Yours For One Night

Naranasan mo na bang umibig nang hindi mo nalalaman? Iyon bang pagmamahal na nakatago sa puso…

Kung mayroon kang inililihim na pag-ibig, huwag mong isiping hindi mabubunyag iyan. Ang pag-ibig daw ay katulad ng isang halaman.

At ang iniiibig naman ay ang araw, tubig, at hangin. Sa tuwing nasisilayan mo ang iyong minamahal, ang halaman ay yumayabong nang yumayabong…

Si Serina ay isang tahimik at masipag na sekretaryang tapat na naglilingkod sa isang simpatikong boss na si Joshua. Pareho silang may minamahal at nagbabalak nang magpakasal.

Ngunit nang magbiro ang tadhana, pinagsabay sila. Kapwa nagtaksil ang kanilang mga kasintahan.

Ang kalungkutan ay nagmistulang tanikalang gumapos sa mga pusong nalulumbay. Inalo nila ang isa’t isa…

Natuklasan ni Serina ang tunay na damdamin para kay Joshua, ngunit hinding-hindi maaaring ilantad… Tama na sa kanya ang isang gabing pagkahibang.

The love song for the romantic story of Serina and Joshua is “I’m Yours” by John Mraz.

* * *

Sa Kalye Tanglaw, na mas kilala sa tawag na Baranggay Tagay, singkapal ng mga langgam ang mga batang nakakalat sa daanan. Palibhasa napakasikip ng mga tirahang barung-barong na magkakalapit sa magkabilang panig, ang makitid na kalsadang konkreto ay ginawang palaruan, labahan, paliguan, tindahan, pasugalan at lugar ng inuman.

Hindi rin nawawalan ng mga basurang nakatumpok sa tabi-tabi at mga dumi ng mga aso sa kungsaan-saan.

Dito lumaki si Serina. Ngunit kailanman ay hindi siya naging batong kalye. Kabaligtaran siya ng mga kapwa-bata at mga kapatid. Palaging nasa loob ng bahay. Pagkatapos gampanan ang mga samut-saring gawaing-bahay, nakasubsob ang ulo niya sa pag-aaral ng mga leksiyon sa eskuwela.

Dahil sa limang anak nina Aling Celing at Mang Bubot, tanging si Selina lamang ang nangangarap — at nagsusumikap — na makaahon mula sa kahirapan.

Iginapang ng dalaga ang sarili para makatapos sa kursong Commerce. Nagtrabaho siya sa mga fastfood restaurants bilang parttimer. Namasukang clerk/typist sa isang notary public office.

Tumanggap ng mga labada at palantsahin mula sa mga kapitbahay. At nagtinda ng mga pahulugang RTW, mga produktong pampaganda, sapatos, bag, encyclopedia, at real estate.

Sa puntong pagtitinda, hindi naging matagumpay si Serina. Mahina ang ‘sales talk’ ability dahil medyo mahiyain. Kulang sa puwersa ang personalidad dahil medyo mahinhin. Ginawa siyang kimi ng sobrang karukhaan. Kaya ang hinasa niya nang husto ay ang mga office skills.

Palibhasa hindi namili ng trabaho, agad na nakapasok sa opisina ang dalaga. Kahit degree holder, namasukan siya bilang janitress.

Tiniis ni Serina ang mga pangangantiyaw ng mga kapatid na pawang lalaki at ilang kapitbahay.

“Ano ba ‘yan, bunso? Anim na taon kang bumuno sa kolehiyo, a? Magiging tagalinis ka lang pala ng mga kubeta! Ha! ha!”

Nagbingi-bingihan si Serina. Ang tanging minahalaga niya ay ang pagkakaroon ng suweldong tatanggapin tuwing kinsenas at katapusan.

Ang importante ay regular na siyang nakakapag-abot sa mga magulang. Nagbulag-bulagan na lamang siya kung saan dinadala ng amang lasenggo at inang tong-itera ang perang pinagpapawisan niya.

Sinuwerteng nabakante ang posisyong private secretary ng company president makalipas ang limang buwan. Agad na nag-apply si Serina. Lakas-loob lang nang kumuha ng mga exams, ngunit ibinuhos ang lahat ng kakayahan.

Hindi siya nakapaniwala nang matanggap. Kahit lumipas na ang tatlong taon, parang nananaginip pa rin si Serina Rubio.

Gayunman, lalupa niyang pinag-ibayo ang likas na kasipagan. Palagi siyang maaga pumasok sa opisina. Palaging handang mag-overtime kahit kailan kailanganin ng boss.

Bagama’t walang natatanggap na papuri mula sa amo, alam ni Serina na kuntento sa serbisyo niya si Joshua Villarama.

“‘Yang si Sir Josh natin, kuripot ‘yan sa mga boladas pero galante naman sa bonus at salary increase.” Ganito ang sinabi ng human resources management o HRM manager nung orientation interview ni Serina, may tatlong taon na ang nakakaraan.

Ngunit hindi ang mga sorpresang midyear bonuses at regular na salary increase ang nagsisilbing motivation ni Serina sa pagsisipag.

Si Sir Joshua mismo ang inspirasyon niya para maging perfectionist sa trabaho.

Hindi arogante at lalong hindi matapobre ang binatang milyunaryo. Nanggaling sa hirap na yumaman dahil sa ibayong pagsisikap at determinasyon at hindi marunong manlamang sa kapuwa, lihim na iniidolo ng dalaga ang ulirang boss.

“Serina!”

Muntik nang matapilok si Serina dahil umiiwas ang hakbang niya sa isang maliit na tumpok ng dumi ng aso nang mapalinga. Isang matamis na ngiti pa rin ang sumilay sa kulay rosas na bibig niya dahil ang nobyo palang si Ron-ron ang tumawag sa kanya.

“Good morning,” bati ni Serina. “Pang-umaga ka na ba ngayon?” Medyo na-guilty siya dahil ilang araw na silang hindi nagkikita ng kasintahan gayong ilang bahay lamang ang nakapagitan sa kani-kanilang tirahan.

Masyado kasi siyang naging abala sa opisina. Biglang nagkaroon ng emergency stockholders’ meeting habang nag-uumpisa ang mga preparasyon para sa isang double blow-out party. Si Joshua Villarama ang hinirang na ‘entrepreneur of the year’ at ang J.V. Group of Companies ang napiling ‘model company of the decade.’

Sa loob kasi ng mahigit labintatlong taon, walang naghangad na magtayo ng labor union sa mga empleyado ng kumpanya. Lumobo na sa mahigit limangdaang katao ang nasa empleyo ni Joshua Villarama.

“Hindi. Nag-resign na ako sa trabaho — kaya mag-a-apply na naman sa panibago.” Pakaswal ang tono. Halatang sanay na sanay na sa gayong sitwasyon.

Dahil hindi gaanong nakatutok sa kausap ang isipan ni Serina, naging mabagal ang kanyang reaksiyon.

“Hoy, Serina! Narinig mo ba ako?” Tinapik ni Ron-ron ang isang braso ng dalaga.

“Oo naman.” Sumulyap si Serina sa payat at may katamtamang taas na lalaki.

Magkababata at magkaklase sila ni Ronald Adoracion. Nagsimula ang panliligaw nito nung first year highschool sila. Dahil wala nang ibang nanligaw, parang nagkaroon sila ng M.U. o ‘mutual understanding’.

Nagyayang magpakasal ang binata nung maka-graduate ito sa kursong computer science. Ngunit third year irregular pa lamang si Serina noon kaya tumanggi siya at humingi ng kaunti pang panahon.

Naging opisyal na silang magnobyo. Alam na ng lahat ang kanilang engagement.

Na naging long engagement dahil limang taon na ang lumipas buhat ng mag-alok ng kasal si Ron-ron. Maraming naging dahilan o problema. Walang magamayang trabaho ang kasintahan. Palipat-lipat ng pinapasukan.

Gayunman, buo at matatag pa rin ang pagmamahal ni Serina kay Ron-ron. Patuloy pa rin siya sa paghabi ng mga pangarap tungkol sa pagpapakasal at pagsasama nila ng childhood sweetheart at long-time fiance.

Ito rin lang kasi ang lalaking nanligaw sa kanya. Ito rin ang bestfriend niya mula pagkabata.

Si Ron-ron ang sentro ng mundo ni Serina. Umaasam siyang makakasal na sila ngayong sumapit na siya sa edad na bente singko. Siguro nama’y nakatanaw na siya ng utang na loob sa kanyang mga magulang.

Hindi naman pati siya titigil sa pagtulong kahit may sarili na siyang pamilya…

“Kailangan ko ang tulong mo, Serina.”

Nagsalita uli si Ron-ron kaya pinuwersang ibalik ni Serina ang buong isipan sa kasalukuyan.

“Ano’ng maitutulong ko sa ‘yo?” Binilang na ni Serina sa loob ng utak ang laman ng wallet.

Malimit siyang mahiraman ng pera ni Ron-ron. Balewala naman dahil matagal na ang pinagsamahan nila at nagmamahalan sila ng lalaki.

“Di ba, assistant ka ng company president n’yo?” umpisa ni Ron-ron. “Siguradong malakas ka kaya puwedeng-puwede mo akong ipasok sa trabaho.”

Natigilan si Serina. Napahinto sandali sa paglalakad ngunit nagpatuloy uli dahil hindi tumigil ang kasabay.

“Hindi ako assistant, sekretarya lang ako.” Awtomatiko ang pagtatama niya. “Atsaka, hindi ako malakas kay Sir. Pero puwede kang mag-apply. Kapag qualified ka, tatanggapin ka nila.”

Bumadha ang pagmamaktol sa butuhang mukha ni Ron-ron. Sadyang maputla ang balat nito dahil medyo sakitin. At tila magkakasakit na nga ito sa di-sinasadyang pagbibigay niya ng disappointment.

Naawa si Serina kaya binuksan niya ang zipper ng shoulder bag at dinukot ang wallet.

“Pasensiya ka na, Ron. Hamo’t magtatanong ako kung ano ang bakanteng posisyon sa kumpanya. Susubukan ko ring humingi ng rekomendasyon kay Sir,” pang-aalo niya habang kinukuha ang nakaipit na limandaang buo sa likod ng ATM card.

“O, heto ang pandagdag sa pamasahe mo. ‘Wag kang magpapalipas ng gutom, ha?”

“Salamat.” Tinanggap ni Ron-ron ang pera pero sa wallet niya nakatingin. “Me laman ba ‘yang ATM mo? Pautangin mo naman ako. Kinuha akong ninong sa binyag ng isang kabarkada ko, e.”

“Sori, sa Biyernes pa ang suweldo namin, e.” Inililihim pa ni Serina ang pag-iipon niya para sa kanilang kasal dahil nais sorpresahin ang fiance kapag namanhikan na ito sa pamilya niya.

“Tamang-tama pala. Sa Sabado ang binyag, e. Mag-withdraw ka na bago umuwi, ha? Umagang-umaga kasi ang alis namin, e.”

“Oo, sige.” Hindi sumagi sa isip ni Serina ang tumanggi sa utos ng nobyo. “Magkano ba ang kailangan mo?”

“Tatlong libo lang.”

“T-tatlong libo?” Likas na matipid at masinop sa pera, nagulat si Serina. “Saan ba ang binyag?”

“An’layo nga, e. Sa Pangasinan pa.”

“Napakalayo naman pala. Kailangan mo ba talagang magpunta d’on?” Habang nagsasalita, nag-iisip si Serina kung pagbibigyan niya ang gusto ng nobyo.

Nagmaktol uli si Ron-ron. Padaskol nitong isinuksok sa bulsa ng polo ang limandaang ibinigay niya at binilisan ang paglalakad.

“Kung ayaw mo, ‘wag mo! Madamot ka na pala ngayon!” Ito pa ang may ganang magalit. Paano’y na-spoiled na sa kabaitan ni Serina. Sigurado nang hindi matitiis ng mapagbigay na nobya.

“Ron-ron naman. Hindi ako nagdadamot. Nabigla lang ako.” Humabol si Serina. “Parang hindi kasi praktikal ‘yung mangungutang ka ng malaking pera para gastusin lang sa isang binyagan,” paliwanag niya sa tonong nang-aalo.

“Mas gusto mo bang ismolin at matahin ako ng mga kabarkada ko?”

Wala na sa katwiran si Ron-ron, pero nabubulagan ng pagmamahal si Serina kaya hindi niya nakikita ang maling attitude ng nobyo.

Isa pa, ayaw niyang masayang ang mahabang panahong pinagsamahan nila kaya hindi nauubusan ng pasensiya.

“O, siya, siya. Bibigyan kita ng tatlong libo sa Biyernes. ‘Wag ka nang magalit. Ang aga-aga’y nakasimangot ka. Baka matakot pa ang aaplayan mo.” Nilambing na niya ang lalaki dahil nakarating na sila sa bus stop.

Baka lumaki at tumagal pa ang tampo ni Ron-ron kapag nagkahiwalay silang nagagalit pa rin ito.

“Talaga? Promise ‘yan, ha? Walang istiran!” Biglang nabura ang simangot ng lalaki. Abot-teynga na ang ngiti. “Ano’ng oras ka uuwi sa Biyernes? Baka may overtime ka?”

“Malamang na meron nga.” Miyerkules na ngayon at sa Sabado na ang blow-out party. Kapag hindi pa natapos hanggang Huwebes ang mga paghahanda para sa party, tiyak na hanggang sa Biyernes ay magiging abalang-abala si Serina.

“Ano kaya kung ako na ang mag-withdraw para sa ‘yo?” suhestiyon ni Ron-ron.

Saglit na nag-alinlangan si Serina. Wala pang humahawak na ibang kamay sa ATM card niya. Ngunit hindi naman ibang tao si Ron-ron, a? Future husband niya ito.

“Hindi bale na lang. Maghihintay na lang ako sa pag-uwi mo kahit hanggang hatinggabi. Wala ka ‘atang tiwala sa akin, e.” Pamaktol na naman ang pagsasalita ni Ron-ron.

Natatanaw na ni Serina ang Villarama shuttle bus na nagbibigay ng libreng sakay sa mga J.V. employees kaya pumayag na siya agad para matapos na ang argumento.

“Okey, payag na ako. O, kiss na. Paparating na ang bus namin.” Ibinaling niya ang pisngi para pahalikan sa lalaki.

“Ibigay mo na sa akin card. Baka paasahin mo lang ako.”

Nataranta pa si Serina sa pagdukot ng ATM card sa wallet. Ni hindi niya napunang nagiging garapal na ang nobyo.

“Bye! Mamaya na lang ang kiss!” Nahiya na siyang magpahalik sa harap ng mga kapwa-empleyado.

“Babay! Am’bait mo talaga, Serina!”

Sinilip ni Serina sa bintana si Ron-ron nang nakaupo na upholstered seat ng aircon bus ngunit nakatalikod na ang lalaki para tumawid sa EDSA.

Napailing na lamang ang dalaga habang nakangiting inihahatid ng tanaw ang patpating hugis ng binata. Magkaedad silang dalawa pero isip-bata pa rin ito. Bunso kasi at medyo sunod sa layaw dahil nasa abroad ang ama.

‘Bunso ka rin naman, a?’ salo ng isang tinig sa likod ng utak.

Unti-unting lumungkot ang masayang ngiti ni Serina nang maalala ang apat na kuya at mga magulang na pulos palautos. Ni minsan, hindi niya naramdaman kung paano ang maging isang paboritong bunso sa pamilya!

“‘Yon ba ang boyfriend mo, Serina?”

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang maupo sa kanyang tabi si Lerma, ang private secretary ng vice-president for finance.

“Oo.” Maikli ang tugon niya dahil nakikiramdam kung ano ang talagang motibo ng interes ng babaeng ka-opisina.

“Hindi siya kaguwapuhan, ano?” patuloy ni Lerma. Kaswal na kaswal ang pamimintas. “Kunsabagay, hindi ka rin naman kagandahan. You suit each other very much!” Tinuya siya ng malapad na ngiting nasa mapupulang labi bago tumindig at lumipat sa pinagmulang upuan.

Bumuntonghininga si Serina at nagpasensiya na lamang. Nagkaroon ng matinding inis sa kanya si Lerma Cruz dahil ambisyon pala nitong maging private secretary ng mismong company president. Huli na nang malaman niya ang tungkol sa hangarin nito.

Disinsana’y nagparaya na lang siya noon…

‘Ang martir mo naman! Harap-harapang insulto na ‘yon, a? Lumaban ka naman!’ ang inis na buska ng munting tinig.

Bumagal ang pagtakbo ng bus nang mapadaan sa tapat ng mga taong nagpi-piket sa harapan ng isang sikat na gasolinahan. Napatingin si Serina sa mga higanteng plakard na may nakasulat na malalaki at mapupulang letra.

‘Ayoko lang ng gulo,’ katwiran niya sa sarili.

Abala na sa pagta-type sa computer keyboard si Serina nang tumunog ang buzzer ng intercom. Sanay na siya sa matinis na ingay kaya hindi na nagugulat kahit katabi lamang ang mekanismo.

“Sir?” Maliksing sinagot ni Serina ang tawag ng boss mula sa private office.

“Black coffee lang, Miss Rubio,” wika ng malalim at medyo paos na boses-lalaki.

Mabilis na tumalima ang dalaga sa maikling utos. Nagsalin siya ng umuusok na brewed coffee sa isang porcelain cup na may katernong platito.

Inilagay iyon sa isang maliit at kuwadradong aluminum tray. Huminto siya sandali sa tabi ng office desk upang damputin ang steno pad at isang kahon ng mga bagong tasang lapis na palaging nakahanda.

Kahit namasukang janitress, walang plano si Serina na manatiling tagalinis ng comfort rooms habambuhay kaya kumuha siya ng crash course sa stenography habang iginagapang ang sarili na maka-graduate sa college.

Ang sabi ng Personnel manager noon, siya lamang daw ang nakapasa sa steno test na ibinigay ni Sir Joshua sa mga aplikante bilang private secretary.

Kumatok muna si Serina sa pinto at hinintay ang pagsagot ng amo bago pinihit ang seradura. Isang beses lang niyang nahuling may kayakap at kahalikang babae si Joshua Villarama, pero ayaw na niyang maulit ang pagkakamali.

Lalupa’t iyon daw ang isa sa mga dahilan ng pagkakatalsik ng sekretaryang pinalitan niya.

Dahil walang balak na mawalan ng trabahong may magandang pasahod, naging alerto at maingat si Serina sa pakikitungo sa boss.

“Sit down, Miss Rubio.” Nakatayo sa tapat ng malalaking bintana si Joshua Villarama. Nakatalikod sa kanya.

Inilapag ni Serina ang aluminum tray sa isang gilid ng malapad na office desk at sinamantala ang pagkakataong mapagmasdan ang makisig na kabuuan ng amo.

Kahit paghanga lamang sa talino at kabaitan ni Sir Joshua ang nararamdaman, inilihim pa rin nang husto ni Serina iyon.

Nananatili siyang pormal at impersonal dahil iyon ang dalawang mahalagang sangkap para hindi tumabang ang panlasa ng boss sa paglilingkod niya.

Iniukit ni Serina sa utak ang mga natutuhan sa isang secretarial seminar na pinadaluhan sa kanya ni Joshua Villarama noon.

“Never, never, never fall in love with your boss!” ang seryoso at mariing payo ng isa sa mga guest speakers. “That foolishness will cost you your job, your heart, and your future!”

Madaling ibigin ang isang simpatikong lalaking katulad ng boss niya, kaya triple ang pagbabantay at pagrerenda ni Serina sa sariling damdamin.

Palagi siyang naka-distansiya kay Joshua Villarama, kahit imposible namang mapansin ng amo.

‘Napakaguwapo at napakamacho ni Sir Joshua — samantalang ako ay hindi maganda at walang mabuting background,’ panunuya ni Serina sa sarili.

Ibinaling niya ang paningin sa eleganteng palibot ng maluwang at maaliwalas na opisina. Ganito rin ang ambience sa Villarama Residence.

Kaunti lamang ngunit malalaki ang mga silid sa loob ng bahay ni Joshua. Napakaluwang rin ng bakurang nakapalibot sa one-storey at kulay puting ranch-style house.

Ayon sa mga kuwentu-kuwento, si Joshua Villarama daw ay nagmula sa isang masikip, matao at madilim na squatters’ area sa pusod ng Maynila. Ang bahay na kinalakhan ay may maliit pero may apat na palapag at pinagdugtung-dugtong ng matatarik at makikitid na hagdanan.

Kaya marahil ang tahanang ipinatayo ay may isang palapag lang at ubod nang lapad.

Tumikhim ang lalaking laman ng isipan. Nakalapit ang boss sa kinauupuan niya nang di namamalayan dahil napakakapal ng alpombrang kulay krema.

“Are you ready to listen for my instructions, Miss Rubio?” tanong ni Joshua. Malutong ang tono.

Agad na tumango si Serina at mabilis na naghanda sa pagsusulat sa stenopad.

“Yes, sir.” Pormal at kalmado ang pagsasalita kahit nangangatog ang kalooban.

Baka hindi nagustuhan ang pagmamasid niya sa mga mamahaling muwebles at kasangkapan sa paligid ng opisina.

“I-cancel mo ang lahat ng mga appointments ko para sa araw na ito. ‘Yung mga hindi puwede, ipasa mo kina Mr. Fornales at Mr. Rivero.” Ang tinukoy ay ang mga vice-presidents ng finance at marketing.

“May pupuntahan ako. I’ll be out all day today.”

Tumango si Serina habang nagsusulat. “Babalik pa po ba kayo dito sa office, sir?”

“I don’t know.” Bahagyang nakakunot ang noo ni Joshua. Parang may naiisip na hindi maganda. “Baka sa Hongkong na ako mag-overnight.”

Nakagat ni Serina ang dila dahil sa pagkabigla. Ang ibig sabihin ng Hongkong ay Cara Amor, ang sikat na pop diva at latest girlfriend ni Joshua. O fiancee.

Maraming beses nang nalathala sa mga diyaryo at magasin ang tungkol sa nalalapit na wedding of the year.

“Gusto kong mag-concentrate ka sa party preparations mula ngayon hanggang bukas.”

“Meron pa po ba kayong ibang ibibilin?” Nagsalita siya nang matiyak na normal na uli ang boses.

Hindi na niya itinanong kung gustong magpa-reserve sa hotel o kung may plane ticket na ang amo. Pihong si Sir Joshua na ang personal na nag-asikaso ng mga iyon dahil sa kasabikang makasama na uli ang nobya.

“No more, Miss Rubio. You can go now.” Halatang nasa malayo na uli ang isipan ni Joshua. Nauna na sigurong nagtungo sa Hongkong…

Nagdumaling lumabas si Serina upang maibalik agad ang distansiyang nagsisilbing proteksiyon niya sa mapanghigop na karisma ng boss.

Matapos kausapin sa telepono ang mga pangalang nakasulat sa makapal na appointment book, itinutok na ni Serina ang buong konsentrasyon sa party preparations.

Click here to READ MORE

Comments are closed.