Do you still think of someone important from your past even though this person hurt you very badly? Do you dream of meeting someone who can be yours forever?
Maraming taon na ang nakalipas magmula nang unang kumaway ang pag-ibig sa puso ni Dylan – na dahil sa pagiging inborn manhater – ay pinilit niyang labanan ang namumuong atraksiyon sa pagitan nila ng isang lalaking singtayog ng langit ang layo sa kanya.
Dapat lang na nanlaban siya dahil tiyak na siguradong masasaktan lang siya.
At nang muli silang magtagpo ni Bien, hindi pa rin pala nawawaglit ang pagkabaliw niya… Hindi pa rin pala siya nakakalimot…
Ngunit masyado pa ring malayo ang agwat nila sa isa’t isa.
* * *
Mabigat ang backpack na nakasukbit sa magkabilang balikat ni Dylan. Gayundin ang manual camera na nakasabit naman sa leeg niya.
Pero di niya alintana ang anuman, maliban sa ‘subject’ na pinag-aaralang kunan ng letrato.
Isang babae na may kargang sanggol ang namataan — at umagaw sa atensiyon — niya. Para bang may naantig sa kalooban niya, nang makita ang tanawing puno ng masuyong pagmamahal.
Matapos magpalakad-lakad habang kinakarkula sa isipan ang iba’t ibang anggulo at timpla ng liwanag, hinawakan niya ang kamera para silipin ang mag-ina sa lens.
Ilang sandali pa, sunud-sunod na ang pagpindot ng daliri niya sa buton. Kinunan niya ang maraming anggulo upang maraming pagpilian kapag na-developed na ang film.
Nang maubos na ang ikinargang rolyo, hindi pa rin umalis sa lugar na iyon si Dylan. Nakatitig pa rin siya sa babae at sanggol.
Paano’y nakakapanaghili ang tagpong napapagmasdan. Parang napakapayapa ng daigdig ng dalawang nilalang na ito. Sa gitna ng magulo at hungkag na mundo, iyon ay isang himala.
‘Himala,’ ulit ni Dylan sa sarili. Gusto rin ba niya ng himala?
Napangiti siya sa imposibleng tanong. Ngunit agad ring naglaho ang ngiting iyon.
May nadanggil kasing sensitibong bahagi sa kanyang kalooban. Matagal na kasing kabagut-bagot ang buhay niya. Matagal na rin siyang naghahanap ng bagay na pupuno sa lumalaking guwang ng lumbay.
Isang anak kaya ang makakapagpabalik ng nawawalang saya at kakuntentuhan sa kanyang puso? Hindi pa rin maligaya kahit nagbunga na ng maraming tagumpay ang mga pagsisikap niya. Wala kasi siyang anak na mapapag-ukulan ng mga resulta ng pagsisipag niya.
Pero ayaw naman niyang mag-asawa. Hindi siya naniniwalang kailangan niya ang isang lalaki para lang mabuhay sa mundo.
Isa siyang ‘manhater’ at ‘feminist’.
Nung bata siya, nasaksihan niya ang kalupitan ng lasenggong ama sa martir na ina. Na ikinamatay ng huli.
Kaya hanggang sa nagkaisip at nagdalaga, nanatili sa kanya ang poot laban sa mga kalahi ni Adan. At nung iskolar pa siya ng kursong Potograpiya, naging aktibo siya sa mga samahang kababaihan na may kinalaman sa pagsugpo sa brutal na puwersa ng kalalakihan.
Nang maging prupesyonal at international photographer, medyo lumawak na ang pananaw niya. Nitong nagdaang mga taon, habang naglalakbay siya sa iba’t ibang bansa, nakakita siya ng maraming mukha ng kalupitan. Nadiskubre niyang hindi pala esklusibo sa mga lalaki ang maging mapanakit at bayolente.
Ngunit parang napakatagal na panahon na iyon. Ngayon pa lamang niya napapagtanto na unti-unti na palang binura ng panahon ang mga sugat ng nakaraan.
‘Oo, gusto niyang magkaanak.’ Bigla na namang sumulpot mula sa kaibuturan ang kahilingang iyon.
Paano?
Kailangan niya ang isang lalaki, para makatuwang sa paglikha ng anak. Kahit na isang magdamag lang…
May lalaki ba namang papayag na maging babymaker?
Meron siguro — sa tamang presyo. Moderno na ang panahon ngayon. Kung sa tamang lugar siya maghahanap ay tiyak na may matatagpuan siya. Pero gusto ba niya ng lalaking may mumurahing pagkatao?
Bakit hindi na lang siya magpabuntis by artificial insemmination?
Agad niyang pinalis ang ideya. Napaka-impersonal naman ng paraang iyon.
Ang nais sana niya ay makapamili ng lalaking may mga katangiang mamanahin ng magiging anak. Tutal, minsan lang.
Saan naman kaya siya maghahanap ng ganoong klaseng lalaki?
* * *
Hanggang sa mga sumunod na araw at linggo, ang naturang ideya ay nanatili sa loob ng utak niya. Ayaw mapalis kahit na sabihing ridikuloso at hibang ang gusto niyang mangyari.
Kahit na abalang-abala sa kanyang trabaho. May pinaghahandaan kasi siyang isang major photography exhibit, kaya palaging pata ang buong katawan sa araw-araw na paglilibot upang maghanap ng mga ‘subjects’ na kukunan ng larawan.
Pero hindi ang kanyang isipan. Nagiging obsesyon na niya ang layuning magkaroon ng anak.
Kaya naman nagiging interesado na siyang tumingin sa mga lalaking nakikita sa paligid. Ang bawat isa ay nagmimistulang kandidato na hinahanap niya para maging ama ng kanyang unica hija. Ang ibig niyang maging anak ay babae.
Sisiguraduhin niyang babae ang magiging supling.
Sa malas naman, wala siyang magustuhan sa mga kalahi ni Adan na nakakadaupang-palad.
Wala yatang lalaking papasa sa mataas na sukatan niya!
Nasa loob siya ng darkroom, nang tumunog ang telepono sa salas. Nagde-develop siya ng ilang rolyo ng film, pero papatapos na kaya hinayaan munang mag-ingay ang mekanismo. Kung importante ang pakay, tiyak na tatawag uli ang caller.
Matapos iipit ng mga plastic clips ang mga bagong developed na pictures sa wire na mistulang sampayang nagsalimbayan sa isang panig ng silid na may pulang ilaw, lumabas siya at nagtungo sa kusina upang magtimpla ng orange juice para sa sarili.
Two-storey ang townhouse unit na binili kamakailan lang. Ang buong second-floor ay ginawa niyang studio. Pinalagyan niya ng sky-roof para palaging maliwanag. Sinadyang kaunti lang ang mga kasangkapan upang maging maluwang lalo sa tingin.
Sa dulong bahagi, kungsaan hindi sakop ng mga salaming bubungan, ay nakasabit sa bawa’t ispasyo ng dingding ang mga naka-framed na blown-up pictures ng nagbigay ng mga tropeo at plakeng napanalunan sa mga kumpetisyon.
Ang bedroom, living room, dining room, at kitchen ay pawang nasa ibaba. Ipina-renovate nang maayos ang servant’s quarter para maging silid-tulugan niya. Siya na lang umokupa dahil wala siyang planong magkaroon ng kasambahay o katulong sa bahay. Sanay siyang mag-isa.
Piling-pili ang mga appliances niya. Pulos nakaakma sa isang independent individual na katulad niya. Heavy-duty washing machine with dryer, steam desk iron, dishwasher, vacuum cleaner, at marami pang iba. Ang lahat ay nanggaling sa pawis, talento at tiyaga niya.
Ang kanyang two-door refrigerator ay palaging well-stocked sa mga ready-to-eat frozen foods. Isa pa, mas gusto niya ng sariwang prutas at malamig na tubig lang. Kaya palagi siyang may bitbit na kahit na anong prutas sa tuwing uuwi.
Kasalukuyan siyang nagbabalat ng saging, nang muling kumuriring ang telepono. Ginamit niya ang extension line sa kusina kaya madaling natugon ang tawag.
“Hello? Dylan Merino speaking. Who’s on the line, please?” ang awtomatikong sambit niya.
“Dy! ‘Buti’t ‘andiyan ka. Si Macy ‘to.” Tila tuwang-tuwa si Macy Rivera, ang agent/manager niya, pagkarinig sa kanyang boses.
“O, Macy, hi! Ikaw ba ‘yung kumokontak kanina?”
“Yup, ako nga. May importante akong sasabihin sa ‘yo.”
“Tungkol sa exhibit?” panghuhula niya.
“Mali. May good news ako sa ‘yo.”
Sumimsim muna siya ng orange juice, bago nagsalita. “I guess, more work na naman ‘yang news mo,” pambubuska niya.
Humagikhik ang nasa kabilang kawad. “For the first time, business with pleasure ang natanggap nating alok,” salo ni Macy. “Hindi ba’t naghahanap ka ‘kamo ng lalaking babymaker?”
Minsan na nga niyang nabanggit ang tungkol sa naturang ideya. “Don’t be too casual about it, Macy,” bawi niya. Medyo sumeryoso. “‘Coz I’m kinda serious, y’know.” Hinaluan niya ng slang accent ang punto para hindi maging mabigat ang dating sa di-nakikitang kausap.
“Serious din ako. Makakatulong sa work style mo ang magkaroon ng mas romantic outlook sa buhay. May pagka-depressive kasi.”
“Meron namang love theme sa mga trabaho ko, a?” pagtatanggol ni Dylan. “Hindi mo ba nakita ‘yung mother-and-baby picture?”
“Of course, nakita. Ang sinasabi ko ay tungkol sa romance at sex.”
“Heto na naman tayo, Macy. Maya-maya lang, itatanong mo na naman kung ano ba talaga ang sexual preference ko.”
“At ang isasagot mo naman ay ‘it’s none of my business’!” agap ni Macy.
“Tutoo naman. My sexlife is a private part of my life, as an artist.”
“Tutoo ‘yan. Naniniwala rin ako d’yan, pero simula nung magkasunud-sunod ang pagkapanalo mo sa mga photography art competition — naging public property ka na rin. Matagal ka nang celebrity, y’know. At ang mga fans mo ay palaging nauuhaw sa mga latest happenings ng ‘exciting life of a very cool female photographer,’ which is a quotation from a prestigious magazine!” ang mahabang pahayag ni Macy.
Umiling-iling si Dylan. Naubos na niya ang kinakaing saging habang nakikinig. “We’re getting far from the issue, Macy,” paalala niya. “Ano ba’ng dahilan ng pagtawag mo?”
“Oo nga pala. Ang galing mong man-distract, e. Nakalimutan ko na ‘ata.”
“May kuneksiyon tungkol sa hinahanap kong lalaking babymaker.”
“Oo nga pala!” Nanumbalik ang sigla sa tinig ni Macy. Nagmistulang bolang bilog na tumatalbug-talbog, katulad ng bilugang katawan nito. “Naku, pihong matutuwa ka nga! Heto na ang dream father ng iyong dream child!”
“Gusto ko siyang ma-meet muna, siyempre,” pakli niya.
Hindi man nagpapahalata, natutuwa na rin si Dylan. Sinadya niyang mag-confide sa agent/manager para may makatulong siya sa paghahanap.
“Oo naman, siyempre,” sang-ayon nito. “Can you have dinner with him tonight?”
“Tonight? Atsaka, bakit ako lang? May nabanggit kang ‘business’, a?”
“O, e, di ba’t ‘business’ ang tungkol sa ‘babymaking matters’?” Halatang nagpipigil sa pagtawa ang nasa kabilang kawad.
“Stop teasing me, Macy,” saway niya.
Hindi na pinigil ni Macy ang paghalakhak. Tila galak na galak.
Hinayaan niya muna ang kausap. Matiyaga siyang naghintay sa muling pagtino nito.
“I’m sorry, Dy. Natutuwa lang talaga ako sa mga gumagandang pangyayari,” ang matalinhagang wika nito. “Tiyak kasing matutuwa ka sa magiging arrangement n’yo, e.”
“Sino ba ang lalaking ‘to?” Nai-intriga na tuloy siya nang husto.
“Well, kilala mo siya. According to him, kilalang-kilala mo raw siya.”
“Macy, sabihin mo na kasi,” utos ni Dylan. Eksasperado na ang tono niya.
Pero tumawa lang uli si Macy. “Be ready at seven sharp, Dy. Darating na ang iyong babymaker!” panunudyo pa nito.
“Macy, gusto kong samahan mo ako,” hiling na lang niya.
“No chance. Hindi natin siya kliyente, so hindi kailangan ang presence ng agent/manager,” katwiran nito.
“Then, be there as a good friend.”
“Oh, I’m sorry, Dy, but I shall be having dinner with an intimate friend.”
Hindi niya kaharap ang kausap kaya hindi matanto kung ito ay nagsisinungaling o hindi. Pero sigurado siyang bubungisngis na naman ito.
“I-cancel mo na lang kaya ang dinner date namin ng iyong mysterious babymaker,” suhestiyon niya. Medyo mataray na ang tono.
Pero kabisado na ni Macy ang personalidad niya. Hindi siya madaling magalit. Bukod pa sa pagiging matatag at malaya. Pati na ang pagiging makabago — pero pihikang panlasa.
“Why not do it yourself? ‘Pag punta niya d’yan mamaya — tanggihan mo siya.”
“E, di nasayang na ang oras niya? Ibigay mo na lang kaya sa akin ang number niya?”
“No way. Mahigpit ang bilin ni Mr. Babymaker.”
Hindi na halos maikubli ni Dylan ang napupukaw na interes. Habang nakikipag-usap, iniisa-isa na niya ang mga kakilalang lalaki sa loob ng isipan.
“Sino ba talaga siya, Macy?” pangungulit na niya.
“Surprise!”
“I don’t like surprises,” giit niya. “I won’t meet him,” dagdag pa niya.
“Well, you should meet him, if I were you,” ang preskong salo ni Macy. “You’ll need his sperm cells to create your baby. So, good luck and goodbye. Kuwentuhan mo ako, ha? Bye!”
“Macy — ” Napahinto siya dahil dial tone na lang naririnig sa linya.
‘Sino kaya ang misteryosong lalaking iyon?’ tanong na lang niya sa sarili.
Dahil sa kaiisip sa identidad ng misteryosong lalaki, hindi na namalayan ni Dylan ang pagsapit ng takipsilim.
Hindi nga rin niya napansing awtomatiko siyang nag-imis sa palibot ng townhouse, habang patuloy sa paghalungkat sa loob ng memorya.
Bahagya na nga lang niya naulinigan nang tumunog ang doorbell. Nagba-vacuum kasi siya sa ikalawang palapag. Paglilinis ng paligid ang theraphy niya sa frustration.
“Gabi na pala!” sambit niya, pabulalas. Parang bigla siyang nagahol. Kaipala, ikinukubli lang niya ang nadaramang pagkasabik ukol sa pagdating ng sorpresang dinner date.
Sumulyap siya sa wall clock. Menos kinse para alas siyete pa lang. May panahon pa siya para magprepara.
Simple lang naman siyang mag-ayos ng sarili. Pants at blouse na parehong neutral-colored, kaunting make-up, at kaunting hair gel para sa napakaikling gupit ng buhok niya.
Maingat siyang lumapit sa peephole para silipin ang nasa labas. Ngunit nadismaya lang siya nang makita ang isang unipormadong driver.
Binuksan niya ang pinto nang bahagya. “Sino sila?” tanong niya habang tinatanaw ang nakaparadang malaki at mamahaling sasakyan na usung-uso ngayon.
Nagkamot ng batok ang drayber bago nag-alis ng sumbrero. “Gud ibning, mam. Dito po ba nakatira si Miss Dylan Merino?” ang magalang na tanong nito.
Tumango siya. “Sino sila?” ulit niya.
Nailang ang drayber. Nagkamot uli. “Este, ma’am, ako si Mang Floring. Pinapunta ako ni, este, ng ser ko para sunduin ka.” Halatang nagtataka ito dahil tila hindi pa siya nakahanda sa pag-alis. “M-mayroon daw kayong formal dinner — ?”
Tumango siya. “Alas siyete pa ‘yon, di ba?” salo niya.
“O-oo, ma’am — ”
“May ilang minuto pa ako. Maaari bang maghintay ka muna d’yan, Mang Floring?” bawi niya.
Sunud-sunod ang pagtango nito.
“Kasama mo ba siya?”
Tumango uli ang kaharap.
“Buweno, lalabas ako mamayang eksaktong alas siyete,” pangako niya bago isinara ang pinto.
Sigurado siya dahil walang masyadong seremonya sa paliligo, pagbibihis, at pagme-make-up. Lalo na sa pagsusuklay.
Nag-shampoo muna ng maikling buhok. Habang binabanlawan ang ulo sa pinong bugso ng shower, nagsasabon ng mukha at katawan. Nasa gayong ayos pa rin, habang nagsisipilyo ng ngipin. Kaya pag-ahon niya, tuluy-tuloy na siya sa paglabas ng banyo.
Katabi ng aparador ang dressing table. Sa tapat na niyon niya isinuot ang kinuhang mga damit. Kaya habang nagbibihis, napipili na niya kung anong shade ng kolorete ang ipapahid sa mga labi at talukap ng mga mata.
Kaiba si Dylan sa mga artistikong tao. Hindi siya plamboyante sa pananamit at hindi rin temperamental ang ugali. Ang tanging idiosyncracy lang yata niya ay ang pagiging celibate.
Mababago na kaya iyon — ngayong gabi at sa darating na magdamag…?
Nagkibit siya ng isang balikat. Kailangan muna niyang supilin at itago ang umaalsang tensiyon. Hindi pa niya alam kung sino ang lalaki.
‘According to him, kilalang-kilala mo raw siya.’ Nagbalik sa alaala niya ang tinuran ni Macy kanina.
At iyon ang dahilan ng masinsinang paghalukay niya sa memorya. Ngunit kahit na nahukay na ang kailaliman ng mga nakaimbak na gunita, wala siyang maalalang lalaki na nakakakilala sa kanya nang husto. Mailap at madulas siya nuong araw hanggang sa bago siya nagdesisyong magkaroon ng anak…
Ipinilig ng dalaga ang ulo. Wala nang saysay ang pasakitin pa niya ang ulo. Magkikita na sila ng mahiwagang dinner date. Dinampot niya ang maliit na shoulder bag, para paglagyan ng mini-cosmetic case at ilang abubot.
Pati ang silk blazer para panangga sa hamog ng gabi. Nasa mga bulsa na ng pantalon niya ang keychain at wallet.
Tatlong minuto bago sumapit ang ika-pito, papalabas na ng pinto si Dylan.
Hindi niya napigil ang mapangiti nang makitang gulat na gulat si Mang Floring. Halatang hindi naniwala sa pangako niya.
Sa katarantahan, napa-saludo pa ito habang nagdudumaling tumindig mula sa pagkakaupo sa baytang ng mababang hagdan ng patio.
“Nainip ba kayo?” tanong niya matapos hilahin pasara ang malapad at solidong dahon ng front door. Awtomatiko na ang pag-’switch-on’ ng nakakabit na burglar’s alarm sa lahat ng mga bintana at iba pang pintuan sa kabuuan ng townhouse unit.
“Ha, a, e, hindi naman, ma’am.” Ipinagbukas siya ng tarangkahan ni Mang Floring.
“E, siya kaya?” Ang tinukoy ay ang pasaherong nasa loob ng sasakyan.
Naging matalinhaga ang ngiti ng may edad na lalaki. “Si ser na yata ang pinaka-pasensyosong tao na nakilala ko,” pagmamalaki ni Mang Floring.
“Talaga?” sambit ni Dylan. Sa kanyang propesyon, marami siyang kilalang ‘pasensyosong tao’!
“Sakay na kayo, mam.” Binuksan ni Mang Floring ang pinto sa likurang bahagi ng behikulo.
Tinted ang mga bintana ng sasakyan at madilim pa ang interyor, kaya hindi pa rin maaninag ni Dylan ang okupante kahit na papasakay na siya.
“P’wede na ba kitang makita?” Nakatitig siya sa aninong nakaupo sa kabilang panig. Imposibleng makilala niya ito dahil nakasuot ng black shades at nakatago pa sa dilim.
Naulinigan niya ang mahinang pagtikhim nito bago tumugon. “P’wede bang kapag nasa maliwanag na lugar na tayo?” ganting-hiling ng baritonong tinig.
Pamilyar sa pandinig ni Dylan ang boses, ngunit parang nalito siya sa kakatwang sensasyon na nilikha niyon at gumapang sa gulugod niya.
Ni hindi sumagi sa isip ng dalaga ang umatras at umibis habang nanduruon pa sa tapat ng tinitirhan.
“Sure,” tugon niya. Sinadyang i-blangko ang tono.
“Thanks.” Kaswal din ang lalaki.
Tinanaw niya ang townhouse habang papalayo sila. Maaliwalas ang kapirasong orchidarium sa lawn garden dahil nakasindi ang mga pinlights sa paligid at ang patio light sa harapan.
Naglaro na agad sa imahinasyon niya ang isang musmos na malikot at masigla. Hindi akma ang masikip na hardin sa isang batang punum-puno ng enerhiya. Kailangan pala niyang maghanap ng ibang bahay na may maluwang na playing area.
“Ano’ng iniisip mo, Dylan?”
Tila hindi gusto ng kasama sa sasakyan ang paglalayag ng atensiyon niya rito.
Pero tumanggi siyang luminga sa gawi nito.
“Nangangarap ako ng gising,” pag-amin niya.
“Tsk! tsk! Hindi ka pa rin nagbabago, Dylan, the Dreamer,” pambubuska nito.
Natigilan ang dalaga. Isang lalaki lang ang nagbigay ng gayong nickname sa kanya. Noon pa. Matagal na matagal na… pero imposibleng iyon ang lalaking ito!
“B-bien?” sambit niya. Nag-aalangan. “Bien Donceras?”
“I must say, I’m impressed,” wika ng lalaki. Kinalabit nito ang switch ng ceiling light, kaya biglang bumaha ang dilaw na iluminasyon sa interyor ng sasakyan. Nag-alis din ito ng shades.
“Hindi ko akalain na matatandaan mo pa ako,” dagdag ni Bien. May bahagyang ngiti sa matigas na hubog ng bibig.
Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatitig sa kaharap. Hindi siya makaimik dahil hindi makapaniwala.
“And why the shocked expression? Nangako ako sa ‘yo na magkikita pa rin tayo pagdating ng araw, di ba?” patuloy ng mapanudyong tinig.
Saka lang nakabawi si Dylan, pero bahagya lang. Kailangan pa niyang puwersahin ang dila upang makapagsalita.
“H-hindi ‘yan ang eksaktong sinabi mo noon, Bien,” pagtatama niya. Medyo mabuway pa rin ang pagsasalita.
“Ah, yes, you’re right,” sang-ayon ni Bien. Sardoniko ang ekspresyon. “Ang sinabi ko nga pala ay magiging akin ka pagdating ng araw, di ba?” Idiniin nito ang katagang ‘akin’. “Na mahihinog ka at kusang magpapaangkin sa akin,” dugtong pa, halos paanas na.