan niya ng himig-nagtatampo ang malambing na tinig.
“Hinding-hindi, apo ko. Kahit na habang buhay, gusto kong nandito ka lang sa piling ko,” ang maagap na bawi ng kanyang lolo.
“Pero kawawa ka naman kung paiiralin ko ang magiging makasarili. Paano kapag wala na ako? Mag-iisa ka na lang. Gusto ko sana, bago ako pumanaw, makita na kita na may asawa’t mga anak na magmamahal at mag-aalaga sa ‘yo.” Naging seryosong bigla ang tema ng pag-uusap.
Naibahan si Samantha ngunit pinalis din agad ang kaba na dumunggol sa dibdib niya.
“Mangyayari po ‘yan, Lolo. Sa takdang panahon, magkakaroon ng katuparan ang mga gusto n’yo,” pahayag niya.
Ngumiti uli ang matandang lalaki.
“Apo, kapag dumating ang panahong iyon, tinitiyak ko sa ‘yo na magiging maligayang-maligaya ako,” pangako nito.
“O, baka naman nadurog na ang isda diyan sa sinigang natin? Kanina pa ‘ata kumukulo ang sabaw. Aba’y kumain na tayo.” Biglang iniba ang usapan kaya nawaglit na agad ang kaba na idinulot ng mabigat na paksa.
Ngayon napapagtanto ni Samantha na nagpapaalam na pala ang kanyang mahal na Lolo Teban.
‘Paalam din sa ‘yo, Lolo,’ bulong niya habang inilalagay sa ibabaw ng puntod ang maliit na pumpon ng mga bulaklak na puti.
Sari-sari. May sampaguita, rosal, magnolia, at mga rosas.
Alam niyang magugustuhan ng agwelo ang pabaon niya dahil ang mga iyon ang malimit na ibigay sa agwela niya nung nagliligawan pa, ayon sa kuwento nito.
‘Tiyak na masaya na kayo, Lolo Teban, dahil magkikita na kayo ni Lola Rosa. Kumusta na lang po kay Inay… At kay Itay — kung nandiyan na rin siya…’ Ganito ang taimtim na panalangin ni Samantha.
Hindi pa siya ipinapanganak nang yumao ang kanyang Lola. Maliit pa siya nang pumanaw ang kanyang Inay.
Ayon sa sabi-sabi ng mga kapitbahay, hindi na raw nakayanan ng ina niyang si Sonia ang pambubugbog ng lasenggong asawa kaya namatay.
May mga narinig pa nga siya na pinatay ng lalaki ang babae dahil sa matinding selos.
Magmula nang malagutan ng hininga ang huli, hindi na nakita pa ni anino ng kanyang ama. Ni hindi nga raw nakipaglibing.
Nung itanong niya sa agwelo ang tungkol sa mga kuwentong naulinigan, tulak ng musmos na kuryosidad, pinabulaanang lahat ang mga naturang istorya.
“Gawa-gawa lamang ng mga dilang makakati ang mga kuwentong ganyan, apo ko. Huwag kang makinig at maniwala sa kanila. Malalason lamang ang puso’y isipan mo,” ang matatag na pagkakaila ni Lolo Teban noon.
Sinunod ni Samantha ang mahigpit na payo ng kanyang lolo. Kinalimutan niya ang mga narinig na haka-haka. Aywan lang kung bakit nagsisilutang ang mga iyon ngayon. Marahil, epekto ng mga biglaang pagbabago sa buhay niya.
Inihatid siya ng ilang kapitbahay sa munting kubo. Pinatuloy niya ang mga ito upang magmeryenda ng sinokmani at tsaa.
Masinop silang mag-Lolo. May nakaimbak silang malagkit na bigas at mga dahon na kapareho ng sa tsaa ang lasa kaya hindi naging problema ang ipapakain sa mga nakiramay at naglamay.
“Kumain po sila,” ang magalang na alok niya habang inaalis ang mga dahon ng saging na nakatakip sa bilao ng kalamay-bigas.
Kinuha niya sa kalan ang mauling na takuri upang magsalin ng umuusok na tsaa sa mga tasa na yari sa metal.
“Narito po ang asukal. Kayo na po ang maglagay para ayon sa inyong panlasa.” Itinulak niya palapit ang garapon ng pulang asukal at basong may mga kutsara.
“Kuu, nag-abala ka pa naman, ineng,” wika ng isa sa mga manang na magdadasal. “Magpahinga ka na lang. Kami na dapat ang nagsisilbi sa ‘yo, a?”
“Oo nga naman, ineng,” sang-ayon ng tatlo pa. “Halika, maupo ka dine. Kagabi ka pa hindi humihipo ng pagkain. Baka kung mapaano ka naman.”
Nagpaakay siya nang hawakan ng dalawa ang magkabilang kamay niya upang hilahin siya patungo sa mahabang upuan na yari sa kahoy at kawayan.
Tinanggap din niya ang platito at tasa na iniabot dahil nakaramdam siya ng panginginig na dulot ng pagod, gutom at puyat.
“S-salamat po,” sambit niya bago lumagok ng mainit na likido.
“Iaayos na namin dito ang altar, Ka Miling,” anang ikaapat. “Sisindihan na rin ba ang mga kandila?”
“Oo,” tugon ni Ka Miling. “Magdasal na tayo — at ng makauwi nang maaga-aga.”
Pinanood ni Samantha ang limang mga babae na pawang nakasuot ng bestidang itim. Maipagkakamaling kasamahan siya ng mga ito sa grupo dahil gayundin ang kasuotan niya.
Iba nga lang siya dahil napakabata niya at napakanipis ng kanyang pangangatawan.
Nasa aktong luluhod na ang lima nang may kumatok sa pintuang sawali ng kubo. Sabay-sabay silang nagsilingon sa bukas na pinto.
Isang pandak na bilugang babae na may maputing buhok ang bagong dating. Mula sa likuran nito, isang matangkad at matandang lalaki ang lumitaw.
Kapwa may lungkot sa mukha ng dalawa.
Si Ka Miling ang unang nakabawi sa pagkabigla. Humangos ito sa pagtayo at sa paglapit sa mga bisita.
“Ate Simang!” bulalas nito habang hinahawakan ang isang kamay ng babae upang magmano. “Este, magandang hapon po, Senyor Adolfo,” ang magalang na bati nito sa lalaki. Yumukod pa nga nang mahagya.
Tumindig ang napapamaang na dalaga. Kahit na hindi niya kilala ang mga panauhin, dapat niyang estimahin ang mga ito dahil siya ang nakatira sa bahay na pinuntahan.
Napapatda siya sa paglapit nang makitang nakatitig sa kanya ang tinawag na Senyor Adolfo. Nailang siya dahil parang kilala siya nito kung tingnan — at ngitian – si Samantha.
“A-ano po ang maipaglilingkod ko sa kanila?” tanong niya. Nakabadha sa kanyang maamong mukha ang pagkamaang.
“Uh, sino po sila?” dugtong niya. Taglay pa rin ang ka-prangkahan ng kamusmusan kahit na ang ilang bahagi ng katauhan ay biglang tumanda at sumeryoso dahil sa pighati.
“Ako si Adolfo Morales,” pagpapakilala ng matandang senyor. “Ako at ang iyong Lolo Esteban ay dating magkababata — at matalik na magkaibigan.”
Nanlaki ang mga mata ni Samantha sa narinig. Hindi siya makapaniwalang kaharap niya ngayon ang may-ari ng mansiyon sa talampas.
At labis siyang nabigla na matuklasang kakilala pala ito ng nasirang agwelo. Ni minsan, hindi man lang nabanggit ni Esteban Ignacio ang pangalang Adolfo Morales.
“Alam kong mabibigla ka,” patuloy ng kausap habang may dinudukot sa bulsa na kamiseta. Isang papel na nakatiklop nang mahaba. “Sinabi ni Teban sa sulat niya sa akin kamakailan na hindi mo ako kilala — at tiyak na magugulat ka kapag nagkaharap na tayo.”
Napakunot-noo na si Samantha sa yumayabong na pagkalito.
“A-ano’ng — ? May sulat po sa inyo si Lolo — ?”
Tumango ang senyor. Iniabot sa kanya ang liham.
“Basahin mo para mas madali mong maunawaan ang sitwasyon,” utos nito.
Kusang umangat ang isang kamay niya para tanggapin ang papel.
“M-maupo ho muna kayo,” alok niya.
Ang mga manang na naudlot sa pagdarasal ay abala na sa paghahanda ng pagkain at inumin para sa ilustradong panauhin.
“Oo. Salamat, hija.” Pinaunlakan rin ng senyor ang alok na kalamay at tsaa.
Huminga muna ng malalim ang dalaga bago binuksan ang liham. Sa unang tingin pa lang, sigurado na siyang si Lolo Teban ang may-ari ng sulat-kamay.
Madiin ang pagkakaguhit ng bolpen sa papel at malalaki ang mga letra. Parang batang munti ang may gawa. Palibhasa, bihirang magsulat ang kamay na mas sanay humawak ng itak at haras.
‘Mahal kong kaibigang Adolfo,’ umpisa ng sulat.
‘Sumulat ako dahil nais ko ng tapusin ang ating tahimik na giyera. Matanda na ako at pagod ng makipagtikisan sa isang matalik na kaibigan. Hindi ko pa nakakalimutan ang ating nakaraan, pero lumipas na ang hapdi at ang sakit. Sana ay gayundin sa ‘yo. Ibig kong ipabatid sa ‘yo na mahal pa rin kita, sa kabila ng lahat. Na matagal na matagal na akong nakapagpatawad. Sana’y gayon ka rin.
Sumasaiyo, Esteban Ignacio.’
Nanlalabo sa luha ang paningin ni Samantha nang matapos siyang magbasa ng tahimik. Ibinaling muna niya ang mukha upang punasan ng panyolito ang mga mata at pisngi.
“Mayroong pahabol sa likod, hija,” wika ni Senyor Adolfo. “Basahin mo.”
Tumalima siya nang makabawi ng kalma. Sisinghut-singhot, tinunghayan niya ang itinuro ng matandang lalaki.
‘Bilang patunay ng aking katapatan na makipagbati na, nais ko sanang ipakilala sa ‘yo ang apo namin ni Rosa. Ipinagdamot ko siya noon, dahil alam kong masasaktan ka. Nagsisi ako ng labis.
Naging makasarili ako.
Pero ngayon ay handa na akong tupdin ang naging suhestiyon mo noon sa akin. Kaya kung interesado ka pang makilala ang aking apong si Samantha, mangyaring magpadala ka ng kasagutan.
Ihahanda ko ang inyong pagkikilala upang hindi siya mabigla. Wala siyang kaalam-alam sa ating masalimuot na kahapon.
Teban.’
Ano’ng motibo ni Lolo Teban? Bakit gusto siyang ipakilala kay Senyor Adolfo?
Nagsalimbayan ang mga katanungan habang humuhulas ang pagkatigagal ni Samantha.
Nakakakilabot isipin, pero parang alam na ng agwelo niya na malapit na itong mamatay. Para bang matagal na itong nakakaramdam ng pamulaw…
“Kararating ko lamang buhat sa ibang bansa, hija. Kaninang umaga ko lamang nakita at nabasa ‘yan,” ang malungkot na pahayag ni Senyor Adolfo matapos ang mahaba-habang katahimikan.
“Kung hindi ako umalis nung isang buwan, disinsana’y nagkita pa kami ni Teban. At kung hindi ako nagpatumpik-tumpik sa pagparito pagkatapos kong mabasa ang sulat na ‘yan, disinsana’y nakahabol pa ako sa libing niya.” Bahagyang gumaralgal ang tinig sa huling pangungusap. Tigib sa panghihinayang at pagdadalamhati.
Ramdam na ramdam ni Samantha ang paghihirap ng kalooban ng matanda. Nag-apuhap siya ng mga salitang makakabawan sa sakit.
“H-hindi po naman siya nahirapan bago namatay, Senyor Adolfo. Nawalan po siya ng malay-tao at hindi na muling nagising. P-parang natutulog lang po siya,” wika niya, sa tonong nang-aalo.
Pumikit ang senyor. Tila umusal ng maikli at taimtim na panalangin.
“Mabuti kung gayon, hija. Masyado nang maraming hirap at sakit na dinanas ang aking kaibigan. Salamat at hindi siya sinundan hanggang kamatayan,” sambit nito kapagkuwan.
Tulak ng kung anong puwersa, ipinatong ni Samantha ang isang kamay sa kulubot na kamao ng matandang lalaki. Pinisil iyon ng maiikling daliri bago nagsalita.
“K-kahit na hindi ko alam kung ano ang mga nangyari sa inyo ni Lolo, sigurado po ako na wala na siyang kinikimkim na galit at poot sa kanyang dibdib habang ako ay lumalaki sa kandili niya,” pahayag niya.
“Ang sulat pong ito ay pormalidad na lamang, Senyor Adolfo. Matagal na matagal ng nakipagbati sa inyo si Lolo. Nahiya lamang siya marahil ipaalam sa inyo agad.”
“Talaga, hija?” Tila nagtagumpay siya na paglubagin ang kalooban nito. Nanumbalik ang ngiti sa mga labing matagal at manipis. “Natutuwa akong marinig ‘yan, hija. Salamat. Napakabuti mo. Ikaw nga ay apo ni Rosa.”
Ikinatuwa ni Samantha ang nabakas na pagmamalaki sa huling sinabi ni senyor. Parang papuri iyon sa kanyang pandinig, bagama’t hindi niya maintindihan ang talagang kahulugan.
“Maraming salamat po,” sambit niya. Mas natural na ang ngiting sumilay sa kanyang mga labi.
Naghari ang saglit na katahimikan habang nagpapalitan sila ng mga ngiti ng pakikipagkaibigan.
Ang senyor ang unang nagsalita.
“Siyanga pala, ang kasagutan na hiningi ng aking kaibigang si Teban ay ako — ang pagpunta ko ng personal,” umpisa nito. Seryoso na uli.
“Nabigla ako nang malaman ko mula sa aking mayordoma na si Simang na wala na si Esteban. Pero kanina pa ‘yon. Bago ako nakarating dito, nakapagpasiya na ako, hija.”
Pigil-hininga si Samantha habang hinihintay ang susunod na sasabihin ng kaharap. Aywan kung paano niya nagagawa, pero parang nahuhulaan na niya kung ano ang ‘pasya’ ni Senyor Adolfo Morales.
“Ngayong nag-iisa ka na lang sa buhay, nais kong ipahayag sa lahat ng mga nandirito,” patuloy ng senyor habang tinatanguan ang limang may edad na babaeng kanina pa nagiging saksi sa pag-uusap nila, “na ikaw ay inaanyayahan kong manirahan sa aking tahanan bilang ampon ng aking pamilya. Sana ay huwag mong biguin ang aking alok, Samantha.”
Nagulat ang dalaga dahil nagkatotoo ang hula niya!
Inakala naman ng kaharap na pagtutol ang unang reaksiyon niya. “Pumayag ka na, hija — alang-alang sa ‘yong Lolo Teban. Tiyak na hindi siya matatahimik hanggang walang kasiguruhan ang iyong kinabukasan,” pangungumbinsi nito.
Huminga nang malalima ng dalaga. Natutukso siya. Parang may nag-uutos sa kanya na pumayag na.
“P-pag-iisipan ko po muna siguro, Senyor Adolfo,” pahayag niya matapos makipaghamok sa sarili. “Pasensiya na po,” dugtong niya. Ayaw niyang masaktan ang damdamin nito.