Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

WOMAN IN HIS DREAMS

Rafael was having strange dreams… There’s always a woman in his arms — but she’s not his wife!

Is it possible to feel you know someone very much before a personal meeting? He certainly felt connected with a mysterious girl named Marie… But who is Alona?

Nagtataksil ba si Rafael sa kanyang asawa dahil ibang babae ang palaging kasama sa mga panaginip?

Sa paglipas ng panahon, nakumbinsi niya ang sarili na bunga lang imahinasyon ang misteryosang babae. Kaya gayon na lang ang kanyang pagkamangha nang magkakilala sila ni Marie sa personal. Lalo na nang tila maramdaman niyang tila kilalang-kilala na nila ang isa’t isa. The physical attraction between flared instanly.

Si Marie nga ba ang babaeng napapanaginipan ni Rafael?

Ngunit mayroong lihim si Marie. Siya ang dating si Alona na kakilala ni Rina, ang asawa ni Rafael…

* * *

Palaging nagsisimula ang panaginip sa tagpong nakahiga si Rafael sa kama. Lango sa alak ang diwa pero ang katawan ay gising na gising.

At mainit na mainit. Nagpupumiglas ang pagnanasa…

Maririnig niya ang sarili na umuungol. Bumibiling-biling pa nga ang ulo niya sa unan. Nakadaklot ang mga daliri sa kubrekama.

Ngunit habang pinaglalabanan niya ang kahinaan ng laman, lalo lamang siyang nahihirapan.

Pinagpapawisan siya.

Hinihingal.

Nababalisa.

Maya-maya’y bumalikwas siya ng bangon. Pabigla. Pupunta sana sa banyo nang mapapatda sa pagtindig. Paano’y sinalubong siya ng isang aparisyon na di-kapani-paniwala.

Madilim ang paligid ng silid-tulugan, pero may kaunting iluminasyon na nagmumula sa labas ng bintana. Kaya naaaninag niya ang hugis ng isang babaeng marahang lumalakad palapit sa kanya.

At habang nakatitig siya, unti-unti niyang napagtatanto na wala itong saplot sa buong katawan.

Hubad ang mayamang dibdib. Maliit ang beywang pero bilugan ang balakang.

Mahaba ang buhok. Tuwid na tuwid. Natitiyak niyang diretso ang buhok ng babae dahil sa kinang ng liwanag.

Nasabik agad siyang mahipo at mahawakan ang mga hiblang makintab. Pati na ang makinis at malasutlang balat. Aywan kung paano niya nasiguradong gayon ang mga katangiang makakapa ng mga palad niya…

Noon lang ‘nakita’ ni Rafael ang babae. Kahit hindi niya ito maaninaw, alam niyang isa itong estranghera.

Gayunpaman, parang kilala na ito ng kanyang katawan. Para bang nagkita na sila sa realidad. Para bang pagbabalik-alaala na lamang niya ang madalas na pananaginip.

Ngunit saan sila nagkatagpo ng babaeng ito? Bakit hindi niya maalala kung saan sila nagkaniig? Sino ang babaeng nasa panaginip niya?

A, nagtataksil siya! Nagtataksil siya kay Rina, ang kanyang asawa…

Matapos ang napakahabang panahon ng paghihintay, parang sa loob lamang ng isang kisapmata nang matapos ang lahat. Sa isang iglap, bumalik sa dati ang buhay ni Alona.

Maliban sa ilang mahahalagang pagbabago siyempre. Natubos na sa pagkakasangla ang bukirin ni Itay. Gumaling na sa malalang karamdaman ang kanyang Inay — naipa-ospital na kasi.

At siya naman ay makaka-graduate na. May pantustos na siya para sa huling semester ng kursong kinukuha niya: B.S. Accountancy. Baka matupad pa nga niya ang pangarap na maging C.P.A. dahil may pera pa siya para makapag-review.

Anupa’t paulit-ulit na binibilang ni Alona ang mga biyayang natanggap nitong mga huling buwan habang walang katinag-tinag sa pagkakahiga sa recovery room ng maternity ward ng isang pribadong ospital.

Paano’y pilit niyang inaalo ang sarili. Hindi niya akalaing magiging masakit pala ang magiging wakas ng pinakamabigat na desisyong nagawa niya.

Ang akala kasi niya noon, magiging madali lang ang paghihiwalay dahil hindi naman sila magkakakilala.

Pero hindi pala, hindi pala…

Napakagat-labi siya habang sinasapo ng isang kamay na namamanhid ang tapat ng tiyan. Wala na ang munting nilalang na nabuhay at pumintig doon sa loob ng walong mahahabang buwan.

Hindi man lang niya nasilayan.

Hindi man lang niya nahawakan.

Napahikbi na siya dahil ni hindi nga niya puwedeng kilalanin ang sanggol na ipinagbubuntis at isinilang kagabi!

Inarkila lang kasi ang katawan niya upang makalikha ng panibagong buhay. Nasilaw siya ng halagang isang milyong piso — pero hindi siya nagsisisi.

Paano siya magsisisi kung ang malalaking suliranin niya ay nalutas nang sabay-sabay?

Ang katotohanang iyon ang nagsilbing angkla ng kanyang katinuan upang manatiling nasa kanya. Para kasing gusto na niyang mabaliw. Labis-labis na ang pangungulilang dinaranas niya gayong wala siyang alaalang pinanghahawakan. Ni anino ng anak ay hindi niya nakita.

Ngunit pipilitin niyang makabangon. Pipilitin niyang makalimot.

Pumikit siya nang mariin. Paano naman niya lilimutin ang gabing iyon…? Tila nakakintal na sa utak niya ang lalaking nagpunla ng binhi sa kanyang sinapupunan.

Isa rin itong estranghero. Hindi rin niya puwedeng makilala. Pero ang paos na boses na masuyong bumubulong ng mga papuri sa kanyang balat habang inaangkin siya ay habambuhay na niyang dadalhin sa gunita!

“Saan galing ang batang yan?” tanong ni Rafael sa kabiyak na si Rina. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman habang nakatingin sa maamo at munting mukha ng sanggol na nakabalot ng makapal na lampin.

Kulay asul ang naturang tela kaya nahulaan niyang lalaki ang maliit na anghel.

At parang pamilyar…

“Inampon ko.” ang maikli at pa-kaswal na tugon ng asawa. “Pumayag ka na, hindi ba?”

Kumunot ang noo ni Rafael. “Wala akong natatandaan na sinabi kong pumayag ako, Rina,” wika niya kapagkuwan. “Alam mo naman na ayaw kung umampon, hindi ba?”

Sumimangot si Rina, pero nagawa pa rin nitong maging maganda. At kahit na may hawak na sanggol, hindi pa rin maikailang isa itong commercial model.

“Napag-usapan na natin ‘to ng maraming beses, darling,” giit nito. Naglalambing na ang tono. “Baka hindi mo na-realized na pumapayag ka na.”

Papilig na umiling si Rafael. Sinabunutan niya ang sarili habang nagpapalakad-lakad sa gitna ng maluwang na master’s bedroom. Hindi niya magawang siguruhin na wala siyang ginagawang gayon. Napatunayan na sa mabilis na paglago ng mga negosyo niya ang matalas na utak niya.

Pero nitong mga huling buwan nga ay may gumugulo sa kanyang panaginip…

“Sweetheart, ito ang kailangan natin para manatiling matibay ang ating pagsasama,” pang-aamuki ng malamyos na tinig ni Rina. Inilapag na nito sa kanilang kama ang sanggol.

“Atsaka… hindi siya ordinaryong ampon lang,” dagdag nito, pero halatang nambibitin.

Para marahil nakuha ang buong atensiyon niya. Na nangyari naman dahil maliksi siyang lumapit sa kinatatayuan ni Rina upang hawakan ito sa magkabilang balikat. Magaan lang. Hindi niya kinakalimutan na bawal itong magkaroon ng kahit na malabong pasa sa balat.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya.

“Well, siya ang resulta ng test tube pregnancy.” Bahagya nang nakangiti ang asawa. Tila nakakasigurong matutuwa siya.

Gayon nga ang magiging reaksiyon ni Rafael kundi sa isang bagay na naalala. “Hindi ba’t failure ang ginawa nating ‘yon?”

“Sabi ko lang ‘yon,” bawi ni Rina. Masyadong mabilis. “Ang tutoo, sosorpresahin lang sana kita.”

At saka pa lang tuluyang nakumbinsi si Rafael. Unti-unting humalagpos ang katuwaan na tanging ang pagkakaroon lamang ng anak ang puwedeng maging dahilan.

“D-daddy na ‘ko?” sambit pa niya habang minamasdan ang walang muwang na sanggol. Ngayong buo na ang interes niya sa munting hugis, nakikita na niya ang mga detalye ng anyo nito.

Maingat siyang lumapit dito. Tahimik na lumuhod sa sahig na alpombra upang mahaplos ng isang daliri ang maliliit na bahagi ng bilugang mukha: ilong, pisngi, baba, noo….

“Kailan siya ipinanganak?” Pabulong ang tanong niya habang nakatutuok pa rin sa bata ang mga mata.

“Uh, kagabi lang.”

Kasabay ng tugon ni Rina ang pagkapuna niya sa manipis na buhok ng sanggol. Kahit na maikli pa, sigurado na agad na tuwid na tuwid iyon kapag humaba.

Ang babae sa panaginip niya ay may buhok na mahaba at tuwid. Hindi kaya–?

“Gusto kong makilala ang ina ng batang ‘yan,” sambit ni Rafael bago pa nakapag-isip.

“Bakit pa?” Medyo pasinghal ang sagot ni Rina, matapos ang saglit na pagkatigagal. “Atsaka, hindi puwede ‘yon. Bawal at labag sa kasunduan.”

“Huwag ka namang, magselos, darling.” pang-aalo ni Rafael sa kabiyak. Tumindig siya at lumapit na dito. Ibig niyang ipadama rito ang pasasalamat kaya buong pagsuyong hinapit ng yapos.

“I’m sorry. Na-curious lang ako. But I’m really thankful — and very, very happy. I have a son, at last!”

Abot-teynga na ang ngiti niya, habang ginagawaran ng magaan na halik ang mga labing pulam-pula at makintab sa inilagay na lipstick at lip gloss.

Awtomatiko ang pag-ilag ni Rina. “Teka, may pictorial ako maya-maya. Baka mabura ang make-up ko,” protesta nito.

“Pero, mabuti naman at natutuwa ka. Isang milyon ang nakaltas sa account ko para sa baby na ‘yan, ha?” May himig-panunumbat ba ang tono ng kabiyak? Tila humihingi ng kapalit…

Magkagayunman, hindi na muna inintindi ni Rafael ang mga napupunang kakaiba. Halos tatlong taon pa lang silang kasal ni Rina. Sabi ng matatanda, pitong taon daw ang adjustment period na bubunuin ng mag-asawa para magkakilala nang husto.

Pero sa sorpresang dala ng asawa ngayon para sa kanya, kahit na ano ay kaya niyang gawin o ibigay para maipadama dito ang malaking kaligayahan na natamo. Isa na siyang ama!

Ni hindi sumagi sa utak ni Rafael ang magduda kung tutoo nga ang sinabi ng kabiyak. Para bang natitiyak na niyang dugo at laman niya ang sanggol.

“Pabayaan mo, dodoblehin ko pa ‘yon, sweetheart,” pangako niya habang pinagkakasya na lang ang sarili sa maluwang na pagyapos sa balingkinitang katawan nito. Hindi rin kasi puwedeng magusot ang designer’s dress na kulay pula.

“Hmm, iyon lang? Gan’on lang?” ang malambing na sambit ni Rina. “Dapat may bonus, di ba?”

“Dapat lang,” sang-ayon ni Rafael, nakatawa. “Tiyak na malaki rin ang naging pagod mo. What do you want? A diamond jewelery set or a trip to Europe?” Kasasambit pa lang niya sa huling opsyon, parang gusto na niyang bawiin. Paano ang anak niya? Maiiwan itong mag-isa..?

“Both siguro.” Hindi na itinago ni Rina ang pagiging ‘grabber’ nito. “Kailan tayo aalis? Gusto ko a.s.a.p., ha?”

Muli, napalampas na naman ni Rafael na napunang kapintasan sa ugali ng asawa. Tutal, natural lang naman na maging prangka na sila sa isa’t-isa…

“May kaunting kondisyon lang siguro sa huli, sweetheart,” bawi niya. Malumanay at mahinahon para hindi naman maging kabigla-bigla.

“Kung papayag kang mag-tour with a friend, siguro puwedeng a.s.a.p., darling. Hindi natin puwedeng iwan ang baby, di ba?” Itinuro niya ang munting sanggol na inosenteng natutulog sa ibabaw ng kama nila.

Bahagyang tumaas ang mga perpektong kilay ni Rina, pero sandali lang. Muling lumitaw ang maluwang na ngiti nito matapos ingusan nang kaunti ang sanggol.

“Atsaka, pagkatapos na siguro ng binyag niya?”

“Eh, kailan ba natin siya pabibinyagan?”

“Sa makalawa, kung puwedeng maiayos agad.”

Nagustuhan ng asawa niya ang kanyang sagot. Nagtatalon ito at tumingkayad upang gawaran ng maikling halik ang dulo ng matangos na ilong ni Rafael.

“E, di next week pala, puwede na akong mag-tour?”

“Oo, kung ‘yan ang nais mo.” Parang gustong bumigat ng pakiramdam ni Rafael dahil sa ipinakikitang kawalan ng interes ng asawa sa bagong silang na bata.

Ngunit iwinaksi niya agad iyon. Unfair ang umasam siya na magkaroon agad ng ‘mother instinct’ ang babae sa sanggol na hindi lumuwal mula sa sariling sinapupunan.

“Buweno, baka gabihin ako ng kaunti mamaya. Aasikasuhin ko na ang passport at travelling visa ko,” wika nito habang kumakalas mula sa pagkakayapos niya. “Atsaka, dadaan na rin ako sa simbahan para makapag-inquire tungkol sa pagpapabinyag,” dagdag pa.

May palagay si Rafael na kung hindi kunektado sa binyag ng sanggol ang pag-alis ni Rina, tiyak na hindi makakasama sa mga plano nito ang huling sinabi. Muli na naman niyang pinalis ang pangit na haka-haka.

“Okey, please, do that, darling,” tugon niya. Nakangiti pa rin, kahit na medyo pilit na. “Este, kumpleto na ba ang papers ng baby?” pahabol-tanong niya. Papalapit na kasi sa pinto ang babae.

Huminto si Rina sa aktong pipihitin na ang seradura. Luminga sa kanya at ngumiti na para bang kinukunan ng litrato.

“Of course naman, sweetheart. Alam mo naman akong tumarbaho, di ba? Metikulosa ako,” pagmamalaki pa.

“Oo nga naman,” sang-ayon niya. “What about this milk? May nanny na ba siya?”

“Si Diday ang nakatokang mag-alaga sa batang ‘yan. Alam na niya kung anu-ano ang mga dapat gawin dahil kasama ko siya sa ospit — ” Biglang napahinto si Rina.

Pero dahil masyado nang halata kung magkakaila pa, itinuloy na lang. “Sa ospital namin kinuha ‘yang bata, e,” dugtong nito bilang paliwanag.

“So, alam na ni Diday ang mga dapat gawin?” ulit niya habang nag-iisip. “Okey, good. Siya na lang ang tatawagin ko. Sige na, lumakad ka na. See you tonight, sweetheart.” Bumalik siya na sa tabi ng bata matapos itaboy sa pag-alis ang asawa.

Tila pabagsak ang pagsasara nito sa pinto kaya muli siyang napalinga sa direksiyon niyon. Pero wala na ang kanyang asawa. Nakaalis na.

Napakibit-balikat na lang si Rafael. Ngayon pa lang, nararamdaman na niyang malaking-malaki ang mga pagbabagong magaganap sa buhay nilang mag-asawa dahil sa pagdating ng sanggol.

“Sa umpisa lang naman siguro, little son,” sambit niya habang hinahaplos ng dalawang daliri ang buhok na umusli palabas mula sa hood ng lampin. “Basta’t para kay Daddy, ikaw ang importante!” Ginawaran pa niya ng magaan na halik ang munting umbok ng noo.

Umingit ang sanggol. Para bang nagpu-protesta. Maya-maya’y kumibot ang kulay rosas na bibig at bumuka na animo mga maliliit na talulot. Nagugutom pala.

“Wait a minute,” wika niya habang maliksing nagtutungo sa intercom unit na nakakabit sa headboard ng kama. “Tatawagin ko lang si Diday. Magpapatimpla tayo ng gatas.”

May dapat din silang pag-usapan ni Diday, pangako niya sa sarili.

Mula sa ospital, nagtuloy si Alona sa bahay ng kaibigan na pinanggalingan ng ideyang lulutas sa mga problema niya.

“O, bakit hindi ka naman nagpasundo?” Nag-alala agad si Brenda, pagkakita sa maputlang mukha niya. “Grabe namang si Mrs. M na ‘yon! Hindi ka man lang ba tinulungan umuwi? Basta na lang umalis pagkatapos kunin ang kailangan sa ‘yo?” Patuloy ito sa pagbubusa habang tinutulungan siyang pumasok sa loob ng two-storey apartment.

“Gan’on ang usapan namin, Brenda, ” paliwanag niya sa nanghihinang tinig. “M-malakas naman ang pakiramdam ko…”

“P’ano’ng magiging malakas? Ayan at sapo mo na ang sugat mo? Kelan ka pa ba nasa ospital? Bakit ‘di mo man lang ako pinadalaw d’on? Para naman may nag-asikaso sa ‘yo do’n,” pang-uusig nito habang tinutulungan siya sa pag-upo sa malambot na sopa.

“A, oo nga pala, ‘yon ang usapan n’yo,” bawi nito matapos balikan ang dalawang bag niya mula sa labas ng gate.

“Mabait naman ‘yung taksi drayber na nasakyan ko,” katwiran niya. “Hindi niya ako pinagbuhat ng mga ‘yan.”

Umingos lang si Brenda. “Hmp! Mabait ba ‘yung ni hindi nga niya hinintay na mapagbuksan man lang muna kita ng gate?”

“Pasensiya ka na. Nagmamadali siguro ‘yung tao.” Sumandal siya sa malambot na headrest. Parang umikot ang kanyang paningin kaya pumikit rin. Hindi na niya maitago ang nadaramang panghihina.

Kaya naantig marahil ang kalooban ni Brenda. Huminto na ito sa kasesermon sa kanya.

“Kailan ka ba dapat lumabas? Bakit parang hindi pa kumpleto ang pamamahinga at pagpapagaling mo?”

Muling nagmulat ng mga mata si Alona. “N-next week pa sana,” pagtatapat niya. “Kaya lang, may nasabi ang nurse d’on na mayroon daw lalaking nagtatanong tungkol sa batang isinilang ko.”

Natutop ni Brenda ang bibig. “Naku! Baka ‘yon ‘yung ama!” bulalas nito.

Tumango siya. “Baka nga.” Naliyo uli siya kaya muling napapikit. Pero nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Baka nagtapat si Diday,” dagdag niya.

“Sino’ng Diday?”

“‘Yung maid na nag-aasikaso sa akin mula nung magbuntis ako.”

“P’ano mo naman natiyak?”

“Mas gusto daw niya ang ugali ng among lalaki kaysa sa among babae. Mabait at maginoo raw ang ama ng baby ko,” patuloy niya. Medyo groge na ang pananalita. Side effect siguro ng painkiller na itinurok sa kanya bago siya ini-release ng ospital kaninang umaga.

“P-puwede bang dito na lang muna ako, Brenda?” Namumungay na nang husto ang mga mata niya habang nakikiusap sa kaibigan.

“Oo naman.” Mabilis ang pagpayag nito. Puno ng simpatiya ang boses. “Maluwang ang apartment na ito.”

“H-hanggang sa lumakas lang naman ako. Mag-e-enroll uli ako ngayong semester. Magdo-dorm uli ako,” patuloy ng pagaw na tinig niya.

“Kahit na dumito ka na nang tuluyan,” salo ni Brenda. “Kailangan ko nga ng makaka-share sa renta dito, ano? Naghiwalay na kami ni Charles, e.” Pa-kaswal lang ang pagbabalita nito sa bagong estado sa buhay. Parang di gaanong naapektuhan. Nanaghili tuloy si Alona.

“P-pasensiya ka na kung pag-iisipan ko pa, Brenda,” pahayag niya matapos sikilin ang pag-alsa ng kuryosidad. “Pero kaunti na lang ang perang natitira sa kinita ko. Gusto kong mapagkasya ‘yon hanggang sa makapagtapos ako at makapagtrabaho na ‘nang tuluyan.”

“Ayos ‘yang nga plano mo. Kakainggit ka. Buti ka pa, may direksiyon pa rin ang buhay mo.” Si Brenda naman ang nanaghili.

“Puwede mo namang ituloy ang pag-aaral mo, hindi ba?” suhestiyon niya, sa tanong antuk na antok na. Gusto pa niyang ipagpatuloy ang pangungumbinsi sa kaibigan pero hindi na niya mapigil ang sobrang antok.

“O, siya, matulog ka na nga lang muna. Mamaya na natin ituloy ang pagkukuwentuhan natin.” Bahagya na lang niyang naulinigan ang tinuran ni Brenda, pero naramdaman pa niyang ang pag-alalay sa kanya para maiayos sa pagkakahiga ang nanlalatang katawan. “Mamaya ka na lang umakyat sa kuwarto. Baka mabinat ka…”

‘Oo, Brenda. Salamat…’ Sa isip pa lang ni Alona nasambit ang katanungan. Malalim na agad ang pagkakahimbing niya.

Nahahalata ni Rafael na nagsisinungaling ang kausap na nurse, pero nagtitimpi pa rin siya. Ayaw niyang gumawa ng eskandalo. Ang gusto lang naman niya ay mapasalamatan nang personal ang babaeng pumayag na arugain nito sa sinapupunan ang kanyang binhi.

A, nagsisinungaling ka, Rafael Morales! pag-uusig niya sa sarili. Gusto mong makita ang babaeng ‘yon dahil gusto mong makita kung ‘yon ang babae sa iyong panaginip!

Habang tumatagal kasi, magmula nung iniuwi ni Rina ang sanggol na si Rafael, Jr, nawalan na lalo siya ng katahimikan sa kanyang pagtulog.

Kahit na gising na gising pa siya, naaalala na niya ang mga erotikong sandali ng isang gabing tila nailibing sa limot. Ibig lang niyang tiyakin na tutoo ang mga iyon.

O baka mga pantasya lamang.

“Sir, pasensiya na po kayo,” patuloy na nurse. Nanginginig na ang boses nito, bagama’t kontrolado pa din ang ekspresyon. “Talaga pong walang ganyang pangalan sa mga pasyente namin dito.”

“Puwede bang makita ang logbook, n’yo?” hiling niya sa tonong pautos.

Saglit na nag-isip ang nars. “Kung papayag po ba ako na masilip n’yo ang logbook, aalis na kayo?” pangungundisyon nito.

“Oo.” Pumayag na siya dahil nakaisip na siya ng ibang paraan, kungsakaling wala siyang matuklasan.

Walang imik na iniabot nito ang makapal na notebook. Tahimik nitong pinanood ang pagrerekisa niya sa mahabang listahan sa ilang pahina.

Click here to READ MORE

Comments are closed.